Miyerkules, Marso 22, 2023

KASAMA SA MGA MADIDILIM NA SANDALI SA BUHAY

PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO 
IKAAPAT NA WIKA (Mateo 27, 46; Marcos 15, 34): 
"Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?" 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1600) Crucified Christ by Orazio Borgianni  (1574–1616), as well as the actual work of art itself from Museo de Cádiz, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin and in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Nang mapagtanto ni Lelouch vi Britannia ang katotohanang buhay ang kanyang mga magulang na sina Charles vi Britannia at Marianne vi Britannia upang isakatuparan ang kanilang planong lumikha ng isang panibagong mundo sa yugto bago ang huling yugto sa ikalawa't huling kabanata ng seryeng Code Geass: Lelouch of the Rebellion, inihayag ni Lelouch ang kanyang galit, pagtakwil, at pagtutol sa kanilang plano, lalo't higit ay sinubukan pa nga nilang bigyan ng katuwiran ang ginawa nilang pag-iwan at pagpapabaya sa kanilang dalawa ng kapatid niyang si Nunnally noong mga bata pa sila. Habang inihahayag ni Lelouch ang kanyang nais na magkaroon ng isang mundo kung saan may pagkakataong ang bawat tao lumikha ng isang magandang bukas, si Lelouch ay hindi nagdalawang-isip na ihayag nang malakas sa mga magulang niya tungkol sa kanyang galit para sa kanila dahil hindi sila nag-atubiling pabayaan nilang dalawa sina Lelouch at Nunnally noong mga bata pa sila. 

Hindi biro ang pakiramdam ng pinabayaan. Ang pakiramdam ng pinabayaan ay mag-isa ka lamang na humaharap sa mga pagsubok sa buhay na walang karamay. Oo, mayroon tayong mga kani-kanilang mga problema o pagsubok na hinaharap sa ating buhay dito sa mundo na pansamantala lamang, subalit bilang tao, naghahangad tayo ng mga karamay at kasama upang maibsan nang kahit kaunti man lamang ang mga sakit at hapdi dulot ng mga tiisin at pagsubok sa buhay. 

Ilan lamang sa mga problema o pagsubok na ito sa kasalukuyang panahon na tiyak na hindi pa umaalis sa isipan ng bawat tao ay ang pandemiyang COVID-19. Tiyak na batid ng mga nagkaroon ng COVID-19 ang pakiramdam ng tila pinabayaan na sila ng lahat dahil wala silang karamay o kasama. Oo, mayroon namang mga makabagong teknolohiya katulad na lamang ng mga telepono upang magamit ng marami nang sa gayon ay makausap nila ang kanilang mga magulang mula sa malayo, subalit iba pa rin ang pakiramdam ng pakikipaghalubilo sa ibang tao. Iyon nga lamang, ang mga nagkaroon ng sakit na ito ay hindi maaaring makaalis mula sa kanilang mga bahay o kaya kuwarto kung saan man sila hangga't hindi sila gumagaling. 

Sa paglipas ng bawat araw na hindi pa gumagaling ang isang tao mula sa sakit na ito, tila mapapatanong na lamang ang mga tinamaan ng nasabing sakit kung hanggang kailan pa ba nila ito titiisin o kaya naman kung gagaling pa nga ba sila. Kung tutuusin, hindi malayo sa posibilidad ang pagsisimula ng kanilang pagtatanong sa Panginoong Diyos kung bakit nangyari ito sa kanila at kung bakit hindi nila maramdaman sa mga oras at sandaling iyon ang Kanyang presensya. Mayroon nga ring ilang nagsisimulang manumbat sa Diyos habang tumatagal ang panahong kinakailangan nilang mapag-isa dahil sa nasabing sakit. Bakit ito nangyari sa kanila? Nasaan ang Diyos? 

Tiyak na tagos sa puso at isipan ng maraming taong nagbibitbit at humaharap sa maraming mga pagsubok at pasanin sa buhay, katulad na lamang ng COVID-19 at iba pang mga sakit katulad noon, ang Ikaapat na Wikang binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno mula sa Banal na Krus sa bundok ng Kalbaryo. Ito ay ang pinakamarubdob o pinakamadamdaming wikang binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno. Malapit ito sa karanasan ng maraming tao araw-araw. Sa wikang ito, pinatunayan ng Poong Jesus Nazareno na naging tunay Siyang tao. Bagamat Siya'y Diyos, kusang-loob na ipinasiya Niyang maging tao at maranasan ang lahat ng kanilang mga naranasan sa buhay dito sa lupa. Nang bigkasin ni Jesus Nazareno ang wikang ito mula sa Banal na Krus, naranasan Niya ang pakiramdam ng pagkakaroon ng walang karamay sa mga hirap, sakit, dalamhati, lumbay, at hapis sa buhay. 

Ang Ikaapat na Wikang binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno ay ang mga unang salita ng Salmo 22. Sa unang tingin o basa, mukha itong panunumbat sa Diyos dahil tila hindi na maramdaman ang Kanyang pagdamay at presensya sa mga sandali ng mga madidilim at matitinding pagsubok sa buhay dito sa mundong ito. Kung kailan kinailangan ang Diyos, saka pa Siya hindi magpapakita o magpaparamdam. Subalit, hindi ito isang panunumbat sa Diyos. Bagkus, isa itong taos-pusong panalangin at pakiusap sa Panginoong Diyos na tulungan ang Kanyang mga lingkod sapagkat Siya lamang ang tunay at tanging makakatulong sa Kanyang mga tapat na lingkod na hindi nagsasawang manalig, sumunod, at tumalima sa Kanya na pagtagumpayan ang iba't ibang mga pagsubok sa buhay dito sa mundong ito. 

Dinanas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga huling sandali ng Kanyang buhay sa Krus ang pinakamadilim at pinakamasakit na karanasan ng lahat ng tao dito sa mundong ito. Hindi lamang ang pinakamasakit na uri ng kamatayan na walang iba kundi ang pagkamatay sa krus kundi pati na rin ang pinakamasakit na karanasan ng pagiging mapag-isa sa mga sandali ng matitinding kadiliman at pagsubok sa buhay. Niloob ng Poong Nazareno itong mangyari sa Kanya upang ituro sa atin kung sino lamang ang tanging makakatulong sa atin na magtagumpay - ang Diyos. Hindi Niya tayo iiwanan at pababayaan. Lagi tayong tutulungan, sasamahan, at dadamayan ng butihing Diyos na tunay tayong iniibig at kinahahabagan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento