26 Marso 2023
Ikalimang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (A)
Ezekiel 37, 12-14/Salmo 129/Roma 8, 8-11/Juan 11, 1-45 (o kaya: 11, 3-7. 17. 20-27. 33b-45)
This faithful photographic reproduction of the painting entitled The Raising of Lazarus (c. Between 1600 and 1651) by Cornelis de Vos (1584-1651), as well as the actual work of art itself from the Ulster Museum through Art UK, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Habang papalapit ang pagdiriwang ng mga Mahal na Araw kung kailan taimtim na pagninilayan at gugunitain ng Simbahan ang Misteryo Paskwal ng Panginoong Jesus Nazareno, pinagninilayan ng Simbahan ang tema ng kadakilaan ng Diyos. Nararapat lamang itong gawin dahil ang Misteryo Paskwal ng Panginoong Jesus Nazareno ay ang pinakadakilang gawa ng Diyos. Ang kadakilaan ng Diyos ay Kanyang inihayag sa tanan sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ng Panginoong Jesus Nazareno.
Bago ang mga pagbabago sa Kalendaryo ng Simbahan dulot ng Ikalawang Konsilyo ng Vaticano (na kilala rin bilang Vaticano II o Vatican II), pumapasok ang Simbahan sa isang napakaikling panahon tuwing sasapit ang mismong Linggong ito, ang Ikalimang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay o Kuwaresma. Ang opisyal na pangalan ng napaikling panahong ito na napapaloob pa rin ng panahon ng Kuwaresma ay Panahon ng Pagpapakasakit ng Panginoon (Ingles: Passiontide). Sa tawag pa lamang sa napakaikling panahong ito, napakalinaw kung ano ang layunin at pakay ng Simbahan. Pagsapit ng nasabing panahon, lalong pinaiigting ng Simbahan ang taimtim na pagninilay sa paghahayag ng kadakilaan ng Diyos sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ng Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Tagapagligtas. Kaya, gayon na lamang ang pagpapahalaga ng Simbahan sa misteryong ito sa buhay ni Jesus Nazareno. Sa kasalukuyan, patuloy pa rin itong ginagawa ng Simbahan, kahit hindi na ito kilala bilang Panahon ng Pagpapakasakit ng Panginoon o Passiontide.
Nakasentro sa tema ng kadakilaan ng Diyos ang mga Pagbasa para sa Linggong ito, ang Ikalimang Linggo ng Kuwaresma. Bagamat ang pinakadakilang tanda, sagisag, o larawan ng kadakilaan ng Diyos ay walang iba kundi ang Kabanal-Banalang Krus at Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ipinasisilip sa atin ng Diyos sa iba pang mga kahanga-hangang gawain. Sa pamamagitan ng mga gawaing iyon, ipinapaalala sa atin ng Diyos na Siya lamang ang tunay na dakila. Kaya naman, dapat tayong manalig, sumampalataya, pumanig, at tumalima sa Kanya.
Isinalaysay sa Banal na Ebanghelyo para sa Linggong ito kung paanong si San Lazaro ay muling binuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bago isinagawa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang kahanga-hangang himalang ito, at bago pa nga namatay si San Lazaro, inihayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na hindi magwawakas sa kamatayan ang lahat para sa Kanyang kaibigang si San Lazaro (Juan 11, 4). Ito ay muli Niyang isinalungguhit kay Santa Marta na isa rin Niyang kaibigan at isa sa dalawang babaeng kapatid ni San Lazaro noong Kanyang sinabing makikita ng lahat, pati rin si Marta, kung gaano kadakila ang Diyos kapag mananalig siya sa Kanya (Juan 11, 40).
Sa totoo lamang, hindi natin masisisi sina Santa Marta at Santa Maria, ang dalawang kapatid na babae ni San Lazaro, sa kanilang paglabas ng kanilang sama ng loob at mga hinanakit sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ipinarating nila sa Kanya ang balita tungkol sa masamang kalagayan ni San Lazaro. Kung tutuusin, isa lamang ang ibig sabihin ng balitang iyon, naghihingalo si San Lazaro. Subalit, dumating ang Poong Jesus Nazareno apat na araw makalipas ang pagpanaw ni San Lazaro. Nakalibing na noon si San Lazaro noong dumating ang Panginoong Jesus Nazareno. Bakit nga ba ito ang ipinasiyang gawin ng Panginoong Jesus Nazareno?
Dumating ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Betania apat na araw makalipas ang pagpanaw ni San Lazaro upang ipahayag ang kadakilaan ng Diyos. Ilang ulit Niya itong isinalungguhit sa Ebanghelyo. Sa pagpapahayag ng kadakilaan ng Diyos sa pamamagitan ng kahanga-hangang milagrong ito, ipinasilip Niya ang pinakadakilang gawa na magsisilbing pinakadakilang tanda o sagisag ng kadakilaan ng Diyos. Ito ay walang iba kundi ang Kanyang Misteryo Paskwal, ang Kanyang kamatayan sa Krus at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan nito, mahahayag ang kadakilaan ng Diyos.
Sa Unang Pagbasa, inutusan ng Diyos si Propeta Ezekiel na magsalita sa Kanyang bayan tungkol sa isang kahanga-hangang gawa na gagawin Niya para sa kanila. Ang pinakadakilang gawang ito ay ang pagbibigay ng buhay sa kanila. Ibubukas ng Diyos ang kanilang mga libingan at bibigyan sila ng bagong buhay. Bagong buhay sa labas ng libingan na sumasagisag sa pagkaalipin sa kasamaan at kasalanan. Tanging ang Diyos ang maghahatid ng kaligtasan at kalayaan sa kanila. Sa gawang ito ng Diyos na tunay nga namang kahanga-hanga nakasentro ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Isinalungguhit ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral na ito kung paanong biniyayaan tayo ng Diyos ng pagkakataong maging banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Katulad ng nasasaad sa Salmo Responsoryo para sa Linggong ito, mayroong pag-ibig at pagtubos sa piling ng Diyos (Salmo 129, 9).
Bagamat hindi tayo karapat-dapat dahil sa ating mga kasalanan, niloob ng Diyos na ipamalas sa atin ang Kanyang kadakilaan sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang kadakilaang ito ng Diyos ay naghatid sa atin ng kaligtasan at kalayaan mula sa kasamaan, kasalanan, kaalipinan, at kamatayan. Dahil sa kahanga-hangang gawang ito ng Diyos, mayroon tayong kalayaang mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento