PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA
IKALIMANG HAPIS: Sa Paanan ng Krus ni Jesus Nazareno (Juan 19, 25-27)
This faithful photographic reproduction of the painting Christ on the Cross with Mary, John and Mary Magdalene (c. Between 1465 and 1470) by Master of the Life of the Virgin (fl. 1463–1480), as well as the actual work of art itself from the Wallraf–Richartz Museum through the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or less due to its age.
Bagamat ito ang Ikalimang Hapis ng Mahal na Birheng Maria, hindi ito naganap sa isang hiwalay na araw. Magkaiba man ang oras, isa pa rin ang araw kung kailan ito naganap. Ang Hapis na ito ay naganap sa mismong araw na naganap ang Ikaapat na Hapis at maging ng huling dalawang Hapis na kasunod nito. Kumbaga, pagpapatuloy lamang ito ng nakaraang Hapis. Ipagpapatuloy ito sa dalawang kasunod na Hapis. Sa pamamagitan ng mga Hapis na ito, isinasalungguhit kung paanong ang paghahapis at pagdadalamhati ay hindi titigil nang basta, lalo na kapag ang isang tao ay nasa kalagayan o posisyon ng Mahal na Inang si Maria noong unang Biyernes Santo.
Maraming kaganapang nangyari noong unang Biyernes Santo. Katunayan, ang lahat ng mga kaganapang nangyari noong unang Biyernes Santo ay mayroong ugnayan sa isa't isa. Kung nagkaroon lamang ng mga pahayagan noon, tiyak na isang kaganapan lamang ang magiging laman ng mga balita. Ang kaganapang iyon ay walang iba kundi ang pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoong Jesus Nazareno. Ang mga huling sandali sa buhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang natatanging dahilan ng walang tigil na paghihinagpis at pagdadalamhati ng Mahal na Birheng Maria.
Sa totoo lamang, maaari nating sabihing nasikipan at hindi makahinga nang maayos ang Mahal na Inang si Mariang Birhen noong unang Biyernes Santo sa dami ng mga masasakit at malulungkot na pangyayaring naganap noong araw na iyon. Tila walang tigil ang kanyang paghahapis at pagdadalamhati dahil sa mga ito. Nakatagpo na nga niya si Kristo sa daang patungong Kalbaryo na nagpapasan ng Banal na Krus, gaya ng inilalarawan ng banal na imahen ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Iyon nga lamang, hindi na natapos doon. Nadagdagan pa ang sakit, hapdi, at kirot sa kanyang pusong lubos ang pagka-dalisay nang harap-harapan niyang nasaksihan ang napakasakit na pagkamatay ng Poong Jesus Nazareno sa Banal na Krus sa Kalbaryo.
Hindi biro ang hapis at sakit dulot ng lahat ng mga pangyayaring naganap noong unang Biyernes Santo, lalung-lalo na ng napakasakit na kaganapang itinatampok ng kaniyang Ikalimang Hapis na ito, na dinanas at tiniis ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Sa totoo lamang, ang lahat ng ito ay nakakasakal para sa kanya. Dahil dito, mayroon naman siyang karapatan magreklamo sa Diyos. Hindi natin siya masisi kung ito ang kanyang ginawa sapagkat sobra na ito para sa isang tao, lalung-lalo na para sa mga magulang at lalo't higit para sa isang ina.
Oo, hindi makatarungan ang lahat ng mga nangyari noong unang Biyernes Santo. Oo, nakakasakal para sa Mahal na Birhen ang lahat ng mga nangyari sa araw na iyon. Sa totoo lamang, mayroon siyang karapatan at hindi natin siya masisisi kung ito ang ipinasiya niyang gawin. Subalit, sa halip na magreklamo sa Diyos, ipinasiya pa rin ng Mahal na Birheng Maria na tahimik na makiisa sa pagpapakasakit at pagdurusa ng ating Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bagamat hindi ito maunawaan ni Maria nang lubusan, batid niyang niloob ng Diyos na ito ay mangyari dahil sa Kanyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob. Batid rin niyang nasasaktan rin ang Amang nasa langit. Subalit, sa kabila nito, ipinasiya pa rin Niyang ipagpatuloy ito para sa ikaliligtas at kalayaan ng sangkatauhang tunay Niyang iniibig at kinahahabagan.
Kahit napupuspos ng matinding sakit, hapis, lungkot, at dalamhati sa kanyang puso sa mga sandaling iyon, ipinasiya pa rin ng Mahal na Inang si Mariang Birhen na hindi hadlangan ang pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos. Gaano man siya nasaktan at nalungkot dahil sa mga kaganapang nangyari sa mga madidilim na sandaling ito, ang ating Mahal na Inang si Mariang Birhen ay nagpasiyang tumindig para sa Diyos sa pamamagitan ng tahimik na pakikiisa sa pagdurusa ng ating Poong Jesus Nazareno.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento