Huwebes, Marso 23, 2023

TUGON SA KANYANG PAKIUSAP

PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO 
IKALIMANG WIKA (Juan 19, 28): 
"Nauuhaw Ako."  

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1606) Crucifixion by Frans Francken the Younger (1581–1642), as well as the work of art itself from the Kunsthistorisches Museum, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Kung paiklihan ang pag-uusapan, sa lahat ng mga wikang Kanyang binigkas habang nakabayubay sa Krus, ang Ikalimang Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang pinakamaikling wikang Kanyang binigkas mula sa Banal na Krus. Sa Latin na salin, isang salita lamang ang Kanyang binigkas: "Sitio." Medyo mayroong kaunting haba ang ibig sabihin ng wikang ito sa Hapones, subalit ang ibig sabihin ng wikang ito sa Hapones ay 喉が渇く o kaya naman 喉が渇いている. Kung ang pormal na paraan ay gagamitin natin, ang ibig sabihin nito ay 喉が渇きます o kaya 喉が渇いています. Sa mga salin ng wikang ito sa wikang Hapones, isinasalungguhit ang pagiging tuyo ng lalamunan. Humihingi ng inumin ang tao dahil natutuyo ang lalamunan. 

Naranasan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang kalagayang ito ng tao. May mga pagkakataong nauuhaw ang tao. Gayon din ang Poong Jesus Nazareno, lalung-lalo na sa mga huling sandali ng Kanyang buhay sa Krus. Subalit, sa salaysay ng sandaling ito, mayroong isang napakahalagang detalyeng isinulat ang Manunulat ng Mabuting Balita na si Apostol San Juan na sinabi ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno upang matupad ang nasasaad sa Kasulatan (Juan 19, 28). Agad itong sinundan ng isa pang detalyeng napakahalaga. Ito ay ang tugon sa pagbigkas ng Poong Jesus Nazareno ng wikang ito. Nasusulat na nilublob sa isang mangok na may maasim na alak ang isang espongha na ikinabit sa isang sanga ng isopo at idiniit sa bibig ng Poong Nazareno upang mainom Niya ito (Juan 19, 29). Sa sandaling ito, natupad ang isang bahagi ng aklat ng mga Awit o Salmo na kung saan nasusulat ay binigyan ng suka sa halip na tubig ang lingkod ng Diyos na nauuhaw (Salmo 69, 21). 

Ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno, bagamat maraming ulit Siyang nagbigay at nagkaloob ng maraming biyaya sa lahat, katulad na lamang ng pagkain para sa 5000 tao na nagtipon sa isang ilang na lugar upang makinig sa Kanyang pangangaral, ay pinagkaitan ng malasakit mula sa mga taong tunay Niyang inibig at kinahabagan. Kahit kaunting malasakit man lamang ay ipinagkait sa Poong Jesus Nazareno na puspos ng tunay at wagas na pag-ibig, habag, kagandahang-loob, malasakit, at kabutihan para sa lahat. Tapos, ang naging kapalit ng mga ito ay ang hindi makatarungan at hindi makataong pagtrato sa Kanya sa mga huling sandali ng buhay Niya rito sa mundo. 

Mabuti pa sa pelikulang Weathering With You  (天気の子 ). Bagamat sa unang bahagi ng nasabing pelikula kung kailan naganap ang eksena ng pagbigay ni Amano Hina ng isang hamburger kay Morishima Hodaka na gutom na gutom na sa mga oras na iyon ay hindi magkakilala ang dalawang ito, hindi nagdalawang-isip si Hina na bigyan ng kahit kaunting pagkaing panawid-gutom si Hodaka. Mabuti pa sa pelikulang anime. Sa totoong buhay, ano'ng mayroon? Mayroong pa ngang mga walang puso at awang hindi nagdadalawang-isip na manlinlang, manamantala, magnakaw, at mangitil ang buhay ng kapwa. Higit pa'ng nakakalungkot ang katotohanang ginagawa ito ng mga taong iniluklok sa taas ng lipunan at binigyan ng kapangyarihan upang maglingkod. Dahil dito, lumalaganap ang katiwalian at kawalan ng katarungan. Ipinagtatanggol pa nga sila ng kanilang mga alipores sa pamamagitan ng paglikha ng mga pekeng balita upang mapabango ang kanilang mga pangalan. Isa itong napakalaking problema sa ating lipunan. Pagbabago ng mga sariling pangalan ang inatupag. Bakit ginagawa ito? Para lalo pa nilang pairalin ang kanilang pagiging gahaman at sakim. 

Umaalingawngaw pa rin nang malakas sa kasalukuyang panahon ang wikang ito ng ating Panginoong Jesus Nazareno. Sabi pa nga Niya sa isa sa Kanyang mga pangaral tungkol sa Huling Paghuhukom na magaganap sa wakas ng panahon na ginagawa sa Kanya ang lahat ng mga mabubuting ginagawa sa mga aba Niyang kapatid (Mateo 25, 40). Ano ang ating magiging tugon? Bukal ba sa ating mga puso at kalooban ang paggawa ng mabuti o kaya naman pahihintulutan nating umiral ang hindi makatao at hindi makatarungang gawaing umaapi sa mga aba? 

Lingid sa kaalaman ng marami, mayroon pa ring saysay sa kasalukuyan ang wikang ito na binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno mula sa Krus. Ang wikang ito ni Jesus Nazareno ay patuloy Niyang binibigkas sa kasalukuyang panahon. Hindi lamang ito para sa mga taong nakakarinig sa Kanya noong dumating Siya sa mundong ito. Ito ay sinasambit pa rin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa kasalukuyan at patuloy na umaalingangaw ang mga salitang ito sa pamamagitan ng Simbahan. Araw-araw, si Jesus Nazareno ay laging lumalapit sa atin upang pakiusapan tayong pagbigyan ang tangi Niyang hiling para sa atin - ibigay at ihandog ang ating mga sarili sa Kanya bilang Kanyang mga tapat na lingkod na magiging salamin ng Kanyang pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob para sa lahat. 

Hindi lamang nananatili ang mga salitang ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga huling sandali ng Kanyang buhay sa Kalbaryo. Bagkus, ang Kanyang wikang ito ay patuloy na umaalingawngaw nang malakas sa kasalukuyan. Ano ang ating tugon? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento