3 Pebrero 2023
Biyernes ng Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon (Taon I)
Hebreo 13, 1-8/Salmo 26/Marcos 6, 14-29
Screenshot: 01.04.2023 (WEDNESDAY) 10AM #OnlineMass #Nazareno2023 - Weekday of #Christmas Season (Quiapo Church Facebook and YouTube Live Streaming)
Sa wakas ng Unang Pagbasa, inilarawan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang tunay na Diyos na walang hanggan. Mananatili si Jesus Nazareno magpakailanman. Gaya ng sabi ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo, ang Panginoong Jesus Nazareno "noong nakaraan ay Siya rin sa kasalukuyan at Siya rin magpakailanman" (13, 8). Isa lamang ang nais ilarawan ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa mga salitang ito. Hindi magbabago si Jesus Nazareno. Magbago man ang panahon, mananatili pa rin bilang tunay na Diyos at Panginoon ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Siya lamang ang mananatili bilang Diyos at Hari magpakailanman. Sa Salmong Tugunan, muling isinalungguhit at ipinaalala sa lahat ang pagiging tunay na Tagapagligtas ng butihing Panginoon. Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang kamatayan ni San Juan Bautista sa mga kamay ni Haring Herodes Antipas bilang isang martir. Iniutos ni Haring Herodes na si Juan Bautista ay patayin ng kanyang mga tauhan sa pamamagitan ng pagpugot ng ulo niya sapagkat ito ang hiniling ni Salome na hiniling rin ni Herodias na nag-utos sa dalaga na gawin iyon at hilingin iyon.
Kung tutuusin, maaari namang takasan at iligtas ni San Juan Bautista ang kanyang sarili mula sa kamatayan kung binawi lamang niya ang mga maaanghang na salitang binitiwan niya laban kay Haring Herodes Antipas at Herodias. Subalit, ipinasiya pa rin niyang harapin ang kanyang kamatayan bilang martir nang buong kababaang-loob at pananalig. Hindi niya binawi ang kanyang mga sinabi o humingi ng tawad mula kina Herodes at Herodias. Bagkus, nanindigan pa rin siya para sa Diyos hanggang wakas dahil batid naman niyang may hangganan ang mundong ito. Nasa piling ng Diyos sa langit ang tunay na magpakailanman.
Ipinapaalala sa atin sa araw na ito na sa piling ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa langit lamang matatagpuan ang tunay na walang hanggan. Hindi ito matatagpuan sa mundong ito. Kung hahanapin natin ito sa mundo, nag-aaksaya lamang tayo ng oras, panahon, at lakas. Sa halip na hanapin ang walang hanggan sa mundong ito, lumapit tayo sa Mahal na Poong Jesus Nazareno at hilingin natin sa Kanya na tulungan tayo sa pagiging banal upang maihanda natin ang ating sarili para sa biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit.
Tunay nga ba tayong mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno? Ihanda natin ang ating mga sarili para sa tunay na buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit habang nabubuhay tayo dito sa lupa. Pagsikapan nating tahakin ang landas ng kabanalan katulad ng mga taong kabilang sa kasamahan ng mga banal sa langit.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento