11 Pebrero 2023
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Lourdes
Isaias 66, 10-14k/Judith 13/Juan 2, 1-11
This photographic reproduction of the Painting of the Apparition of the Virgin Mary to Bernadette of Soubirous in the Grotto at Massabielle near Lourdes (1877) by Virgilio Tojetti (1851–1901) is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin as well in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age because the author died in 1901. This work is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928.
Itinuturo muli sa atin ng Simbahan sa araw na ito, ang araw na inilaan ng Simbahan para sa pagdiriwang ng Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Lourdes, kung ano ang dapat nating gawin upang makamit ang tunay na galak. Tiyak na hinahangad ng bawat isa sa atin bilang tao na maging tunay na masaya. Bilang tao, ninanais nating makamit ang tunay na saya, tuwa, o galak. Handa tayong gawin ang lahat makamtan lamang ito. Sa araw na ito, muli tayong pinaaalalahanan at tinuturuan ng Simbahan kung paano natin ito magagawa.
Habang muli tayong pinaalalahanan at tinuturan ng Simbahan kung ano ang dapat nating gawin upang tunay ngang maging masaya, ang mga ginawang pagpapakita o aparisyon ng Mahal na Inang si Mariang Birhen kay Santa Bernadette ng Soubirous sa Lourdes ay itinatampok at ginugunita. Sa pamamagitan ng mga aparisyong ito sa Lourdes, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay naghatid ng galak, hindi lamang kay Santa Bernadette, kundi para sa lahat. Muli niyang itinuro sa pamamagitan ng mga pagpapakitang ito kung paano makakamit ang tunay na kaligayahan.
Nakasentro sa paksang ito ang mga Pagbasa para sa araw na ito. Sa Unang Pagbasa, itinuro ni Propeta Isaias ang dahilan kung bakit ang lahat ay dapat magalak. Itinuro rin niya kung saan nagmumula ang tunay na kagalakan. Ang tunay na kagalakan ay sa Diyos lamang matatagpuan. Katunayan, ang tunay na kagalakan ay nagmumula lamang sa Kanya. Sa Ebanghelyo, itinuro ng Mahal na Inang si Mariang Birhen kung paanong makakamit ang tunay na galak. Gawin natin ang anumang iutos ng Poong Jesus Nazareno (Juan 2, 5). Bagamat sa konteksto ng salaysay sa Ebanghelyo, ang mga salitang ito ay binigkas ng Mahal na Birhen sa mga lingkod sa kasalan sa Cana upang ang problema tungkol sa alak ay kanilang maresolba, ang mga salitang ito ay para rin sa atin. Katunayan, ang mga salitang ito na binigkas ng Mahal na Birhen sa Ebanghelyo ay patuloy na umaalingawngaw sa kasalukuyang panahon.
Katulad ng Mahal na Ina, ang tunay na kaligayahan ay ating makakamtan kung ang mga atas at utos ng Panginoong Jesus Nazareno ay ating susundin. Mayroong galak at ligaya sa pagsunod sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Katunayan, ang galak at tuwang ito ay ang tunay na galak at saya. Huwag na tayong tumingin o humanap sa iba. Itinuturo sa atin ng Mahal na Inang si Mariang Birhen at ng Simbahan kung saan natin matatagpuan ang tunay na kagalakan at kung paano nating makakamit iyon. Sundin si Jesus Nazareno.
Mayroong galak sa pagsunod sa Nuestro Padre Jesus Nazareno. Ito ang mensahe at aral ng Mahal na Birhen sa Ebanghelyo na patuloy na ipinapalaganap at itinuturo ng Simbahan sa kasalukuyan. Ang mga salita ng Mahal na Ina sa Ebanghelyo ay patuloy na umaalingawngaw sa araw na ito. Kung nais nating makamit ang tunay na galak at ligaya, sumunod tayo kay Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento