Martes, Marso 14, 2023

ANG YAPAK AT HALIMBAWA NI JESUS NAZARENO

1 Abril 2023 
Paggunita kay San Pedro Calungsod, martir 
Sabado sa Ikalimang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay 
Ezekiel 37, 21-28/Jeremias 31/Juan 11, 45-56 

This faithful photographic reproduction of the painting Ecce Homo (c. Between 1626 and 1667) by Gerard de la Vallee, as well as the actual work of art itself, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Kapag ang petsang inilaan para sa Paggunita kay San Pedro Calungsod ay tumapat sa araw ng Linggo o kaya naman sa isa sa mga araw ng mga Mahal na Araw o kaya naman sa isa sa mga araw sa Oktaba o Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, ang nasabing pagdiriwang ay inililipat ng Simbahan sa Sabado bago ang mga Mahal na Araw o Semana Santa, ang Sabado sa Ikalimang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Muling Pagkabuhay o Kuwaresma. Ito ay dahil noong bisperas ng Linggo ng Palaspas namatay bilang martir ng Simbahan ang Ikalawang Pilipinong Santo na si San Pedro Calungsod. 

Ang dating misyonero at katekista ng Simbahan ay kasalukuyang itinatampok at pinararangalan dahil sa kanyang kagitingan bilang isang martir. Sa bawat sandali ng kanyang buhay dito sa mundong ito, lalung-lalo na sa mga huling sandali nito, lagi niyang pinagsikapang sundin ang mga yapak at halimbawa ng Poong Nazareno. Wala siyang ibang hinangad kundi sundin ang mga yapak at halimbawa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno upang sa pamamagitan ng kanyang munting pagsunod sa Kanyang mga yapak, halimbawa, turo, at mga utos ay mabigyan niya ng higit na parangal at luwalhati ang Kabanal-Banalang Ngalan ng Poong Señor. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos na muli Niyang titipunin ang mga Israelita upang muli silang pagkaisahin. Hindi ito magiging katulad ng pagkakaisa ng mga magnanakaw, mamamatay-tao, sinungaling, sakim, at gahaman na pansariling kapakanan at layunin lamang ang paiiralin. Bagkus, ang pagkakaisang ito na idudulot ng Panginoong Diyos ay magdudulot ng tunay na katarungan, kapayapaan, pag-ibig, habag, kabutihan, at kagandahang-loob. Ito rin ay inilalarawan sa Salmong Tugunan para sa araw na ito. Kakalingain at papatnubayan ng Diyos ang Kanyang kawan. Sa Ebanghelyo, inilarawan ang maitim at masamang balak ng Sanedrin sa pamumuno ni Caifas laban sa Poong Jesus Nazareno. Subalit, bagamat ang balak nila laban kay Jesus Nazareno ay napakasama, niloob pa rin ito ng Diyos na mangyari at matupad upang sa pamamagitan nito'y magkatipon muli ang kawan ng Diyos na nagkawatak-watak. Mula sa masasama, may mabubuting pasisibulin ang Diyos. 

Hindi binura o inalis ni San Pedro Calungsod mula sa kanyang isipan at puso ang larawang itinatampok sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Ito ay lagi niyang iningatan, pinagnilayan, at pinagsikapang isabuhay hanggang sa huling sandali nito. Nagawa niya itong isabuhay, lalung-lalo na noong pinatay siya bilang martir. Dahil dito, siya'y itinatampok bilang isang huwaran para sa ating lahat sa Simbahan. 

Tinuturuan tayo ni San Pedro Calungsod na maging banal. Sundin ang mga yapak at halimbawa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Gagawin rin ba natin ito? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento