11 Abril 2023
Martes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 2, 36-41/Salmo 32/Juan 20, 11-18
This faithful photographic reproduction of the painting Noli Me Tangere by Giuseppe Cesari (1568–1640), as well as the actual work of art itself courtesy of Sotheby's, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 70 years or fewer due to its age.
Sa Ebanghelyo para sa araw na ito, itinampok ang pagpapakita ni Jesus Nazareno na nabuhay na mag-uli kay Santa Maria Magdalena. Umiiyak si Maria Magdalena dahil hindi niya matagpuan sa libingan ang bangkay ng Mahal na Poon. Hindi pa batid ni Maria Magdalena sa mga sandaling yaon na si Kristo ay nabuhay na mag-uli. Dahil dito, inakala niyang patay pa rin ang Poong Jesus Nazareno. Ang kanyang hangarin ay tunay ngang taos-puso at sinsero. Nais niyang makita ang bangkay ng Panginoong Jesus Nazareno upang maipahayag niya ang kanyang pag-ibig para sa Poon, kahit na patay na Siya. Tunay nga niyang hinangad na makita si Jesus Nazareno, patay man o buhay ang Panginoon.
Batid ng Panginoong Jesus Nazareno ang hangarin ni Santa Maria Magdalena. Kaya naman, pinagbigyan Niya si Santa Maria Magdalena. Siya mismo ang nagpatunay sa katotohanang tunay nga Siyang nabuhay na mag-uli. Ang bangkay ng Mahal na Poon ay hindi ninakaw ninuman. Walang naganap na pagnanakaw. Si Jesus Nazareno ay tunay ngang nabuhay na mag-uli. Bagamat noong una, nagmukhang hardinero ang Panginoong Jesus Nazareno na Muling Nabuhay, Siya nga talaga iyon. Sa sandaling yaon, pinawi ng Panginoong Jesus Nazareno ang hapis, dalamhati, at lumbay ni Santa Maria Magdalena. Ang hapis, dalamhati, at lumbay na dala ni Magdalena sa kanyang loobin at puso ay pinalitan ng galak dahil kay Jesus Nazareno na nabuhay na mag-uli, gaya ng Kanyang ipinangako.
Katulad ng Kanyang ginawa para kay Santa Maria Magdalena sa Ebanghelyo, tayo rin ay laging binibigyan ng Poong Jesus Nazareno na Muling Nabuhay ng pagkakataong maging mga banal na puspos ng galak na Kanyang kaloob. Binibigyan Niya tayo ng pagkakataong makita Siya magpakailanman sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit. Makakamit natin ito kung susundin natin ang itinuro ni Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa na patuloy pa ring ipinapangaral ng Simbahan sa kasalukuyan. Bilang mga binyagan, dapat nating pagsisihan at talikdan ang ating mga kasalanan upang ating matanggap ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos. Kung paano tayo nilinis mula sa dungis ng kasalanang mana noong bininyagan tayo, hayaan nating paulit-ulit tayong linisin at dalisayin ng Panginoon upang maging mga banal at kalugud-lugod tayo sa Kanyang paningin. Kapag ito ang ating ginawa, pinapatunayan natin ang ating taos-pusong pagtanggap sa pagkakataong ibinibigay sa atin ng Panginoong Diyos upang tanggapin ang ating bagong buhay at pagkakilanlan bilang mga kapanig ni Kristo. Ito ang biyayang laging ipinagkakaloob sa atin ng Panginoong Jesus Nazareno na Muling Nabuhay. Lagi Niya itong ginagawa dahil sa Kanyang awa, pag-ibig, at habag, gaya ng inilalarawan sa Salmo para sa araw na ito.
Dahil sa awa, pag-ibig, at habag ng Diyos, ipinasiya Niyang kamtin ang tagumpay sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno na Muling Nabuhay. Sa pamamagitan ng tagumpay na ito na inihayag ng Banal na Krus at Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno na Muling Nabuhay, tayong lahat ay binigyan Niya ng pagkakataong tanggapin nang buong galak at pananalig ang biyaya ng bagong buhay bilang mga Kristiyanong bahagi ng pamilya ng Diyos. Tinatanggap rin natin sa pamamagitan nito ang paaanyaya ng Diyos na makapiling Siya sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit magpakailanman kapag nagwakas ang ating buhay sa mundong ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento