20 Marso 2023
Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51a)
This faithful photographic reproduction of the painting The Death of Saint Joseph by Bartolomeo Altomonte, as well as the original work of art, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Madalas na tumatapat sa 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay na tiyak na mas kilala ng marami sa atin bilang panahon ng Kuwaresma ang petsa ng Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen. Katunayan, kapag ang mismong araw ng nasabing Dakilang Kapistahan (19 Marso) ay tumapat sa araw ng Linggo, agad na inililipat ito sa kasunod na araw (20 Marso) sapagkat hindi maaring laktawan o hindi ipagdiwang ang mga Linggo ng Kuwaresma. Bagamat isa siya sa mga importanteng panauhin sa salaysay ng pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno, ang Dakilang Kapistahang ito sa karangalan ni San Jose ay lagi na lamang ipinagdiriwang pagsapit ng panahon ng Kuwaresma. Bakit kaya?
Ano nga ba ang koneksyon o ugnayan ni San Jose sa panahon ng Kuwaresma na inilaan sa pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos bilang paghahanda ng sarili para sa mga Mahal na Araw o Semana Santa na inilaan sa taimtim na pagninilay at paggunita sa pagpapakasakit, pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno? Hindi ba ipinahiwatig sa Banal na Kasulatan na matagal na'ng pumanaw si San Jose noong panahong sinimulan ng Poong Jesus Nazareno ang Kanyang ministeryo? Bakit hindi na lamang natin ilipat ang Dakilang Kapistahang ito?
Bagamat hindi ito halata sa unang tingin, mayroon tayong mapupulutang aral mula kay San Jose na naaangkop para sa panahon ng Kuwaresma. Katunayan, ang aral na ito ay hindi lamang pang-Kuwaresma kundi para sa buong taon at sa bawat sandali ng ating buhay. Ano ang aral na iyon? Laging buksan ang puso, isipan, at pandinig sa Diyos. Huwag magbingi-bingihan o ipinid ang puso, isipan, at pandinig sa Diyos. Sa pamamagitan nito, mapapatunayan nating tunay at tapat ang ating pamamanata sa Mahal na Poong Nazareno. Tinuturuan tayo ni San Jose kung paanong maging mga tunay na deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Sa Unang Pagbasa, nakinig si Propeta Natan sa mga ipinasabi ng Panginoong Diyos kay Haring David. Ang mga inihayag sa kanya ng Panginoong Diyos ay kanya namang ipinamalita kay Haring David. Pinakinggan ni Natan ang napakagandang pangakong binitiwan ng Panginoong Diyos para kay Haring David na kanya namang inilahad sa hari. Sa pamamagitan nito, inihayag ng propetang si Natan ang kanyang debosyon sa pamamagitan ng pagtupad sa kanyang pananagutan bilang propetang hinirang ng Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo kung paanong nanalig nang taos-puso at buong kababaang-loob si Abraham sa lahat ng mga pangako ng Maykapal. Isa itong pahiwatig na lagi niyang binuksan ang kanyang puso at isipan sa anumang ipinangako sa kanya ng Diyos. Matapos pakinggan nang maigi ang mga pangakong ito ng Diyos na sumasalamin sa Kanyang kalooban, ipinasiya ni Abraham na manalig sa Diyos na kanyang inihayag sa kanyang pagtalima. Sa Ebanghelyo, si San Jose ay tumulad sa halimbawang ipinakita ng kanyang mga ninunong si Abraham at Haring David. Bagamat mayroong malaking problema siyang hinarap noon, hindi niya isinara o ipininid ang kanyang puso, isipan, at pandinig sa Diyos. Mayroon ngang binuong balak o plano si San Jose upang makaalis sa problemang kanyang hinarap. Subalit, kahit nakabuo na siya ng plano, hindi niya isinara o ipininid ang pintuan ng kanyang puso, isipan, at pandinig sa Diyos. Pinakinggan pa rin niya ito, bagamat inihayag sa kanya ng anghel ang kalooban ng Diyos sa panaginip habang natutulog siya nang mahimbing. Katunayan, ang planong ito ng Diyos ay muling naihayag sa pamamagitan ni Simeon noong dinala sa Templo ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno sa alternatibong Ebanghelyo para sa Dakilang Kapistahang ito.
Kahit madalas na tumapat sa panahon ng Kuwaresma, mahalaga pa rin ang aral na itinuturo sa atin ni San Jose. Ang aral na ito na itinatampok at pinagninilayan nang buong kataimtiman sa Dakilang Kapistahan sa karangalan ni San Jose ay hindi para sa isang panahon lamang. Bagkus, para ito sa lahat ng panahon. Ang aral na ito ay para sa bawat sandali ng ating buhay dito sa mundo. Sa pamamagitan ng aral na ito, tinuturuan tayo ni San Jose kung paanong maging mga tunay na deboto ng Poong Jesus Nazareno. Ano ang aral na iyon? Pakinggan ang kalooban ng Diyos at sundin ito nang may kababaang-loob at pananalig.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento