Miyerkules, Abril 12, 2023

ANG PANGINOON IYON!

14 Abril 2023 
Biyernes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 4, 1-12/Salmo 117/Juan 21, 1-14 

This photo is from a collection of illustrations from Arabs for Christ courtesy of FreeBibleimages (https://www.freebibleimages.org/) and is made available under a Creative Commons Attribution-ShareAlike 3.0 Unported (CC BY-SA 3.0) license. 

Isa sa mga salitang binigkas ng isa sa mga alagad ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na hindi malilimutan kailan pa man ay inilahad sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito sa loob ng Oktaba o Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Ang mga salitang iyon ay walang iba kundi ang mga salitang binigkas ng minamahal na alagad na si Apostol San Juan: "Ang Panginoon iyon!" (Juan 21, 7). Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ipinakilala kung sino ang tumulong sa kanila na magkaroon ng maraming huli ng isda sa Lawa ng Tiberias. Isa lamang ang tumulong sa mga apostol na makahuli ng maraming isda sa Lawa ng Tiberias: ang Poong Jesus Nazareno na Muling Nabuhay. Muling pinatunayan ni Jesus Nazareno sa mga apostol na tunay nga Siyang nabuhay na mag-uli. Tinulungan Niya muli ang mga apostol na makahuli ng maraming isda, katulad ng Kanyang ginawa para sa kanila noong una Niya silang nakilala, tinawag, at hinirang (Lucas 5, 1-11). 

Patuloy na itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin sa misteryo ng dakilang tagumpay ng Diyos na nahayag sa pamamagitan ng kahanga-hangang Krus na Banal at ang maluwalhating Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang dalawang ito ay hindi mapaghihiwalay. Malaki ang ugnayan ng dalawang ito. Kung walang Krus, walang Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan ng dalawang ito, inihayag ng Poong Jesus Nazareno sa sangkatauhan ang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng tagumpay at kaligtasan. 

Nakita ng mga apostol ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa pampang, subalit hindi nila Siya nakilala. Ang Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno ay kanilang nakilala matapos ang mapaghimalang huli ng isda. Hindi sila nakahuli ng kahit isang isda noong sila lamang ang buong magdamag na dumidiskarte sa lawang yaon. Nang ipinasiya nilang sundin ang iniutos sa kanila ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, saka pa lamang sila nakahuli ng maraming isda. Ang minamahal na alagad na si Apostol San Juan ay ang unang alagad na nakakilala sa Panginoong Jesus Nazareno matapos ang milagrosong huli ng maraming isda sa Tiberias. 

Bukod sa pagiging mga salita na nagpapakilala sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, ang mga salitang ito na binigkas ni Apostol San Juan sa Ebanghelyo ay isang pahayag tungkol sa mga dakilang gawa ng Panginoong Diyos. Tila, binibigyan tayo ng paliwanag ni Apostol San Juan tungkol sa lahat ng mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na nagaganap sa ating paligid. Maraming mga mabubuting bagay na hindi natin kayang ipaliwanag gamit ang agham o batas ng mundo. Ang tawag natin sa mga bagay na iyon ay mga kababalaghan, himala, o milagro. 

Dahil dito, buong giting at sigasig na inihayag nina Apostol San Pedro at San Juan sa harap ng Sanedrin sa Unang Pagbasa na si Jesus Nazareno mismo ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na tunay ngang nabuhay na mag-uli matapos nila Siyang ipapatay sa pamamagitan ng pagpako sa Kanya sa kahoy ng Krus na Banal sa bundok na tinatawag na Golgota o Kalbaryo. Muli nilang ipinahayag na nakalakad ang lalaking lumpo mula pagkasilang dahil sa kapangyarihan ng Panginoong Jesus Nazareno. Ang himalang iyon ay isa lamang patunay na tunay nga namang nabuhay na mag-uli si Jesus Nazareno, katulad ng Kanyang ginawa para sa kanila sa Ebanghelyo. 

Tunay ngang nabuhay na mag-uli ang Panginoong Jesus Nazareno. Mula sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit, patuloy Siyang kumikilos alang-alang sa atin nang sa gayon ay makilala Siya ng lahat bilang tunay na Diyos na buhay. Buong lakas, galak, at pananalig nawa nating bigkasin ang mga salitang binigkas ni Apostol San Juan sa Ebanghelyo: "Ang Panginoon iyon!" Ang Panginoong Jesus Nazareno mismo ay ang tunay na Mesiyas at Manunubos na mapagmahal at mahabagin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento