21 Pebrero 2023
Kapistahan ng Banal na Mukha ni Jesus Nazareno
(Martes bago ang Miyerkules ng Abo)
(Martes bago ang Miyerkules ng Abo)
Martes ng Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon (Taon I)
Sirak 2, 1-13 (gr. 1-11)/Salmo 36/Marcos 9, 30-37
This faithful photographic reproduction of the painting The Veil of St. Veronica (Vera Icon) (c. 1450) by Wilhelm Kalteysen (1420-1496), as well as the work of art itself from the National Museum in Wroclaw, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or less due to its age.
Isang natatanging araw ang Martes bago ang Miyerkules ng Abo. Ang Martes bago ang Miyerkules ng Abo ay inilaan ng Simbahan para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Mukha ni Jesus Nazareno. Tila paalala ng Simbahan para sa atin tungkol sa sisimulan nating pagtuunan ng pansin at pagnilayan nang buong kataimtiman sa loob ng apatnapung araw bilang paghahanda ng ating mga sarili para sa maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno, ang pinakadakilang araw sa Kalendaryo ng Simbahan. Kaya nga, ang opisyal na tawag sa banal na panahong ito, na mas kilala natin bilang panahon ng Kuwaresma, ay ang 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay.
Napakalinaw kung ano ang pangunahing layunin ng Inang Simbahan sa natatanging araw na ito na inilaan para sa Kapistahan ng Banal na Mukha ng ating Panginoong Jesus Nazareno. Katunayan, sa pangalan pa lamang ng pagdiriwang para sa araw na ito, agad natin itong malalaman at mauunawaan. Itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin sa Banal na Mukha ng Panginoong Jesus Nazareno na naghain ng buhay para sa atin. Ito ang itinatampok ng bawat larawan ng Banal na Mukha ng Mahal na Señor, lalung-lalo na sa bawat larawan na itinatampok ang belo ng isang babaeng kilala sa tradisyon ng Simbahan bilang si Santa Veronica. Kusang-loob na ibinubo ng butihing Poong Jesus Nazareno ang Kanyang Kabanal-Banalang Dugo mula sa Krus upang tayong lahat ay maligtas mula sa kasalanan at kamatayan. Kusang-loob Niya ginawa ito dahil sa Kanyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob para sa atin. Muli tayong pinaalalahanan ng Simbahan tungkol sa katotohanang ito at ito rin ang siyang dakilang misteryong pagninilayan natin sa kabuuan ng panahon ng Kuwaresma.
Ang Unang Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa mga hirap at pagdurusang haharapin at titiisin ng bawat lingkod ng Panginoong Diyos. Hindi pagtakas o silong mula sa mga hirap at pagdurusang haharapin at titiisin sa buhay ang paglilingkod sa Diyos. Lalo pa nga silang matutudla ng mga hirap, tukso, at pagdurusa sa buhay dahil sa kanilang katapatan sa Diyos. Maging ang mismong Poong Jesus Nazareno ay hindi naging ligtas mula sa mga ito noong dumating Siya sa daigdig na ito. Sa Banal na Ebanghelyo para sa araw na ito, muling nagsalita si Jesus Nazareno sa mga apostol tungkol sa Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus.
Kung si Jesus Nazareno ay hindi naging ligtas mula sa mga tukso, hirap, at pagsubok sa buhay, tayo pa kaya na mga tao lamang? Subalit, tinuturuan tayo ng Poong Jesus Nazareno kung paano natin malalampasan at mapagtatagumpayan ang mga tukso, hirap, at pagdurusa sa buhay dito sa mundong ito. Maging mapagpakumbaba. Ito ay dahil sa pamamagitan ng kababaang-loob, pinapatunayan nating tanging ang Diyos lamang ang ating pag-asa. Sa Diyos lamang tayo umaasa sapagkat Siya lamang ang tanging maaasahan. Ang mga katagang binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo para sa natatanging araw na ito ay maaaring ituring bilang isang detalyadong paliwanag ng mga salita sa Salmong Tugunan kung saang malakas na inihayag ng mang-aawit na tanging ang Diyos lamang ang maaasahan.
Walang sinuman dito sa mundo ang makakatakas o makaliligtas mula sa mga tukso, hirap, at pagsubok sa buhay. Subalit, katulad ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na nagpakasakit at namatay sa Krus alang-alang sa atin, maaari nating ipagkatiwala ang ating mga sarili sa Diyos. Ang Diyos lamang ang tangi nating mapagkakatiwalaan at maaasahan. Katulad ni Kristo, ang ating Poong Jesus Nazareno, buong kababaang-loob nating sundin ang Kanyang kalooban na mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin, sa kabila ng lahat ng mga hirap, tukso, at pagsubok sa buhay dito sa mundong ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento