Linggo, Marso 26, 2023

HINDI NIYA BABAGUHIN ANG KANYANG IPINASIYA NOON

6 Abril 2023 
Huwebes Santo sa Paghahapunan ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno 
Exodo 12, 1-8. 11-14/Salmo 115/1 Corinto 11, 23b-26/Juan 13, 1-15  

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1624 and 1625) The Last Supper by Giovanni Lanfranco (1582–1647), as well as the actual work of art itself from the National Gallery of Ireland, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Isa sa mga anime na tumatalakay sa paksa o konsepto ng paglalakbay sa nakaraan ay walang iba kundi ang pelikulang anime na pinamagatang Fireworks (打ち上げ花火、下から見るか? 横から見るか?). Kilala rin ang nasabing pelikulang anime bilang Fireworks: Should We Watch It From the Side or the Bottom?. Bagamat hindi naging kasing-sikat ng isa sa mga napakasikat na pelikulang anime na pinamagatang Your Name (君の名は) o kaya naman ng seryeng anime na halaw sa isa ring masikat na manga, ang Tokyo Revengers, na tumalakay rin sa nasabing paksa o konsepto, ang layunin ng nasabing pelikulang anime na tumalakay sa paksa o konsepto ay malinaw rin naman, kahit papaano. Tinalakay ng pelikulang anime na ito ang tanong tungkol sa gagawin ng bawat tao kapag binigyan sila ng pagkakataong baguhin ang anumang pasiyang isinagawa nila noon at kung ano kaya ang magiging resulta noon. 

Masarap rin namang isipin paminsan-minsan kung ano nga ba ang magiging itsura ng ating buhay sa kasalukuyan kung iniba lamang natin ang ipinasiya nating gawin kaysa sa aktual na ipinasiya nating gawin noon. Ano kaya ang magiging pagkakaiba sa ating buhay kung iba lamang ang ipinasiya nating isagawa noon? Kung sakaling pagkalooban tayo ng pagkakataong baguhin ang ating nakaraan, isasagawa ba natin iyon? Ano naman ang ating iibahin o babaguhin noon, kung oo ang naging sagot? 

Bakit madalas itong gawin ng marami? Ano'ng mayroon sa pag-iisip at pagtatanong tungkol sa mga ipinasiyang gawin noon habang binabalikan natin ang mga alaaala ng nakaraan? Maraming maaaring maging dahilan nito. Isa sa mga madalas na dahilan kung bakit madalas itong gawin ng maraming tao, na maaari rin nating sabihin at ituring bilang pinakamasikat na dahilan, ay mga panghihinayang. Marahil mayroong mga nanghihinayang sa pagkakataong makagawa ng mas mabuti o maganda. Yaong pakiramdam na sayang sapagkat hindi nila nagawa ang isang bagay. Madalas itong gawin ng mga nagkaroon ng masakit at mapait na hiwalayan. Sayang sapagkat ang relasyon o ugnayan ng dating magkasintahan ay hindi naipaglaban o pinandigan. 

Sinisimulan natin bilang Simbahan sa araw na ito, Huwebes Santo, ang pinakabanal na tatlong araw sa buong taon na walang iba kundi ang Banal na Tatlong Araw na Pagdiriwang ng Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno. Lalo nating pinaiigtingin ang ating pagninilay at paggunita sa naging kusang-loob na paghahandog ng sarili ng Panginoong Jesus Nazareno alang-alang sa atin sa loob ng tatlong araw na ito. Sa pamamagitan nito, ang dakilang habag, pag-ibig, at kagandahang-loob ng Diyos ay inihayag ng Panginoong Jesus Nazareno. Kung tutuusin, ito ang dahilan kung bakit ipinasiya itong isagawa ng Mahal na Poon. Ang habag, pag-ibig at kagandahang-loob ni Kristo para sa atin na tunay na dakila ay ang dahilan kung bakit iniligtas tayo ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo. 

Nakatuon sa mga kahanga-hangang gawa na ipinasiyang isagawa ng Diyos dahil sa pag-ibig Niyang tunay ngang dakila ang mga Pagbasa para sa araw na ito na inilaan sa pagninilay at paggunita sa mga huling sandaling kapiling ng Poong Jesus Nazareno ang mga apostol. Sa Unang Pagbasa, itinampok ang pasiya ng Panginoong Diyos na iligtas ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa bansang Ehipto. Ito ang ginugunita ng mga Hudyo sa tuwing ipinagdiriwang nila ang Paskuwa. Sa pamamagitan ng dugo ng kordero na inilapat sa kanilang mga pintuan habang pinagsasaluhan nila ang unang Hapunang Pampaskuwa sa Ehipto, ayon sa mga utos ng Diyos kina Moises at Aaron, tinubos sila ng Diyos mula sa pagkaalipin at kamatayan sa bansang Ehipto. Ito ang ginunita ng Poong Jesus Nazareno at ng Kanyang mga apostoles sa Huling Hapunan bilang mga Hudyo. Subalit, habang pinagsasaluhan nila ang Hapunang Pampaskuwa upang gunitain ang dakilang pasiya ng Diyos na palayain ang mga Israelita mula sa Ehipto bilang mga Hudyo, may mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Sa Ikalawang Pagbasa, itinuon ang ating pansin sa pagtatag sa pinakamahalagang Sakramento ng Simbahan na walang iba kundi ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Inihandog ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kanyang Katawan at Dugo bilang tunay na pagkain at inumin. Ang tinapay at alak sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa ay hindi lamang mga simbolo o sagisag. Bagkus, si Jesus Nazareno nga mismo iyon sa anyo ng tinapay at alak. Sa tuwing ipinagdiriwang ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya araw-araw, laging dumarating ang literal na Poong Jesus Nazareno upang ibigay ang Kanyang sarili sa anyo ng tinapay at alak bilang pagkain at inumin, gaya ng Kanyang ginawa noon sa bundok ng Kalbaryo. Hindi lamang iyan ang Kanyang ginawa sa mga oras na iyon. Sa Ebanghelyo, hinugasan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang mga paa ng mga apostol. Tinuruan at inutusan ng Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan nito na ibigay nang buong-buo ang kanilang mga sarili sa paglilingkod sa Diyos at kapwa bilang pagpapahayag ng kanilang pag-ibig para sa isa't isa katulad ng Kanyang ipinasiyang gawin nang kusang-loob para sa atin. 

Dahil sa dakila Niyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob, ipinasiya ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, na ipagkaloob sa atin ang biyaya ng kaligtasan. Kusang-loob itong ipinasiyang gawin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang lahat ng mga hirap, sakit, at pagdurusang kaakibat ng pasiyang ito ay hindi naging sagabal para sa atin. Bagamat hindi tayo karapat-dapat sa biyayang ito sapagkat likas naman sa atin bilang mga marurupok at mahihinang tao na paulit-ulit na magkasala laban sa Panginoong Diyos, ipinasiya pa rin Niya itong gawin para sa atin dahil tunay Niya tayong kinahahabagan. Gaya ng nasasaad sa mga titik ng isa sa mga awiting kinatha para sa Paghahandog ng mga Alay sa Banal na Misa, ang "Alay sa Diyos," ang awa ng Diyos ay hindi mabilang. Hindi man mabilang ang ating mga kasalanan laban sa Panginoong Diyos dahil sa sobrang dami nito, mas lalong hindi mabibilang o matutumbasan ang awa ng Diyos. Ang habag at pag-ibig ng Diyos ay higit na dakila kaysa sa ating mga kasalanan.

Kusang-loob na ipinasiya ni Taki Tachibana (君の名は) na bumalik sa nakaraan bilang si Mitsuha Miyamizu upang iligtas ang mga taga-Itomori, kabilang na rito si Mitsuha, mula sa isang comet. Sa pamamagitan nito, nagbago ang kasaysayan para sa mga dating taga-Itomori. Naligtas sila sa halip na mamatay dahil sa nasabing comet. Gayon din ang ipinasiyang gawin ni Takemichi para kay Hina at pati na rin para sa kanyang mga naging kaibigan kalaunan. Maging si Noremichi (Fireworks), nagbalik siya sa nakaraan nang paulit-ulit upang mapagbigyan ang mga hiling ni Nazuna at upang matuklasan na rin ang magiging kalalabasan ng lahat kung si Nazuna ay naging kanyang kasintahan. Ang mga panauhing ito na mga karakter sa mga anime ay pinagkalooban ng pagkakataon baguhin ang nakaraan para sa isang magandang kinabukasan kapiling ang kanilang minamahal. Subalit, kung ang Panginoong Jesus Nazareno ay bibigyan ng pagkakataong baguhin o ibahin ang Kanyang pasiya upang mailigtas ang sarili, hindi Niya ito gagawin. Walang babaguhin o iibahin ang Poong Jesus Nazareno sa Kanyang ipinasiyang gawin noong dumating Siya sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Bagkus, gagawin pa nga Niya iyon ulit sapagkat tunay Niya tayong minamahal at kinahahabagan.

Hindi babaguhin o iibahin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kanyang pasiya na ihandog ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo nang kusang-loob alang-alang sa atin. Patuloy Niya itong pinaninindigan. Ganyan tayo kamahal ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ating ipinangakong Panginoon at Tagapagligtas. Gaano mang karami ang mga pagkakataong ibigay sa Kanya upang ibahin o baguhin ang Kanyang ipinasiyang gawin sa mga sandaling iyon, wala Siyang babaguhin o iibahin sa Kanyang pasiyang iligtas tayo sa pamamagitan ng Kanyang Katawan at Dugo dahil tunay Niya tayong minamahal at kinahahabagan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento