22 Enero 2023
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 8, 23b-9, 3/Salmo 26/1 Corinto 1, 10-13. 17/Mateo 4, 12-23 (o kaya: 4, 12-17)
This reproduction of the painting Calling of the First Apostles (1481) by Domenico Ghirlandaio (1448-1494), as well as the work of art itself from the Sistine Chapel, republished in the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Sa Unang Pagbasa, inihayag na darating ang isang malaking liwanag na papawi sa kadiliman. Ang bayang binabalutan ng dilim ay liliwanagan ng maningning na ilaw na ito. Dahil sa maningning na dakilang liwanag na ito, ang lahat ng mga taong nasa bayang binabalutan ng kadiliman ay mapupuspos ng tuwa (Isaias 9, 1-2). Sa Salmong Tugunan, ipinakilala kung sino ang tunay na liwanag. Ang tunay na maningning na dakilang liwanag na inilarawan sa propesiya sa Unang Pagbasa ay walang iba kundi ang Panginoong Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo kung paanong ipinagkaloob ng Diyos ang tunay na liwanag. Ang tunay at dakilang liwanag na magningning sa buong santinakpan ay dumating sa mundo sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang naghandog ng Kanyang sarili sa Banal na Krus upang maligtas ang sangkatauhan (1 Corinto 1, 17). Sa Ebanghelyo, ang Panginoong Jesus Nazareno ay nagpaabot ng Kanyang paanyaya para sa tanan na tahakin ang landas ng kabanalan. Ang paanyayang ito ni Kristo ay patuloy na umaalingawngaw hanggang sa kasalukuyang panahon sapagkat hindi lamang ito para sa mga tao noon o kaya sa Kanyang mga apostol kundi para sa lahat ng mga tao.
Gaya na lamang ng sabi sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Panginoo'y aking tanglaw, Siya'y aking kaligtasan" (Samo 26, 1a). Ito ang ating Panginoong Diyos. Sa halip na pabayaan na lamang tayong mamuhay sa ilalim ng kadiliman hanggang sa mapahamak tayo nang tuluyan dahil dito, ipinasiya ng Panginoon na ipagkaloob sa ating lahat ang Kanyang liwanag, ang tunay at dakilang na liwanag, na naghahatid ng kaligtasan. Dumating sa mundong ito ang biyayang ito ng Diyos sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Ang panawagan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay para sa lahat. Hindi lamang ito para sa mga taong namumuhay noong dumating Siya sa mundong ito bilang ating Mesiyas at Manunubos. Bagkus, ito ay para sa lahat ng mga tao. Hanggang ngayon, patuloy Niya tayong binibigyan ng pagkakataong maging banal. Ang mga tunay na deboto ng Poong Jesus Nazareno ay tatanggap at susunod sa paanyayang ito mula sa Kanya. Kung ang ating debosyon at pamamanata sa ating minamahal na Poong Jesus Nazareno ay tunay at tapat, ang ating tugon sa Kanyang paanyayang maging banal ay tanggapin ang pagbabagong hatid Niya sa atin at sumunod sa Kanyang mga yapak sa landas ng kabanalan na siyang daan patungong langit.
Tayong lahat ay patuloy na binibigyan ng pagkakataon ng Poong Jesus Nazareno na magbagong-buhay at maging banal. Ano ang ating tugon sa paanyayang ito?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento