Biyernes, Pebrero 3, 2023

PAGKAKATAONG LAGING IPINAGKAKALOOB

10 Pebrero 2023 
Paggunita kay Santa Escolastica, dalaga
Genesis 3, 1-8/Salmo 31/Marcos 7, 31-37 

This faithful photographic reproduction of the fresco The Fall and Expulsion from Paradise by Michelangelo in the Sistine Chapel ceiling is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. Therefore, this photographic reproduction is also in the public domain in the United States. 

Ang Unang Pagbasa para sa araw na ito ay kakaiba. Ang araw na ito ng Biyernes ay inilaan para sa taimtim na pagdedebosyon at pamamanata sa Nuestro Padre Jesus Nazareno. Subalit, ang Unang Pagbasa ay tungkol sa pagkakasala ng tao. Sinuway ng mga una nating magulang na sina Adan at Eba ang utos ng Panginoong Diyos na huwag kainin ang ipinagbabawal na bunga mula sa puno sa gitna ng Halamanan ng Eden, ang punong nagbibigay ng karunungan tungkol sa kabutihan at kasamaan. Ang pasiya nina Adan at Eba ay suwayin ang utos ng Panginoong Diyos at magpatukso sa demonyong nag-anyo sa kanyang sarili bilang ahas na manunukso. 

Taliwas sa dapat gawin ng lahat ng mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang isinalaysay sa Unang Pagbasa para sa araw na ito. Ang mga tunay na deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dapat maging masunurin sa Kanya. Ang kanilang debosyon at katapatan sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ay kanilang inihahayag sa pamamagitan ng taos-pusong pagsunod at pagtalima sa Kanya. 

Subalit, bilang tao, hindi tayo perpekto. Mayroon tayong mga kahinaan, pagkukulang, at kasalanan. Dahil sa ating mga karupukan at kahinaan, hindi tayo ligtas mula sa mga tukso at kasalanan. Ito ang katotohanan ng buhay sa mundong ito. Kaya naman, binibigyan tayo ng Salmong Tugunan at Mabuting Balita para sa araw na ito ng isang napakahalagang mensahe na tunay ngang naghahatid ng kapanatagan ng loob. Sabi sa Salmo: "Mapalad ang pinagbigyang mahango sa kasalanan" (Salmo 31, 1a). Ang Diyos ay laging naghahatid ng pagkakataon para sa bawat isa sa atin na talikuran ang makasalanang pamumuhay at tahakin ang landas ng kabanalan. Katulad ng bingi at piping binigyan ng pagkakataon ni Jesus Nazareno na makarinig at makapagsalita sa Ebanghelyo, lagi rin Niya tayong binibigyan ng pagkakataon na maging banal. Ito ang dahilan kung bakit ang Panginoong Jesus Nazareno ay dumating sa mundong ito sa takdang panahon upang tayo'y iligtas. Gaya ng sabi sa Awit o Himno sa Kanya na laging inaawit sa tuwing magwawakas ang bawat pagdiriwang ng Banal na Misa sa Quiapo, sinasagisag ng Kanyang Krus ang ating kaligtasan. Sa pamamagitan ng Banal na Krus na Kanyang pinasan patungo sa Kalbaryo at kinamatayan na sinundan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, iniligtas ng Panginoong Jesus Nazareno ang lahat ng tao. Dahil dito, mayroon tayong pagkakataong maging banal. 

Muli tayong pinaalalahanan ng Simbahan sa araw na ito na tunay ngang mahabagin at mabuti ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Habang tayong lahat ay patuloy na namumuhay at naglalakbay sa mundo, lagi Niya tayong binibigyan ng pagkakataong pagsisihan at talikdan ang ating mga kasalanan at mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Panginoon. Bagamat hindi tayo karapat-dapat, lagi Niya tayong binibigyan ng pagkakataong maging banal sa atin dahil sa Kanyang kabutihan, pag-ibig, at habag. Huwag nating sayangin ang pagkakataong ito na lagi Niyang ibinibigay sa atin habang patuloy tayong nabubuhay at naglalakbay sa mundong ito. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento