PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO
IKAANIM NA WIKA (Juan 19, 30):
"Naganap na!"
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1680) Calvário, which is attributed to Bento Coelho da Silveira (1617–1708), as well as the actual work of art itself from the Museu de São Roque, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Maraming mga maaksyong pelikula, serye, anime, at manga ang naglalarawan ng pakiramdam ng mga taong nagwawagi matapos ang isang matinding labanan kung saan nakasalalay ang tadhana ng isang bansa o kaya naman ang buong mundo. Isang halimbawa nito ay inilarawan sa ikalawang yugto ng isa sa mga masisikat na manga na binigyan ng isang adapsyong anime at adapsyong pelikula na walang iba kundi ang Rurouni Kenshin (Samurai X). Matapos ang isang napakatinding sagupaan laban kay Shishio Makoto, marami ang nagsaya dahil ang nanalo sa nasabing laban ay walang iba kundi ang bidang si Himura Kenshin. Bagamat pagod na pagod na si Kenshin sa mga sandaling iyon dahil sa tindi at hirap ng labang iyon, masaya siya sapagkat nagbunga ang kanyang mga paghihirap sa pagsasanay at paghahanda upang makamit ang tagumpay laban kay Shishio para sa ikatatahimik at ikapapayapa ng kanyang mga mahal sa buhay at kaibigan at pati na rin ng mga kababayan niya.
Ang Ikaanim na Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno mula sa Krus ay Kanyang binigkas sa isang kakaibang sandali. Kung susundin natin ang pananaw at lohika ng tao, ang mga pahayag katulad na lamang ng wikang ito ng Poong Jesus Nazareno ay hindi sasabihin ninuman kapag iniligay nila ang kanilang mga sarili sa kalagayan ng Mahal na Poon nang bigkasin Niya nang malakas ang wikang ito. Ang wikang ito ay binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa sandali ng matinding pagdurusa, dilim, hapis, at dalamhati. Tila hindi nararapat bigkasin ang mga ganitong pahayag sa mga sandaling iyon. Maaaring sabihin ng ilan na hindi binasa nang maigi ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang paligid nang bigkasin Niya ito. Bakit Niya ito sinabi nang malakas sa gitna ng mga pagdurusa, hapis, at dalamhati? Para kasing wala ito sa lugar at oras.
Wala nga ba sa lugar o sa oras ang Ikaanim na Wika ni Kristo mula sa Krus? Sa unang tingin, oo. Kung gagamitin natin ang pag-iisip at lohika ng tao, oo, wala ito sa tamang lugar at oras. Subalit, huwag nating kakalimutang ang pag-iisip at lohika ng Diyos ay hindi katulad ng pag-iisip at lohika ng tao. Ang Diyos na rin ang nagsabi: "Ang Aking isipa'y 'di ninyo isipan, at magkaiba ang ating daan. Kung paanong ang langit [ay] higit na mataas, mataas sa lupa, ang daa't isip Ko'y hindi maaabot ng inyong akala" (Isaias 55, 8-9). Maaaring isipin ng mundo na tuluyan na'ng naging hibang ang Panginoong Jesus Nazareno sa mga sandaling yaon, subalit sa pananaw ng Diyos, ang Kanyang ginawang pagpapahayag ng mga katagang ito ay nararapat lamang gawin.
Sa pananaw ng mundo, ang pagbigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ng wikang ito habang naghihingalo at unti-unting binabawian ng buhay sa Krus sa bundok ng Kalbaryo ay isang napakalaking kabalintunaan. Hindi ito gagawin ninuman kapag sila mismo ang nasa kalagayan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa sandaling binigkas Niya nang malakas at buong tiwala mula sa Banal na Krus ang wikang ito. Mayroon pa ngang ilang mag-aakalang nahihibang o nasisiraan na ng bait si Jesus Nazareno dahil nasabi Niya ito. Subalit, sa pananaw ng Panginoon at sa pananaw nating mga bumubuo sa Kanyang Simbahan, isa itong pahayag ng tagumpay. Bagamat puno ng hapis, dalamhati, at pagdurusang tunay ngang napakatindi sa mga sandaling yaon, ang Panginoong Jesus Nazareno ay nagpahayag ng Kanyang tagumpay.
Bakit Niya ipinasiyang kamtin ang tagumpay sa ganitong pamamaraan? Dahil tunay ang Kanyang pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob para sa atin. Kusang-loob na ipinasiya Niyang harapin, tiisin, at batain ang lahat ng mga hirap, sakit, pagdurusa, kawalan ng katarungan, paglilibak, hapis, at dalamhati alang-alang sa atin. Ito ang patunay na tunay Niya tayong iniibig at kinahahabagan. Alang-alang sa ating lahat na tunay Niyang iniibig at kinahahabagan, kinamit ni Jesus Nazareno ang tagumpay sa ganitong paraan, gaano man kahirap at kasakit ang pamamaraang ito. Kaya naman, malakas Niyang ipinahayag ang wikang ito sa gitna ng hapis at dalamhati.
Hindi wala sa tamang lugar at oras ang pagbigkas ng Panginoong Jesus Nazareno ng wikang ito. Bagkus, ito ang tamang lugar at oras upang ipahayag ito sapagkat ito ay isang pahayag para sa mga tunay Niyang minamahal. Ang nasa likod ng wikang ito ay pag-ibig at habag na tunay nga namang wagas at dakila. Binata ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang lahat ng mga hirap, sakit, pagdurusa, hapis, at dalamhati upang makamit Niya ang tagumpay at kaligtasan para sa ating lahat.
Kapag tumingin tayo sa mga Krusipiho, huwag nating kakalimutan ang wikang ito na binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno. Ang wikang ito ay isang buod ng tanging dahilan kung bakit Niya ipinasiyang ihandog ang Kanyang sarili sa Banal na Krus na pinasan Niya mula sa pretoryo sa Herusalem patungo sa bundok ng Kalbaryo. Dugo at pawis ang ibinuhos at ibinigay ng Panginoong Jesus Nazareno sa mga nalalabing sandali ng Kanyang buhay at misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Isa lamang ang dahilan nito - tunay Niya tayong minamahal.
Lagi nating tatandaang tunay tayong minamahal at kinahahabagan ng Diyos. Ito ay pinatunayan ni Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, sa mga huling sandali ng Kanyang buhay at misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ang lahat ng mga matitinding hirap, sakit, pagdurusa, lungkot, hapis, at dalamhating nakaakibat o nakadikit sa Kanyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob sa sangkatauhan ng Diyos ay kusang-loob Niyang tiniis at binata alang-alang sa atin. Ang Kanyang Ikaanim na Wika mula sa Krus ay isang naaangkop na buod nito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento