Linggo, Enero 22, 2023

ANG BINHI NG KALIGTASAN

27 Enero 2023 
Biyernes ng Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (Taon I) 
Hebreo 10, 32-39/Salmo 36/Marcos 4, 26-34  

Screenshot: 01.04.2023 (WEDNESDAY) 5AM #OnlineMass #Nazareno2023
(Quiapo Church Facebook and YouTube Live Streaming) 

"Nasa D'yos ang kaligtasan ng mga mat'wid at banal" (Salmo 36, 39a). Ito ang mga salita sa Salmong Tugunan para sa araw na ito ng Biyernes na inilaan ng Simbahan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Malinaw na isinasalungguhit ng mga salitang ito sa Salmong Tugunan ang paksa o temang nais pagtuunan ng pansin at pagnilayan ng Simbahan sa araw na ito. Ito ay walang iba kundi ang biyaya ng kaligtasang ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ng ating Nuestro Padre Jesus Nazareno. Kaya naman, lagi nating pinasasalamatan ang Diyos dahil sa biyaya ng kaligtasan na laging ipinapaalala sa atin ng banal na larawan o imahen ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Ang kaligtasang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng ating Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang pangunahing tema o paksang pinagnilayan sa mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes. Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang iba't ibang uri ng pag-uusig na dinanas ng mga sinaunang Kristiyano. Ang manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa Unang Pagbasa ay manatiling tapat upang ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ni Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, sa langit na inilaan para sa mga iniligtas ay matamasa. Kaya lamang inilaan para sa mga taong iniligtas ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa langit dahil sa Panginoong Jesus Nazareno. Dahil sa Nuestro Padre Jesus Nazareno, mayroong pagkakataon ang lahat ng mga tao na mapabilang sa mga iniligtas ng Kabanal-banalan Niyang Dugong Kanyang ibinubo sa Banal na Krus sa Kalbaryo alang-alang sa atin. Sa Ebanghelyo, dalawang talinghaga ang isinalaysay ng Poong Señor. Sa dalawang talinghagang ito, ginamit ang larawan ng binhing inihahasik at tumutubo upang ituro ang pagsibol. Sa pamamagitan ng dalawang talinghagang ito, ipinahiwatig ng Mahal na Poong Jesus Nazareno kung paano Niya ililigtas ang sangkatauhan. Ihahasik ng Poong Señor ang binhi ng kaligtasan sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay. Ang biyaya ng kaligtasan ay sisibol mula sa Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. 

Dahil sa Krus at Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno, ang bawat isa sa atin ay mayroong pagkakataong matamasa ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit. Ibinukas ng Panginoong Jesus Nazareno ang mga pintuan ng langit sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan ng gawang ito na tunay ngang kahanga-hanga, inaanyayahan tayo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na matamasa ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit. Kung hindi dahil sa ating Nuestro Padre Jesus Nazareno, wala tayong oportunidad na mapabilang sa Kanyang mga iniligtas na magtatamasa ng walang hanggang biyaya sa langit. Nangyari lamang iyon dahil kay Jesus Nazareno. 

Bilang mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, dapat tayong magsumikap na mapabilang sa mga iniligtas ng Kanyang Kabanal-Banalang Dugo na ibinubo Niya mula sa Krus sa Kalbaryo. Ang ating debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ay pumukaw nawa sa atin na tanggapin ang biyayang ito na Kanyang kaloob sa ating lahat. Sa pamamagitan ng pagtanggap sa biyayang ito, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay binibigyan natin ng pahintulot na baguhin ang ating buhay at gawing banal upang makatahak tayo sa landas ng kabanalan. 

Tayong lahat ay patuloy na inaaanyayahan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na maging banal. Patuloy Niyang tayong binibigyan ng pagkakataong tanggapin ang biyaya ng kaligtasang Kanyang kaloob sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Krus at Muling Pagkabuhay. Ano ang ating tugon sa paanyayang ito ng minamahal nating Nuestro Padre Jesus Nazareno? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento