Huwebes, Pebrero 2, 2023

HINDI TAGAPAGPALIT NG TUNAY NA LIWANAG

5 Pebrero 2023 
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 58, 7-10/Salmo 111/1 Corinto 2, 1-5/Mateo 5, 13-16 

This reproduction of the painting Christ on the Mount of Olives (1919) by Gyula Benczúr (1844–1920), as well as the work of art itself from the Hungarian National Gallery Collection via biblia.hu, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer because the author (painter) died in 1920. This work of art is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928. 

Marahil may ilang malilito sa isa sa mga sinabi ng ating Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Isa sa mga sinabi ng Mahal na Poon sa Kanyang pangaral sa Ebanghelyo: "Kayo'y ilaw sa sanlibutan" (Mateo 5, 14). Ang mga salitang ito ay una Niyang binigkas sa mga apostol at patuloy pa rin itong umaalingawngaw hanggang sa kasalukuyang panahon sa pamamagitan ng Kanyang Simbahan. Subalit, nasabi rin ng Panginoong Jesus Nazareno sa isa sa Kanyang mga pangaral tungkol sa Kanyang pagkakilanlan bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na Siya mismo ang ilaw ng sanlibutan (Juan 8, 12). Kaya naman, tiyak na may mga mapapatanong tungkol sa kung sino nga ba ang tunay na ilaw ng sanlibutan. Tayo ba o si Kristo? Sa unang tingin, mukha kasing magkasalungat ang dalawang pahayag na ito ni Kristo. 

Sa totoo lamang, ang dalawang pahayag na ito ng Panginoong Jesus Nazareno ay mukha namang magkasalungat sa unang tingin. Hindi natin malaman kung sino ba talaga ang tunay na liwanag kung babasehan natin ang dalawang pahayag na ito ng Panginoong Jesus Nazareno nang hindi muna nating sinasaliksik at pinagninilayan nang mabuti ang dalawang pahayag na ito na Kanyang binigkas. Kaya naman, may ilang mapapatanong kung ano nga ba talaga ang nais ituro ng ating Panginoong Jesus Nazareno tungkol sa ilaw ng sanlibutan. Subalit, kung babasahin, sasaliksikin, at pagninilayan natin nang mabuti at masinsinan ang dalawang pahayag na ito na binigkas ng Poong Jesus Nazareno, makikita natin na mayroon palang ugnayan ang dalawang ito. Inilalarawan ng Poong Jesus Nazareno sa dalawang pahayag na ito ang ugnayan natin sa Kanya bilang Kanyang mga tagasunod. Ang tunay na liwanag ay walang iba kundi ang ating Poong Jesus Nazareno habang tayo naman ang salamin o repleksyon ng liwanag na ito. 

Hindi malinaw sa unang tingin na inilalarawan pala ng ating Poong Jesus Nazareno ang ating ugnayan sa Kanya bilang repleksyon ng tunay na liwanag na walang iba kundi Siya sa dalawang pahayag na ito. Subalit, mauunawaan natin ang ugnayan ng dalawang pahayag na ito kung ang mga ito ay babasahin, sasaliksikin, at pagninilayan nang mabuti gamit ang mga mata at pag-iisip ng mga taong mayroong taimtim na ugnayan sa Kanya bilang mga deboto, mananampalataya, at kaanib ng tunay at nag-iisang Simbahang Siya mismo ang nagtatag. Inilarawan ng pahayag ng ating Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ang ating ugnayan sa Kanya, ang tunay na liwanag na galing sa langit. Niloob Niyang atasan tayo upang maging Kanyang mga salamin. Ang bawat isa sa atin ay hinirang Niya upang maging tagapagpalaganap at salamin ng Kanyang liwanag. Sa pamamagitan nito, tayo rin ay nagiging liwanag para sa mundo. 

Isang malaking tulong ang mga salitang binigkas ng butihing Panginoong Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Propetang si Isaias sa Unang Pagbasa at maging ang mga salita sa Salmong Tugunan para sa araw na ito. Sa Unang Pagbasa, inihayag mismo ng Panginoong Diyos na matutulad sa bukang-liwayway ang Kanyang bayan kung gagawa sila ng mabuti para sa kapwa (Isaias 58, 8). Ito rin ang nais isalungguhit ng mga salita sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito. Ang habag at malasakit para sa kapwa ay nagsisilbing salamin ng tunay na liwanag. Sa pamamagitan nito, nagiging liwanag rin ang bawat isa sa atin. 

Tinupad ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang kanyang tungkulin bilang salamin ng tunay na liwanag na si Kristo. Nangaral siya tungkol sa Mabuting Balitang inihayag sa pamamagitan ni Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ginawa ito ni Apostol San Pablo nang may katapatan, pananalig, at kababaang-loob bilang isang apostol at misyonero ni Kristo. Sa pamamagitan nito, si Apostol San Pablo ay naging tagapagpalaganap at salamin ng tunay na liwanag na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Hindi niya pinalitan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang tunay na liwanag. Bagkus, naging isang abang tagapagpalaganap at salamin lamang siya ng tunay na liwanag na kahit kailan ay hindi mapapalitan na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, naging liwanag rin para sa mga Hentil si Apostol San Pablo.

Hinirang tayo ng ating Mahal na Poong Jesus Nazareno para maging liwanag. Subalit, tandaan natin, hinirang tayo hindi upang palitan Siya bilang tunay na liwanag. Huwag nating kakalimutan ito. Wala tayong kapasidad o kakayahang palitan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang tunay na liwanag. Bagkus, bilang mga liwanag para sa mundong ito, hinirang tayo upang maging salamin at tagapagpalaganap ng tunay na liwanag na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Hindi tayo mang-aagaw ng posisyon. Kung mayroon mang nagbabalak na agawin mula sa ating Poong Jesus Nazareno ang Kanyang posisyon bilang tunay na liwanag, mabibigo ka lamang dahil walang papalit sa Kanya kailanman. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento