24 Pebrero 2023
Biyernes kasunod ng Miyerkules ng Abo
Isaias 58, 1-9a/Salmo 50/Mateo 9, 14-15
Screenshot: 02.10.2023 (Memorial of Saint Scholastica, Virgin) 7AM #OnlineMass
(Quiapo Church Facebook Live and YouTube)
(Quiapo Church Facebook Live and YouTube)
Itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin sa katotohanan ng taimtim na pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos sa unang Biyernes ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, na tiyak na mas kilala ng marami sa atin sa tawag na Kuwaresma, ang Biyernes kasunod ng Miyerkules ng Abo. Kung tutuusin, ito ang panawagan sa atin ng Simbahan, hindi lamang tuwing sasapit ang panahon ng Kuwaresma, kundi sa buong taon. Habang namumuhay pa tayo dito sa mundong ito, dapat taimtim nating pagsisihan ang ating mga kasalanan at magbalik-loob tayo sa Panginoong Diyos. Bukod pa rito, mismong ang Panginoong Diyos ang tumatawag at nag-aanyaya sa ating magsisi at magbalik-loob sa Kanya nang tapat, taimtim, at taos-puso. Inihahatid at ipinapalaganap ito ng Simbahan, hindi lamang tuwing Kuwaresma, kundi sa buong taon.
Bakit ito ang utos, hiling, at panawagan ng Panginoong Diyos sa atin? Isinasalamin ng utos, hiling, at panawagang ito ng Diyos ang Kanyang hangarin o naisin para sa atin. Nais ng Panginoon na mamuhay tayo nang banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Hindi Niya ninanais na manatili tayong mga makasalanan habambuhay at lalong hindi Niya nais na mapahamak tayo dahil sa ating mga kasalanan. Bagkus, ang tanging naisin ng Panginoong Diyos para sa atin ay makapiling natin Siya sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit kung saan ang walang hanggang kapahingahan, kaligayahan, at ang buhay na walang hanggan sa Kanyang piling ay ating matamasa. Ito ang tanging dahilan kung bakit lagi tayong binibigyan ng Panginoong Diyos ng pagkakataong mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin habang namumuhay tayo sa mundong ito.
Subalit, bagamat ang kalooban ng Diyos para sa atin mamuhay tayo nang banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin upang sa wakas ng ating paglalakbay sa mundo ay makapamuhay tayong kapiling Niya sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit magpakailanman, hindi Niya tayo pipilitin. Nais ng Panginoong Diyos na maging totoo tayo sa ating mga pasiya. Hindi natin Siya malilinlang. Batid Niya kung sino ang nagpapanggap o nagkukunwari lamang at kung sino ang mga tapat at totoo. Ito ang paksang tinalakay sa mga Pagbasa para sa araw na ito. Ang pahayag ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ay isang malakas na pahayag laban sa hungkag na pananalig, pagsamba, pamamanata, debosyon, pagsisisi, at pagbabalik-loob. Batid ng Diyos kung ano ang nasa puso ng bawat tao. Alam Niya kung sinu-sino yaong mga tapat sa kanilang pananalig at pananampalataya at kung sinu-sino yaong gumagawa ng mga palabas. Ito rin ang kahulugan ng mga salitang binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa Mabuting Balita para sa Biyernes na ito. Ang lalaking ikakasal na walang iba kundi Siya mismo ay kapiling ng mga apostol. Kaya, puno sila ng tuwa.
Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa araw na ito, ang hinahanap ng Diyos ay kababaang-loob at pusong tapat (Salmo 50, 19b). Hindi Siya naghahanap ng mga artista. Katunayan, alam Niya kung sino yaong mga tapat at sinsero at kung sino ang mga nagpapanggap at gumagawa ng mga palabas. Bagkus, ang hinahanap ng ating Panginoong Jesus Nazareno ay ang mga taos-puso at mga mapagpakumbaba.
Muli tayong inaanyayahan ng Simbahan na suriin natin ang ating mga sarili. Bakit ba tayo mayroong debosyon sa Nuestro Padre Jesus Nazareno? Tapat at taos-puso nga ba ang ating debosyon at pamamanata sa Poong Nazareno? Isinasalamin ba ng ating debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ang ating taos-pusong pag-ibig, pagsamba, pananalig, at pananampalataya sa Kanya? O ginagawa lamang natin ito dahil nais lamang nating magpasikat?
Lagi nating tatandaan na hindi dapat ginagawang palabas ang pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. Bagkus, kailangan natin itong gawin nang taos-puso at may kababaang-loob. Ito ang magpapatunay handa tayong tahakin ang landas na inihanda para sa atin ng ating Panginoong Jesus Nazareno, ang landas ng kabanalan na aakay sa atin patungo sa buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento