Biyernes, Disyembre 16, 2022

IBAHAGI ANG TUNAY NA LIGAYANG KALOOB SA ATIN NG POONG JESUS NAZARENO

25 Disyembre 2022 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno 
[Pagmimisa sa Hatinggabi] 
Isaias 9, 1-6/Salmo 95/Tito 2, 11-14/Lucas 2, 11-14 

Nativity (1732) by Giovanni Battista Tiepolo (1696-1770) from the Collection of St. Mark's Basilica in Venice, Italy, through the Web Gallery of Art is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or less due to its age. 

Bagamat isa itong sekular na awitin, isinasalungguhit ng pamaskong awitin handog ng ABS-CBN para sa pagdiriwang ng Pasko sa taong ito na pinamagatang "Tayo ang Ligaya ng Isa't Isa" ang pagiging tagapaghatid ng ligaya sa isa't isa. Sa mga titik ng awiting pamaskong ito na handog ng ABS-CBN para sa pagdiriwang ng Kapaskuhan sa kasalukuyang taon, isinasalungguhit kung paanong ang pagpapakita ng malasakit, pag-ibig, at pagdamay sa isa't isa, lalung-lalo na sa mga kapus-palad, ay naghahatid o nagiging dahilan ng ligaya para sa isa't isa. Itinuturo sa atin ng pamaskong awiting ito mula sa ABS-CBN na mayroon tayong kapasidad o kakayahan upang maging mga regalo o tagapaghatid ng ligaya sa isa't isa, lalung-lalo na sa mga kapus-palad. 

Tuwing sasapit ang ika-25 ng Disyembre taun-taon, ipinagdiriwang natin nang buong galak ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. Tayong lahat ay laging pinapaalalahanan ng Inang Simbahan sa tuwing sasapit ang araw ng taunang pagdiriwang na ito, ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno, na ang tunay na dahilan kung bakit buong ligaya tayong nagdiriwang ng pistang ito ay walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno. Katunayan, ang katotohanang ito ay ipinahiwatig sa pangalan ng maringal na pagdiriwang na ito: ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. 

Ipinaliwanag sa mga Pagbasa para sa Hatinggabi ng Pasko ng Pagsilang ang dahilan kung bakit ang tunay na dahilan ng masayang pagdiriwang na ito ng Kapaskuhan ay walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa Unang Pagbasa, inilahad ang propesiya tungkol sa pinakamahalagang aguinaldong ipagkakaloob ng Diyos sa lahat. Ang regalo ng Panginoon ay isang sanggol na lalaki (Isaias 9, 5). Ipinakilala sa Salmong Tugunan at sa Ebanghelyo kung sino ang sanggol na lalaking tinutukoy ng propesiya sa Unang Pagbasa. Ang propesiyang ito sa Unang Pagbasa ay natupad sa gabi ng unang Pasko. Ang Banal na Sanggol na si Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ay ang sanggol na lalaking inilarawan ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa bilang regalo ng Diyos para sa sangkatauhan. Tulad ng sabi ni Apostol San Pablo sa pambungad ng kanyang mensahe at pangaral kay San Tito sa Ikalawang Pagbasa, si Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ay ipinagkaloob sa atin ng mapagmahal, maawain, at mapagpalang Diyos dahil sa Kanyang kagandahang-loob (Tito 2, 11). Ito ang dahilan kung bakit ipinanganak sa isang sabsaban noong gabi ng unang Pasko ang Banal na Sanggol na si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno.

Sa pamamagitan ng ating Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa isang hamak na sabsaban sa bayan ng Betlehem noong gabi ng unang Pasko, ang Diyos ay naghatid ng ligaya sa lahat ng tao dito sa mundo. Sa pamamagitan nito, inihayag ang dahilan kung bakit buong ligaya tayo nagdiriwang tuwing sasapit ang ika-25 ng Disyembre. Kung hindi Niya ito ginawa noong gabi ng unang Pasko, hindi natin masasabi nang buong ligaya sa isa't isa: "Maligayang Pasko!" Ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay ang tanging dahilan kung bakit ang Kapaskuhan ay isang maligayang pagdiriwang. Si Jesus Nazareno ay ang unang naghatid at nagkaloob ng ligaya sa atin. 

Kaya naman, mayroong hamon at misyon na ibinibigay sa atin ng Simbahan bilang mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay maging mga tagapagbahagi ng ligayang ipinagkaloob Niya sa lahat. Iniaatasan tayo ng Poong Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol, na maging mga tagapaghatid at tagapagbahagi ng Kanyang ligaya sa lahat. Hindi ekslusibo para sa iilan ang biyayang ito. Bagkus, ang biyayang ito ay para sa lahat. Dahil dito, ang bawat isa sa atin, mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na nakatanggap ng biyayang ito, ay dapat maging tagapagbahagi nito. Ito ang magpapatunay ng ating debosyon sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang mga tunay na deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi magsasarili ng ligayang ipinagkaloob. Bagkus, ibabahagi, ihahatid, at ipapalaganap ito. 

Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang tunay at nag-iisang dahilan kung bakit buong ligaya nating ipinagdiriwang ang Kapaskuhan. Sa Kanya nagmumula ang tunay na ligaya. Siya rin mismo ang dahilan kung bakit hinahamon tayong maging ligaya ng isa't isa. Kung tunay at autentiko ang ating pamamanata, debosyon, at pagsamba sa Kanya, ang hamon at misyong ito na Kanyang ibinibigay sa atin ay buong kababaang-loob, pag-ibig, at ligaya nating tatanggapin at tutuparin. Bakit? Hindi naman mula sa sinuman atin ang ligayang ibabahagi natin. Bagkus, galing ito sa may kaarawan, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento