PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO
IKALAWANG WIKA (Lucas 23, 43):
"Sinasabi Ko sa iyo: Ngayon di'y isasama Kita sa Paraiso."
This faithful photographic reproduction of the painting by Titian (1490-1576), Christ and the Good Thief (c. 1566), as well as the actual work of art itself from Pinacoteca Nazionale di Bologna, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin and in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Ang Ikalawang Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno mula sa Krus ay Kanyang binigkas sa isang taong hindi karapat-dapat sa pag-ibig, habag, at kagandahang-loob ng Diyos. Binigkas ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa isa sa dalawang salaring ipinakong kasama Niya sa bundok ng Kalbaryo na kilala sa tradisyon bilang si Dimas. Habang naghihingalo rin sa krus kasama ng Poong Jesus Nazareno na nakapako sa gitna ng bundok, ipinasiya ni Dimas na magpakita ng kababaang-loob at taos-pusong mag-hingi ng habag at awa mula sa Diyos. Ito ay dahil naaakit Siya sa maamong Kordero ng Diyos na ipinako sa gitna nilang dalawa ni Hestas na si Jesus Nazareno.
Hindi kinapalan ni Dimas ang kanyang mukha sa harap ni Kristo. Iba siya sa isa pang salaring ipinakong kasama ng Mahal na Poon na kilala sa tradisyon bilang si Hestas na kahit sa mga huling sandali ng kanyang buhay sa mundo ay nagpakita pa rin ng kakapalan ng mukha. Bagamat isa rin siyang makasalanan katulad ni Dimas, pinili pa rin ni Hestas na patigasin ang kanyang puso at pairalin ang kanyang kakapalan ng mukha. Nasa harap na nga niya ang habag at awa ng Diyos na nagkatawang-tao sa pamamagitan ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Tapos, pinili pa rin niyang ipakita kung gaano kakapal o kagaspang ang kanyang mukha. Sinayang lamang niya ang pagkakataong maligtas at makapiling si Jesus Nazareno.
Mabuti pa si Dimas. Kinikilala ang kanyang pagiging makasalanan. Inamin pa nga niya ito sa mga huling sandali ng kanyang buhay. Batid niyang walang patutunguhan ang pagpapairal ng kakapalan ng mukha sa harap ng Panginoong Jesus Nazareno. Kaya, sa halip na kapalan ang kanyang mukha, humingi siya ng habag at awa. Ang tugon ni Jesus Nazareno sa kababaang-loob at pagsusumamo ng salaring nagtika na si Dimas ay walang iba kundi ang buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit, ang tunay at walang hanggang Paraiso. Ipinasiya ni Dimas na gamitin at ilaan ang mga huling sandali ng kanyang buhay sa lupa sa pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Ginantimpalaan at pinagpala siya ng Diyos bilang tugon sa kanyang pasiyang ito.
Walang lugar para sa mga makakapal ang mukha sa kaharian ng Panginoong Diyos sa langit. Kung paiiralin natin ang katigasan ng puso at ang pagiging magaspang at makapal ang mukha sa harap ng Panginoon, wala tayong patutunguhan. Para na rin nating sinasabi sa Diyos na hindi natin tinatanggap ang biyaya ng Kanyang pag-asa, pag-ibig, habag, kagandahang-loob, at pagliligtas kapag ating pinairal ang pagiging garapal at makapal ang mukha.
Sa pamamagitan ng wikang ito, tinuturan tayo ng Panginoong Jesus Nazareno kung paano tayo makakapasok sa langit. Huwag pairalin ang pagiging garapal at makapal ang mukha. Bagkus, dapat tayong mamuhay nang kababaang-loob at pananalig sa Diyos. Ang mga namumuhay nang may kababaang-loob at pananalig sa Maykapal ay laging nagpapasiyang tanggapin at gamitin ang bawat pagkakataong kaloob Niya sa tanan upang pagsisihan at talikuran ang kasalanan at maging banal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento