10 Abril 2023
Lunes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 2, 14. 22-33/Salmo 15/Mateo 28, 8-15
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1616) Christ appears as a gardener to the three Marys by Jacob Jordaens (1593–1678), as well as the actual work of art itself from the Gemäldegalerie in Berlin, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Ang halaga ng maluwalhating Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno ay muling isinalungguhit at binigyan ng pansin sa mga Pagbasa para sa araw na ito. May kabuluhan ang lahat ng ating mga ginagawa bilang mga Kristiyano sapagkat si Jesus Nazareno ay tunay ngang nabuhay na mag-uli. Gaya ng sabi ni Apostol San Pablo sa isa sa kanyang mga pangaral: "Walang kabuluhan ang ating pananampalataya kung hindi muling nabuhay si Kristo" (1 Corinto 15, 14). Ito ang natatanging dahilan kung bakit buong sigasig at kagitingang nangaral ang mga apostol, katulad na lamang ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa, tungkol sa pagkakilanlan ni Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng tanan. Bagamat ipinagpipilit ng mga kaaway ng Poong Jesus Nazareno na ninakaw lamang ang Kanyang bangkay at hindi Siya nabuhay na mag-uli, tulad na lamang ng ipinahihiwatig sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo na nagsalaysay ng palihim nilang pakikipagpulong at pakikipagsabwatan sa mga kawal na nagbabantay sa libingan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno kung saan binuo nila ang pekeng balitang ninakaw lamang ng mga apostol ang Kanyang bangkay noong madilim-dilim pa sa nasabing gabi, buong paninindigan, kagitingan, sigasig, at pananalig sa Diyos na ipinangaral ng Simbahan mula noon hanggang ngayon na si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, ay tunay ngang nabuhay na mag-uli.
Sa unang bahagi ng Ebanghelyo para sa araw na ito, nakasalubong ng mga babaeng pumunta sa libingan ang Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno. Habang naglalakad sila pabalik sa kinaroroonan ng mga apostol upang ibalita sa kanila na si Jesus Nazareno ay nabuhay na mag-uli, gaya ng sabi ng anghel na nagbabantay sa libingan, si Jesus Nazareno na Muling Nabuhay ay mismong nagpakita sa kanila. Ang ginawang pagpapakita ng Panginoong Jesus Nazareno na Muling Nabuhay sa mga babaeng banal sa daang pauwi ang nagbigay sa kanila ng lakas ng loob at katiyakang hindi kasinungalingan ang kanilang ibabalita sa mga apostol. Gaya ng nasasaad sa unang bahagi ng salaysay sa Ebanghelyo, magkahalong takot at galak ang laman ng mga puso ng mga babaeng pumunta sa banal na libingan. Subalit, nang magpakita sa kanila si Kristong Muling Nabuhay, napawi ang lahat ng kanilang mga takot na dala-dala nila sa kanilang mga puso at loobin at tuluyan itong pinalitan ng galak at tuwang tunay dahil na rin mismo sa Mahal na Poon.
Dahil nabuhay na mag-uli ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, mayroong saysay ang ating pananampalataya bilang mga bumubuo sa Kanyang tunay na Simbahan. Sa pamamagitan ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay na magkaugnay, iniligtas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang sangkatauhan. Ito ang bukod-tanging dahilan kung bakit mayroong Simbahan at kung bakit buong kagitingan tayong nananalig at sumasampalataya sa Kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento