Huwebes, Enero 12, 2023

ANG MGA DAKILANG GAWA NG POONG SEÑOR

13 Enero 2023 
Biyernes ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon (Taon I) 
Hebreo 4, 1-5. 11/Salmo 77/Marcos 2, 1-12 

Screenshot: 01.02.2023 (MONDAY) 5PM #OnlineMass
(Quiapo Church Facebook and YouTube Live Stream)

Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes, ang araw na inilaan ng Simbahan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, ay nakasentro sa tema ng mga dakila't kahanga-hangang gawa ng Diyos. Kung tutuusin, ipinahiwatig na ng Salmong Tugunan para sa araw na ito ang tema o paksang ito. Muli tayong pinaalalahanan ng Simbahan sa pamamagitan ng pagninilay sa paksa o temang ito na ang kadakilaan ng Panginoong Diyos na nahahayag sa Kaniyang mga kahanga-hangang gawa ay hindi mapapantayan kailanman. Sa pamamagitan ng mga gawang ito ng Panginoong Diyos na tunay ngang kahanga-hanga't dakila, nahahayag rin ang Kanyang pag-ibig, kagandahang-loob, at habag. 

Sabi nga sa Salmong Tugunan para sa araw na ito: "Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng Diyos" (Salmo 77, 7k). Napakalinaw kung ano ang nais isalungguhit at ituro ng mga salitang ito. Ang lahat ng mga kahanga-hangang gawa ng Diyos ay tunay na dakila. Isinasalamin ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa na tunay ngang kahanga-hanga ang Kanyang kadakilaan. 

Inilarawan sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang ilan sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na naghayag ng Kanyang kaluwalhatian. Sa Unang Pagbasa, ang paglikha ng Diyos sa sanlibutan ay binanggit sa pangaral tungkol sa pagkakataong ibinibigay Niya sa tanan na makapiling Siya sa Kanyang kaharian sa langit. Bagamat nabanggit rin sa pangaral na ito kung paanong nagalit ang Diyos sa pagkakasala ng sangkatauhan na naging dahilan rin para sa Kanya na pagbawalan silang makasama Siya sa langit, ang sangkatauhan ay patuloy Niya pa ring binibigyan ng pagkakataon na mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin dahil sa Kanyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay gumawa ng isang himala. Pinagaling ni Kristo ang isang paralitiko sa Ebanghelyo. Ito ay isa lamang sa napakaraming mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Panginoon. Subalit, ang pinakadakila sa lahat ng mga gawang ito ay ang pagligtas sa atin ng ating minamahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. 

Maraming ulit na inihayag at ipinamalas ng Panginoong Diyos ang Kanyang walang hanggang kadakilaan sa pamamagitan ng Kanyang mga kahanga-hangang gawa para sa atin. Subalit, sa lahat ng mga gawang ito, isa lamang ang natatangi at higit na dakila sa lahat - ang pagtubos sa atin sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dumating ang Nuestro Padre Jesus Nazareno sa mundong ito upang iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Dahil sa Panginoong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas, mayroong pagkakataon ang bawat isa sa atin na makapasok sa maringal at maluwalhating kaharian ng Diyos sa langit kung saan makakapiling natin Siya magpakailanman. 

Bilang mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, hindi tayo dapat mamangha na lamang sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na tunay ngang dakila. Ang ating pagkamangha sa mga kahanga-hangang gawa ng Poong Señor na tunay ngang dakila talaga ay dapat pumukaw sa atin na mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Sa gayon, matatamasa natin ang kaganapan ng biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Mahal na Señor sa Kanyang maluwalhating kaharian, ang langit, sa katapusan ng ating paglalakbay dito sa lupa. Kapag ginawa natin ito, ipinapahayag natin na hindi natin kinakalimutan ang Mahal na Señor. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento