30 Disyembre 2022
Kapistahan ng Banal na Mag-Anak Hesus, Maria, at Jose (A)
Sirac 3, 3-7. 14-17a (gr. 2-6. 12-14)/Salmo 127/Colosas 3, 12-21/Mateo 2, 13-15. 19-23
The Rest on the Flight into Egypt (c. 1597) by Giuseppe Cesari, also called Cavaliere d'Arpino (1568-1640), from the Collection of the Museum of Fines Arts Boston through the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and other areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or less.
Kapag ang mga araw ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon at ang Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos na siya ring araw ng Bagong Taon sa sekular na kalendaryo ay tumapat sa araw ng Linggo, ang espesyal na Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito, ang Kapistahan ng Banal na Mag-Anak Hesus, Maria, at Jose, ay inililipat sa Biyernes sa Walong Araw na Pagdiriwang o tinatawag na Oktaba ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesukristo. Magandang bigyan ng pansin at pagnilayan ang katangiang ito ng Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito, lalung-lalo na't bihira lamang mangyaring tumapat sa isang araw ng Biyernes ang Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito at dahil na ring inilaan ang araw ng Biyernes para sa pagdedebosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Alam naman nating sinasagisag ng imahen o larawan ng Poong Jesus Nazareno ang kababaang-loob ng Panginoong Hesus. Dahil sa Kanyang kababaang-loob, ipinasiya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na iwanan ang Kanyang karangalan at kalagayan bilang tunay na Diyos at Haring walang hanggan upang iligtas ang sangkatauhan. Sa tuwing sasapit ang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa espesyal na araw na ito, itinutuon ng Simbahan ang ating pansin sa unang bahagi ng misyon ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Sa Kanyang unang pagdating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas, hindi dinala o tinaglay ng Poong Jesus Nazareno ang Kanyang kapangyarihan, karangalan, o kadakilaan bilang Diyos at Hari. Bagamat Diyos Siya, ipinasiya Niyang dumating sa mundong ito katulad natin, maliban na lamang sa kasalanan. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ipinanganak sa mundong ito sa isang hamak na sabsaban sa isang lungsod na tinatawag na Betlehem, ang lungsod ni Haring David, at naging bahagi ng pamilyang binuo ni San Jose at ng Mahal na Inang si Mariang Birhen.
Tinalakay sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa para sa araw na ito ang konsepto ng kababaang-loob ng mga anak. Bilang Bugtong na Anak ng Diyos na naging Anak rin ni San Jose at ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, si Jesus Nazareno ay naging mapagpakumbaba. Katunayan, ang pasiya ng Panginoong Jesus Nazareno na maging anak ni San Jose at ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay isa ring tanda ng Kanyang kababaang-loob. Bagamat Diyos Siya, si Kristo ay naging masunurin kay San Jose at sa Mahal na Birheng Maria.
Subalit, hindi porket na ang Poong Jesus Nazareno ay ang Bugtong na Anak ng Diyos ay nangangahulugang naging ligtas na Siya at ang pamilyang kinabahaginan Niya sa mundong ito mula sa mga pagsubok sa buhay. Maraming hinarap at pinagdaanang pagsubok sa buhay sa mundong ito ang Sagrada Familia. Isa sa mga sandaling ito ay itinampok sa salaysay sa Ebanghelyo. Kinailangang tumakas ang Sagrada Familia sa Ehipto upang mailigtas ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno mula sa kamay ng nagbabalak na ipapatay Siya dahil sa kanyang pagiging sakim at gahaman - si Haring Herodes. Bagamat ang ipinagkaloob ng Diyos sa Mahal na Inang si Mariang Birhen at kay San Jose ay ang pinakaperpekto sa lahat na walang iba kundi si Jesus Nazareno, labis rin silang nahirapan sa kanilang mga tungkulin bilang Kanyang mga magulang dahil sa iba't ibang mga banta laban sa Kanya, kahit Sanggol pa lamang Siya noon.
Hindi kinailangang maging bahagi ng isang pamilya dito sa mundong ito ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa totoo lang, maaari naman Siya dumating sa mundong ito taglay ang Kanyang kadakilaan bilang Diyos at Hari. Batid naman Niya ang mga panganib na Kanyang haharapin, dadanasin, at titiisin at maging ang mga panganib o banta na haharapin rin ng pamilyang kinabilangan Niya. Subalit, alang-alang sa atin, ang Poong Jesus Nazareno ay nagpasiya pa ring maging bahagi ng isang pamilya. Sa kabila ng mga panganib at banta laban sa Kanya, na nagsimula noong isa pa lamang Siyang Sanggol, ipinasiya pa rin ng Poong Nazareno na magpamalas ng kababaang-loob at maging Anak ni San Jose at ng Mahal na Inang si Mariang Birhen.
Isa lamang ang dahilan kung bakit may Pasko. Ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na magpakita ng kababaang-loob. Ito ang dahilan kung bakit ang Poong Jesus Nazareno ay isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa isang hamak na sabsaban noong gabi ng unang Pasko. Alang-alang sa atin, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nagpakumbaba upang tayo ay iligtas. Katulad ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, tayong lahat ay dapat mamuhay nang may kababaang-loob. Ipakita natin sa ating pamilya at sa ating kapwa ang ating kababaang-loob. Sa pamamagitan ng ating kababaang-loob, nahahayag ang ating debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento