19 Marso 2023
Ikaapat na Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (A)
"Linggo ng Laetare"
1 Samuel 16, 1b. 6-7. 10-13a/Salmo 22/Efeso 5, 8-14/Juan 9, 1-41 (o kaya: 9, 1. 6-9. 13-17. 34-38)
This photographic reproduction of the 17th century painting Healing of the man born blind (Italian: Guarigione del cieco nato) by Orazio de Ferrari, as well as the actual work of art itself from the Collezione D'Arte Della Banca Carige collection, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Kilala rin bilang "Linggo ng Laetare" o "Linggo ng Kagalakan" ang Ikaapat na Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay o Kuwaresma. Nakatuon ang ating mga pansin sa larawan ng Panginoon bilang bukal ng tunay na galak. Kung tutuusin, ipinahiwatig ito ng alternatibong pangalan ng Simbahan para sa Linggong ito. Tila, isa itong paalala para sa ating lahat na tanging sa Panginoong Diyos lamang matatagpuan ang tunay na galak sapagkat Siya mismo ang nagkakaloob nito sa atin.
Nakasentro sa paksang ito ang mga Pagbasa para sa araw na ito. Katunayan, ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay tungkol sa larawan ng ating Panginoong Diyos bilang tunay na liwanag. Ang Panginoong Diyos ay naghahatid ng tunay na galak sa atin sa pamamagitan ng Kanyang ningning bilang tunay na liwanag. Pinatotohanan ito ng mga panauhing itinatampok sa mga Pagbasa para sa Linggong ito.
Sa Unang Pagbasa, isinalaysay ang pagpahid ng langis kay David bilang patunay na hinirang nga siya ng Panginoong Diyos upang maging susunod na hari ng Israel. Ang tunay na liwanag na walang iba kundi ang Diyos ay kumilos upang pagkalooban ng galak ang bayang Israel. Pinagkalooban Niya sila ng isang panibagong hari na walang iba kundi si David. Mula sa pagpapastol ng mga tupa, itinaas ng Diyos si David bilang kahalili ni Haring Saul sa trono. Sa pamamagitan nito, ang Diyos ay nagbigay ng isang maliwanag na kinabukasan para sa bayang Israel. Bukod pa roon, binigyan rin Niya si David ng isang maningning na kinabukasan. Itinaas ng Panginoon si David mula sa pagpapastol ng mga tupa sa parang. Sa pamamagitan ng pagtampok Niya kay David, ang lingkod Niyang ito ay Kanya ring binigyan ng galak sapagkat isa itong patunay na lagi Niyang kinakalinga, kinukupkop, at kinalulugdan ang mga aba Niyang lingkod.
Isinentro ni Apostol San Pablo ang kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito sa biyaya ng bagong buhay na kaloob sa atin ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang bagong buhay na ipinagkaloob sa atin ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, aniya, ay pamumuhay nang banal at malaya mula sa mga puwersa ng kadiliman at kasalanan dahil mamumuhay tayo sa ilalim ng tunay na liwanag na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno (Efeso 5, 8). Pinagkakalooban ng galak ng ating Panginoong Jesus Nazareno ang bawat isa sa atin sa pamamagitan ng biyayang ito ng bagong buhay sa ilalim ng tunay na liwanag na walang iba kundi Siya mismo. Hindi na ito katulad ng dati nating buhay sa ilalim ng kadiliman at kasalanan sapagkat mamumuhay tayo nang banal at malaya sa ilalim ng butihing Poong Señor Jesus Nazareno, ang tunay na liwanag. Kagalakang tunay ang dulot ni Jesus Nazareno sa atin sa pamamagitan ng biyayang ito.
Tunay na galak ang ipinagkaloob ng ating Nuestro Padre Jesus Nazareno sa lalaking ipinanganak na bulag sa Ebanghelyo. Ang lalaking bulag mula sa kanyang pagsilang sa mundong ito ay pinagkalooban ni Jesus Nazareno ng pagkakataong masilayan ang kagandahan ng mundong ito. Sa pamamagitan ng kahanga-hangang himalang ito, nagbigay ng galak at tuwa sa lalaking ito ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Kahit binatikos ng marami, kabilang na rito ang mga kaaway ng Poong Jesus Nazareno, ang lalaking ito, hindi nila naipagkait o naiagaw mula sa lalaking ito na isinilang na bulag ang galak at tuwang kaloob sa kanya ni Jesus Nazareno.
Gaya ng sabi ng mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Pastol ko'y Panginoong Diyos, hindi ako magdarahop" (Salmo 22, 1). Sapat na ang Panginoong Diyos. Wala na tayong hahanapin pa. Sa Panginoon lamang nagmumula ang tunay na liwanag at ang tunay na galak. Ang Panginoong Diyos ay laging nandiyan. Bakit pa ba tayo maghahanap ng iba? Kung nais nating magkaroon ng liwanag at galak, lapitan natin nang buong kababaang-loob at pananalig ang Diyos.
Ang tunay na galak ay nagmumula lamang sa tunay na liwanag. Ito ang paalala para sa atin sa Linggong ito. Ang Panginoon mismo ay ang tunay na galak at ang tunay na liwanag. Lagi Niya tayong nililiwanagan. Ang liwanag ng Panginoon ay nagdudulot ng galak at tuwa sa lahat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento