Biyernes, Pebrero 17, 2023

PAGTINDIG PARA SA PRINSIPIYONG MAKA-DIYOS

25 Pebrero 2023 
Sabado kasunod ng Miyerkules ng Abo 
Ika-37 Anibersaryo ng Himagsikan ng Lakas ng Bayan sa EDSA
(EDSA People Power Revolution - 1986) 
Isaias 58, 9b-14/Salmo 85/Lucas 5, 27-32 


Marahil marami ang magtatanong kung bakit ang Simbahan ay mayroong papel sa apat na araw ng makasaysayang himagsikan o rebolusyon sa EDSA noong 1986. Ang batikos ay masyadong nakikialam o nanghihimasok ang Simbahan sa pulitika. Para sa mga bumabatikos sa Simbahan, dapat manahimik at manalangin ang Simbahan at umiwas o lumayo sa mga pulitikal na usapin o isyu. Mayroong mga nagsasabing bias raw ang Simbahan 'pagkat mayroon raw pinapanigan ang lahat ng mga pari, madre, obispo, at iba pang mga opisyal at importanteng panauhin sa Simbahan. 

Sa totoo lamang, mayroon naman talagang pinapanigan ang Simbahan. Subalit, ang pinapanigan ng Simbahan ay hindi isang pulitikal na partido o kandidato. Bagkus, isa lamang ang pinapanigan ng Simbahan - ang Diyos. Ang prinsipiyong maka-Diyos ay ang pinapanigan at sinusunod ng Simbahan. Ito ang nasaksihan sa apat na araw ng makasaysayang rebolusyon o himagsikan sa EDSA, na kilala rin bilang People Power Revolution, noong 1986. Inihayag ng Simbahan sa makasaysayang apat na araw na ito ang kanyang pakikiisa sa pakikibaka laban sa katiwalian, pandaraya, kasakiman, walang awang pagpatay sa mga inosente, at panlilinlang o panloloko. Ang pakikibaka ng Simbahan ay hindi tungkol sa mga pulitikal na kandidato. Bagkus, tungkol ito sa katarungan at prinsipiyong maka-Diyos. 

Isang patunay nito ay ang imaheng itinatampok sa EDSA Shrine. Hindi imahen o rebulto ng pulitiko ang nakadambana sa EDSA Shrine. Bagkus, itinatampok sa EDSA Shrine ang imahen ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, ang Reyna ng Kapayapaan, na nagsabuhay ng aral na isinalungguhit sa mga Pagbasa para sa Banal na Misa sa araw na ito. Sabi sa Salmong Tugunan: "Ituro Mo ang 'Yong loob nang matapat kong masunod" (Salmo 85, 11a). Laging isinentro ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang kanyang puso, isipan, at kaluluwa sa mga salitang ito noong namumuhay siya dito sa daigdig na ito. Wala siyang ibang hinangad kundi ang mapakinggan, maunawaan, at tumalima sa mga utos at loobin ng Panginoon. Sa Unang Pagbasa, malinaw na inilarawan ng Panginoong Diyos ang Kanyang hangarin at naisin. Tutol Siya sa bawat uri ng pang-aalipin at pang-aapi. Nais ng Panginoong Diyos na mabuhay ang lahat, pati na rin ang mga makasalanan, upang magkaroon sila ng pagkakataong maging banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Sa Mabuting Balita, ang publikanong si Levi na kilala rin ng marami bilang si Apostol San Mateo ay pinagkalooban ng Poong Jesus Nazareno ng pagkakataong maging banal. 

Nakiisa sa pagtindig at pakikibaka sa EDSA noong 1986 ang Simbahan bilang tanda o pagpahayag ng pagpanig sa prinsipiyong maka-Diyos. Ang prinsipiyong maka-Diyos ay ang pagpahalaga sa buhay ng tao, katotohanan, kapayapaan at katarungan. Ito mismo ang tanging dahilan ng pakikiisa ng Simbahan sa pagtindig at pakikibaka sa rebolusyon sa EDSA noong 1986. Sa pamamagitan nito, inihayag ng Simbahan na hindi dapat ipagkait sa mga tao ang pagbabago sa lipunan kung saan iiral ang kapayapaan, katarungan, katapatan, at pagpahalaga sa buhay ng bawat tao. 

Patuloy na nagkakaloob ang Diyos ng pagkakataon sa lahat ng tao na magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya. Huwag natin itong ipagkait sa kapwa. Paano natin ito ipinagkakait? Sa pamamagitan ng pagpanig sa mga manlilinlang, magnanakaw, at mamamatay-tao sapagkat pinapalaganap lamang natin ang kasakiman at kawalan ng halaga sa buhay ng tao kapag ito ang ipinasiya nating gawin. Ang nararapat nating gawin ay magpahalaga ng buhay ng bawat tao at maging tagapaghatid ng biyaya ng Diyos at ng katotohanang nagmumula lamang sa Kanya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento