5 Marso 2023
Ikalawang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (A)
Genesis 12, 12-4a/Salmo 32/2 Timoteo 1, 8b-10/Mateo 17, 1-9
This faithful photographic reproduction of the painting The Transfiguration of Jesus (c. Between 1500 and 1505) by Gerard David (c. 1450/1460-1523), as well as the actual work of art itself from the Church of Our Lady in Bruges, Belgium, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Dalawang ulit nating maririnig sa buong taon ang salaysay ng Pagbabagong-Anyo ng ating Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Ang unang araw sa buong taon kung kailan natin maririnig sa Ebanghelyo para sa pagdiriwang ng Banal na Misa ang salaysay ng importanteng kaganapang ito sa buhay ni Kristo ay sa Ikalawang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay na kilala rin ng marami sa tawag na Kuwaresma. Ang ikalawang araw ng taon kung kailan natin maririnig ang salaysay ng napakahalagang kaganapang ito sa Ebanghelyo para sa pagdiriwang ng Banal na Misa ay ang Ika-6 ng Agosto sapagkat iyon ang araw sa taon na inilaan ng Simbahan para sa maringal na pagdiriwang ng Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon.
Bakit ang salaysay ng kaganapang ito ang naririnig o binabasa sa Ebanghelyo para sa pagdiriwang ng Banal na Misa ng Ikalawang Linggo ng Kuwaresma? Anong mayroon sa nasabing Linggo at ito ang isa sa dalawang araw ng bawat taon na napili ng ating Inang Simbahan upang pagtuunan ng pansin at pagnilayan nang buong kataimtiman ang mahalagang kaganapang ito sa buhay ng Panginoong Jesus Nazareno? Kung tutuusin, maaari ring tanungin ng marami sa atin kung bakit itinuturing ng Simbahan na isang napakahalagang sandali sa buhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kanyang Pagbabagong-Anyo sa Bundok ng Tabor, ang bundok na pinaniniwalaan ng maraming Kristiyano bilang bundok na kung saan naganap ang nasabing sandali?
Isinalungguhit sa salaysay ng Pagbabagong-Anyo ni Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ang dahilan kung bakit palagi itong pinagtutuunan ng pansin at pinagninilayan nang buong kataimtiman ng Simbahan tuwing sasapit ang Ikalawang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay. Bukod sa pagiging isang pasulyap sa tagumpay na kinamtan ng Panginoong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay, itinuturo sa atin ng napakahalagang kaganapang ito ang halaga ng pakikinig. Sabi ng Amang nasa langit noong nagbagong-anyo ang Poong Jesus Nazareno sa bundok, "Pakinggan ninyo Siya!" (Mateo 17, 5). Katunayan, ang mga salitang ito ay ginamit rin bilang Awit-Pambungad sa Mabuting Balita para sa Linggong ito. Ang patunay ng halaga ng pakikinig ay si Jesus Nazareno mismo.
Walang sandaling hindi pinakinggan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang kalooban ng Ama. Lagi Siyang nakinig sa kalooban ng Ama bago Siya nagpasiya tungkol sa mga bagay-bagay. Habang tinupad Niya ang Kanyang misyon dito sa mundong ito, hindi kinaligtaan ng Poong Jesus Nazareno makipag-ugnayan sa Ama sa pamamagitan ng panalangin. Sa tuwing nanalangin Siya sa Ama, lagi Niya kinakausap at pinakikinggan ang Ama. Ito ang ipinahiwatig ng Amang nasa langit sa Ebanghelyo. Ang ating Poong Jesus Nazareno ay laging nakinig sa Ama bago magpasiya. Ito rin ang dapat nating gawin bilang mga Kristiyano. Bago magpasiya, dapat muna tayong makinig, lalo na sa tinig ng Diyos.
Lagi nga nating sinasabi, "Huwag padalos-dalos." Dahan-dahan lang. Ito ang paalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito. Buksan natin ang ating mga puso at pandinig sa Panginoon. Pakinggan natin ang kalooban ng Panginoong Diyos bago magpasiya. Ito ang lagi nating dapat gawin. Kumunsulta muna sa Diyos. Hingin natin ang gabay ng Diyos. Kapag napakinggan na natin sa katahimikan ang kalooban ng Diyos, doon pa lamang tayo magpapasiya. Bilang mga Kristiyano, nararapat lamang na lagi tayong humiling ng gabay ng Panginoon sapagkat maaasahan naman talaga Siya sa lahat ng bagay. May mga taong hindi maaasahan, subalit ang Panginoong Diyos, tunay ngang maaasahan sa lahat ng bagay. Kaya, marapat lamang pakinggan natin Siya bago tayo gumawa ng anumang pasiya sa buhay, lalo na kapag espirituwal ang pinag-uusapan. Katulad ng nasasaad sa Salmo para sa Linggong ito: "Poon, pag-asa Ka namin, pag-ibig Mo'y aming hiling" (Salmo 32, 22). Isinalungguhit sa mga salitang ito sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito ang pagiging maaasahan ng Diyos.
Sa Unang Pagbasa, si Abram na kilala natin ngayon bilang si Abraham ay nakinig sa pangako at kalooban ng Diyos para sa kanya bago siya nagpasiya. Sa huli, ipinasiya niyang sundin ang kalooban ng Diyos para sa kanya. Sa Ikalawang Pagbasa, muling tinalakay ni Apostol San Pablo ang pagtawag sa atin ng ating butihing Panginoong Diyos upang maging Kanya ngang tunay (2 Timoteo 1, 9). Sa pamamagitan ng mga katagang ito, muling isinalungguhit ni Apostol San Pablo ang halaga ng pakikinig. Sa bawat sandaling makikinig tayo, lalung-lalo na sa Diyos, may magandang plano tayo matutuklas. Ang pinakamagandang plano ay nanggagaling sa Panginoon. Matutuklas lamang natin ito kapag makikinig muna tayo sa Kanya.
Ang mga tunay na deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay marunong makinig sa kalooban ng Diyos. Dahil lagi silang nakikinig, lalung-lalo na sa Panginoong Diyos, marunong silang mangilatis at magpasiya. Hindi nila isinasara sa ating Panginoong Diyos ang kanilang mga pandinig. Bagkus, kusang-loob nila itong binubuksan. Kaya naman, lagi silang mulat sa katotohanang mas maganda 'di hamak ang kalooban ng Panginoong Diyos kaysa sa mga kalooban at plano ng tao.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento