8 Abril 2023
Sabado de Gloria: Ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay (A)
Genesis 1, 1-2, 2 (o kaya: 1, 1. 26-31a)/Salmo 103 (o kaya: 32)/Genesis 22, 1-18 (o kaya: 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18)/Salmo 15/Exodo 14, 15-15, 1/Exodo 15/Isaias 54, 5-14/Salmo 29/Isaias 55, 1-11/Isaias 12/Baruc 3, 9-15. 32-4, 4/Salmo 18/Ezekiel 36, 16-17a. 18-28/Salmo 41 (o kaya: Salmo 50)/Roma 6, 3-11/Salmo 117/Mateo 28, 1-10
This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1515 and 1525), Christ appearing to Mary by Bartholomäus Bruyn the Elder, as well as the actual work of art itself from the National Museum in Warsaw, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Inilarawan sa maraming mga anime tungkol sa iba't ibang palakasan (sports) katulad na lamang ng Haikyu!! (ハイキュー!!) at Kuroko's Basketball (黒子のバスケ) ang pakiramdam ng mga pinaghirapang panalo. Matapos manalo sa mga mahahalagang laro, mapa-basketball man o volleyball, katulad na lamang ng inilalarawan sa mga anime na ito, ang mga karakter sa kupunang nanalo sa mga nasabing laro na tunay ngang napakahalaga para sa kanila, lalung-lalo na kapag ang kuwento ng nasabing palabas ay nakasentro sa kanila, ay punung-puno ng saya. Ang kanilang pagkakayod at pagsasanay ay hindi nauwi sa wala kundi nagbunga sapagkat pinaghirapan nilang makamit ang tagumpay o panalo sa (mga) nasabing laro. Masarap naman talaga sa pakiramdam ang pagkamit ng panalo matapos itong paghirapan.
Bukod-tangi at naiiba sa lahat ng mga liturhikal na pagdiriwang sa buong taon ang liturhikal na pagdiriwang sa gabi ng Sabado de Gloria. Nagsisimula ito sa dilim at ang tanging liwanag sa gitna ng dilim ay yaong liwanag mula sa Kandilang Pampaskuwa na binasbasan at sinindihan sa simula ng maringal na pagdiriwang na ito kung saang ginanap ang pagbabasbas sa apoy na pinagmulan nito. Bubuksan ang lahat ng mga ilaw ng Simbahan sa sandaling awitin ng "Gloria" o "Papuri sa Diyos" pagkatapos ng Pitong Pagbasa mula sa Lumang Tipan at Pitong Salmo. Matapos basahin ang sulat, aawitin nang maringal ang "Aleluya" matapos hindi ito pakinggan at awitan ng koro sa loob ng panahon ng Kuwaresma.
Hudyat ng wakas ng pighati, lungkot, hapis, at dalamhating dulot ng Kanyang mapait at napakasakit na pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus ang maluwalhating Muling Pagkabuhay ni Kristo, ang Poong Jesus Nazareno. Ang panahon ng pighati, lungkot, dalamhati, at hapis ay hindi matagal o mahaba. Sa pamamagitan ng maluwalhating Muling Pagkabuhay, agad na winakasan ng Poong Jesus Nazareno ang pighati, hapis, lungkot, at dalmahati dulot ng Kanyang pagkamatay sa Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo noong unang Biyernes Santo. Agad na pinawi ni Jesus Nazareno ang lahat ng mga hapis, dalamhati, at luha dulot ng Biyernes Santo at agad-agad rin Niya itong ginawa o pinalitan ng tunay na galak at tuwang kaloob Niya.
Ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno ay isang patunay na hindi nauwi sa wala, kabiguan, at talo ang planong pagligtas sa sangkatauhan na Kanyang pinaghirapang buuin kaisa ng Amang nasa langit at ng Espiritu Santo at pinaghirapan ring isakatuparan. Ito ang nagbigay ng saysay sa Kanyang pagdating sa mundo bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na ipinanganak ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Nagkaroon rin ng saysay ang Kanyang pag-aalay ng buo Niyang sarili sa Krus sa bundok ng Kalbaryo noong unang Biyernes Santo sapagkat nabuhay Siyang mag-uli sa ikatlong araw, katulad ng paulit-ulit Niyang ipinangako sa mga apostol noong kasama pa Niya sila bago Siya dakpin at ipapapatay.
Dahil sa Muling Pagkabuhay ni Jesus Nazareno, bilang isang Simbahan, kasama ang ating Mahal na Inang si Mariang Birhen, tayong lahat ay nagagalak. Pinatunayan ng maluwalhating Muling Pagkabuhay ni Kristo na laging magtatagumpay ang Diyos sa kabila ng lahat. Sa kabila ng lahat ng mga naganap noong unang Biyernes Santo na nagdulot ng matinding hapis, lungkot, pighati, at dalamhati, hindi doon nagtapos ang lahat. Mula sa hapis, lungkot, pighati, at dalamhati, ang Diyos ay gumawa ng isang himalang tunay nga namang kahanga-hanga. Si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, ay tunay nga namang nabuhay na mag-uli. Ang Diyos na lumikha ng langit at lupa sa Unang Pagbasa, nagbigay ng tupa kapalit ni Isaac sa Ikalawang Pagbasa, humati sa tubig sa Ikatlong Pagbasa, nagkaloob ng maraming biyaya sa lahat ng tao sa Ikaapat, Ikalima, Ikaanim, at Ikapitong Pagbasa, ay Siya ring nagpamalas o nagpahayag ng pinakadakila Niyang tagumpay sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ng Kaniyang Bugtong na Anak na si Jesus Nazareno.
Kaya naman, ang mga unang salitang binigkas ng anghel sa mga babaeng dumalaw sa libingang walang laman ay isang pahiwatig ng ipinagkakaloob sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Jesus Nazareno. Ang ating mga pangamba, takot, luha, hapis, at dalamhati ay tuluyang pinapawi ng Diyos sa pamamagitan ng Muling Nabuhay na si Jesus Nazareno. Sa pamamagitan rin Niya, binibigyan rin tayo ng Diyos ng tunay na galak at bagong buhay at pagkakilanlan bilang Kanya ring mga anak, tulad ng inilarawan sa Sulat para sa maringal na bihiliyang ito. Ito ang mga biyayang ipinagkakaloob sa Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno na Muling Nabuhay.
Pagsapit ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, sa maraming Simbahan sa Pilipinas, ang tradisyunal na rito ng Salubong o Encuentro ay laging idinadaos. Mayroong ilang mga Simbahan na kung saan ang tradisyunal na ritong ito ay idinadaos agad pagkatapos ng Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay at mayroon naman ring ilang mga Simbahan na nagdadaos ng tradisyunal na ritong ito sa madaling-araw o bukang-liwayway ng Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay bago idaos ang unang Misa para sa nasabing Linggo. Sa ritong ito, pinagninilayan at ginugunita natin bilang mga Pilipinong Katoliko ang pagpapakita ni Kristong Muling Nabuhay sa Mahal na Inang si Mariang Birhen. Ayon sa tradisyon ng Simbahan, unang nagsitungo ang Panginoong Jesus Nazareno na Muling Nabuhay sa kinaroroonan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen upang pawiin ang kanyang mga luha, hapis, lumbay, at dalmhati dulot ng mga malulungkot na kaganapang nangyari noong unang Biyernes Santo at agad itong pinalitan ng pag-asa, galak, at tuwa. Ito rin ang patuloy na ginagawa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na Muling Nabuhay para sa tanan. Patuloy Siyang naghahatid ng pag-asa, galak, at tuwa sa ating lahat, tulad na rin ng Kanyang ginawa para sa Mahal na Inang si Mariang Birhen matapos Siyang lumabas ng libingan. Ang ating mga luha, hapis, lumbay, at dalamhati ay Kanyang pinapawi at pinapalitan rin Niya ito ng pag-asa, galak, at tuwang Kanyang kaloob.
Winakasan na ng Panginoong Muling Nabuhay na si Jesus Nazareno ang panahon ng takot, pangamba, hapis, lungkot, dalamhati, at lumbay. Hindi Niya ito pinatagal pa sa pamamagitan ng maluwalhati Niyang Muling Pagkabuhay. Kaya naman, bilang mga bumubuo sa Kanyang Simbahan, kasama ng ating Mahal na Inang si Mariang Birhen, magdiwang tayo nang buong galak dahil nagtagumpay ang Diyos sa pamamagitan ni Kristong Muling Nabuhay. Ang lahat ng mga pinaghirapan ng Diyos alang-alang sa atin na tunay Niyang minamahal ay nagbunga. Bilang patunay o tanda ng ating galak sa Muling Pagkabuhay ni Kristo, tanggapin rin natin ang ating bagong pagkakilanlan bilang mga anak ng Diyos. Pinaghirapan ni Kristo, ang Panginoong Muling Nabuhay, na makamit ang tagumpay upang maibilang tayo sa Kanyang pamilya sapagkat ang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob Niya para sa ating lahat ay tunay, tapat, totoo, at talaga ngang dakila.
Tapos na rin sa wakas ang panahon ng paghihinagpis at pagdadalmhati. Ang ating ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang ating Mahal na Poong Jesus Nazareno ay tunay ngang nabuhay na mag-uli. Magdiwang tayo nang buong galak bilang Kanyang Simbahan kasama ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. Ating awitin nang buong galak ang "Aleluya!" Bakit? Ang Diyos ay nagtagumpay nang totoo sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno na Muling Nabuhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento