PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA
IKALAWANG HAPIS: Ang Pagtakas sa Ehipto (Mateo 2, 13-15)
This faithful photographic reproduction of the painting, The Flight into Egypt (c. 1700), as well as the work of art itself from the Yale University Art Gallery, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Hindi maipagkakaila kung gaano kasikat ang mga Koreanong awitin sa kasalukuyang panahon. Tiyak na makakarinig ng dalawa o tatlong Koreanong awitin araw-araw ang mga nakikinig sa iba't ibang mga istasyon sa radyo. Sa panahong ito, tiyak na hindi tayo makakatakas mula sa mga Koreanong awitin. Hindi makapagtataka kung mas pamilyar ang marami sa atin sa mga Koreanong awitin kaysa sa mga awitin sa sarili nating wika. Wala namang mali doon, sa totoo lamang. Ang mga Koreanong awitin ay maganda naman talaga.
Isa sa mga Koreanong awiting nakatawag ng pansin sa inyong abang lingkod ay ang awiting pinamagatang Villain na inawit ni Stella Jang. Tiyak na madaling matatatak sa mga isipan ng mga makikinig sa nasabing awitin ang mga titik ng koro nito: "I'm a villain, what makes you think otherwise? You don't know what a bad very little devil I am. So what? You're a villain, what makes you think otherwise? The little devil that you didn't know is breathing as you breathe, inside..." (Tagalog: Isa akong kontrabida, ano'ng akala mo? Hindi mo alam kung gaano ako kasama. Ano ngayon? Isa ka ring kontrabida, ano'ng akala mo? Humihinga sa kaloob-looban mo ang demonyong hindi mo napansin). Isinasalungguhit ng awiting ito na mayroong inililihim na kasamaan ang bawat tao. Tila, ipinapaalala ng awiting ito na huwag maakit at mahulog ang loob para sa isang taong hindi mo kilala.
Maaari nating sabihing ito ang ideya ng mga salitang ito sa koro ng nasabing awitin ay pumasok sa isipan ni Haring Herodes. Sa mata ni Haring Herodes, ang Panginoong Jesus Nazareno ay isang kontrabida. Katunayan, hindi lamang Siya isang kontrabida para kay Haring Herodes. Bagkus, isa Siyang napakalaking banta o panganib para sa kanya na nais manatili sa trono bilang hari habambuhay. Kung si Jesus Nazareno ay isang biyaya mula sa Diyos para sa Mahal na Inang si Mariang Birhen at San Jose, isa Siyang masamang kontrabida para kay Haring Herodes. Ito ang tanging dahilan kung bakit binalak ni Herodes na patayin ang Poong Jesus Nazareno, kahit na kararating pa lamang Niya sa mundong ito bilang Banal na Sanggol na isinilang ni Maria.
Dahil dito, ang pagtakas sa Ehipto ay ang ikalawang hapis ng Mahal na Birhen. Ang pangunahing dahilan ng pagtakas ng Banal na Pamilya patungong Ehipto ay walang iba kundi ang pagiging sakim ni Haring Herodes. Dahil sa kanyang pagiging sakim at gahaman, naging baluktot ang pananaw ni Haring Herodes tungkol sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa halip na makita si Jesus Nazareno bilang salamin at larawan ng pag-ibig, habag, at kagandahang-loob ng Diyos, ang tingin sa Kanya ni Haring Herodes ay kontrabida. Ito ay nagdulot ng matinding hapis at dalamhati sa Mahal na Inang si Mariang Birhen.
Tanggap ni Haring Herodes na isa siyang masamang kontrabida. Subalit, ito rin ang dahilan kung bakit ang tingin niya kay Jesus Nazareno ay isang kapwa kontrabida na walang ibang hangad kundi agawin ang kanyang kapangyarihan bilang hari. Masama o kontrabida laban sa kapwa masama o kontrabida. Ito ang baluktot na pananaw ni Haring Herodes. Para kay Haring Herodes, hindi biyaya si Jesus Nazareno kundi isang kontrabidang sakim at gahaman katulad niya.
Nakakalungkot, kung sino pa yaong nagmamagandang-loob at nagliligtas ng lahat ng tao sa mundo, Siya pa yung masama. Baluktot ang pag-iisip na ito. Iyon nga lamang, kahit sa kasalukuyang panahon, mayroon pa ring mga taong ginagawang modelo si Haring Herodes sa pagbuo ng mga ganitong pananaw. Nakakalungkot.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento