Martes, Abril 11, 2023

PATUNAY NG KANYANG MULING PAGKABUHAY

13 Abril 2023 
Huwebes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 3, 11-26/Salmo 8/Lucas 24, 35-48 

This photo is from a collection of photos from Sweet Publishing courtesy of FreeBibleimages (https://www.freebibleimages.org/which is available under a Creative Commons Attribution-ShareAlike 3.0 Unported (CC BY-SA 3.0) license.

Patuloy na sinasaliksik at pinagninilayan ng Simbahan sa araw na ito ang misteryo ng dakilang tagumpay ng Diyos na Kanyang inihayag sa pamamagitan ng Krus na Banal at ang Muling Pagkabuhay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, kusang-loob na ipinagkaloob ng Diyos sa tanan ang biyaya ng Kanyang pagliligtas. Ito mismo ay ang pinakamahalagang biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Bagamat hindi tayo karapat-dapat sa biyayang ito sapagkat mga makasalanan tayo, kusang-loob na ipinasiya pa rin ng Diyos na ipagkaloob sa atin ang biyayang ito dahil tunay Niya tayong kinaaawaan, kinahahabagan, at minamahal. 

Ang salaysay sa Unang Pagbasa para sa araw na ito sa Walong Araw na Pagdiriwang na kilala rin bilang Oktaba ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ay isang pagpapatuloy ng salaysay sa Unang Pagbasa noong nakaraang araw (Miyerkules). Matapos ihatid sa lalaking isinilang na lumpo ang biyaya ng kagalingang dulot ng Banal na Ngalan ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno, ginamit ni Apostol San Pedro ang pagkakataong iyon upang mangaral at magpatotoo sa lahat ng mga naroroon sa mga oras na yaon tungkol sa Mahal na Poon. Malakas niyang inihayag sa lahat ng mga nakasaksi sa himalang yaon na gumaling ang lalaking ipinaganak na lumpo dahil kay Jesus Nazareno na Muling Nabuhay. Ang kahanga-hangang kababalaghang ito ay isa sa maraming mga patunay na tunay ngang nabuhay na mag-uli si Jesus Nazareno. 

Sa salaysay na itinampok sa Banal na Ebanghelyo para sa araw na ito, na isa ring pagpapatuloy ng salaysay sa Ebanghelyo noong nakaraang araw (Miyerkules), ang Mahal na Poong Jesus Nazareno mismo ang nagpatunay sa mga apostol na tunay nga Siyang nabuhay na mag-uli sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila sa silid na kanilang pinagtitipunan. Katunayan, kumain ang Poong Jesus Nazareno ng inihaw na isda sa harapan nila (Lucas 24, 41-42). Tunay ngang nabuhay na mag-uli si Kristo. Ito ang dahilan kung bakit mayroong Simbahan. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay tunay ngang nabuhay na mag-uli at hindi na mamamatay. Ipinasiya Niya itong gawin dahil tunay Niya tayong iniibig at kinahahabagan. 

Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa Simbahan, tinatawag tayong ipagpatuloy ang isinagawa ng mga apostol katulad ni Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa. Sumaksi at magpatotoo sa Mahal na Poong Jesus Nazareno na Muling Nabuhay. Pahintulutan natin ang Poong Jesus Nazareno na gamitin tayo bilang Kanyang instrumento upang mapatunayan Niya sa pamamagitan natin na tunay nga Siyang nabuhay na mag-uli. Tayong lahat ay Kanyang iniligtas sa pamamagitan ng Kanyang Krus na Banal at ang dakila Niyang Muling Pagkabuhay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento