Biyernes, Pebrero 10, 2023

MAHIRAP PERO MAYROONG HALAGA

19 Pebrero 2023 
Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Levitico 19, 1-2. 17-18/Salmo 102/1 Corinto 3, 16-23/Mateo 5, 38-48 

This faithful photographic reproduction of the painting Flagellazione di Cristo (c. 16th century) which is attributed to Simone Peterzano, from the Basilica di Santa Prassede in Rome, as well as the work of art itself, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Bilang tao, mahirap para sa atin na tuparin at sundin ang aral na nais muling ituro sa atin ng mga Pagbasa para sa Linggong ito. Walang taong namumuhay sa mundong ito ang makapagsasabi nang napakalakas na hindi siya nahirapan unawain, sundin, at tuparin ang aral na ito kailanman. Lahat tayo, bilang mga tao namumuhay dito sa mundong ito, ay nahirapang sundin ito. Ito ang katotohanan. Kapag mayroong lakas-loob na nagsabing hindi siya nahirapang sundin ang aral at utos na ito ng Panginoon na itinatampok sa Linggong ito, isa siyang sinungaling. 

Itinuro ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa Linggong ito na bilang mga Kristiyano, dapat nating ibigin ang ating mga kaaway at itaas ang mga umuusig sa atin sa ating mga panalangin sa Diyos (Mateo 5, 44-45). Hindi maaaring sabihing ninuman na walang kahirap-hirap na unawain at sundin ang turong ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Mahirap unawain at sundin ang utos na ito ng Poon. Ito ang katotohanan tungkol sa aral na ito ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Wala tayong maloloko at malilinlang. Mahalin ang kaaway at ipagdasal yaong mga umuusig sa atin? Kung susundin ang lohika ng mundo, ang turong ito ni Jesus Nazareno ay kahibangan at kalokohan. Ganyan kahirap unawain at sundin ito. 

Ang turong ito ni Kristo sa Ebanghelyo para sa Linggong ito ay naka-ugat sa pahayag ng Panginoong Diyos na inilahad ni Moises sa mga Israelita sa Unang Pagbasa. Ang utos ng Panginoong Diyos sa mga Israelita ay maging banal katulad Niya (Levitico 19, 2). Nakasentro sa aral na ito ng Panginoong Diyos na inilahad sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Sa kanyang pangaral tungkol sa paksang ito, iitinuro ni Apostol San Pablo ang dahilan kung bakit dapat nating tuparin at sundin ang utos na ito ng Panginoon. Sa pamamagitan nito, tinutupad natin ang ating mga tungkulin bilang mga templo ng Diyos. Tayong lahat ay itinalaga ng Diyos bilang Kanyang mga templo. Kaya naman, dapat namumuhay tayo bilang mga kapanig at kakampi ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Ito ang kinakailangan nating gawin bilang mga templo ng Diyos. Maging daluyan ng Kanyang habag, pag-ibig, at biyaya para sa lahat. 

Hindi madaling maging banal. Napakahirap itong gawin bilang mga tao. Katunayan, wala namang sinabi ang Panginoong Jesus Nazareno na napakadaling maging banal kailanman. Maraming ulit pa nga Niyang inilarawan kung gaano kahirap maging banal at kalugud-lugod sa Diyos. Batid Niya kung gaano ito kahirap para sa atin bilang tao. Subalit, sa kabila nito, lagi pa rin Niyang itinuturo sa atin, maging sa kasalukuyan, na dapat tayong maging banal. Nais ng Panginoong Jesus Nazareno na tayo ay Kanyang makapiling sa Kanyang kaharian sa langit sa wakas ng ating buhay sa mundo. 

Nais ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na matamasa natin ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa Kanyang kaharian sa langit sa wakas ng ating buhay sa mundong ito. Ito rin ba ang nais natin bilang mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno? Kung tunay tayong mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, lagi tayong magsusumikap na maging banal katulad Niya upang matupad natin ang Kanyang naisin para sa atin na makapiling natin Siya sa Kanyang kaharian sa langit magpakailanman sa wakas ng ating buhay sa mundong ito.  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento