Lunes, Abril 10, 2023

DAPAT PARANGALAN AT PASALAMATAN

12 Abril 2023 
Miyerkules sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 3, 1-10/Salmo 104/Lucas 24, 13-35 

This faithful photographic reproduction of the work of art (c. Between 1635 and 1650), Christ and Two Followers on the Road to Emmaus by Alonso Cano  (1601–1667), has been released by its author, Walters Art Museum, under a Creative Commons Attribution-Share Alike 3.0 Unported License (CC BY-SA 3.0) and the GNU Free Documentation License. This applies worldwide. Walters Art Museum grants anyone the right to use this work for any purpose, without condition, unless such conditions are required by law. 

Inilahad ng Salmong Tugunan para sa araw na ito ang temang nais pagtuunan ng pansin at pagnilayan ng Simbahan habang patuloy na pinagninilayan ang misteryo ng dakilang tagumpay ng Diyos na nahayag sa buong santinakpan sa pamamagitan ng maluwalhating Muling Pagkabuhay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Tunay ngang nabuhay na mag-uli si Kristo. Hindi Siya nanatili sa loob ng libingan. Pinatay Siya sa pamamagitan ng pagpako sa Krus sa Kalbaryo. Subalit, nang sumapit ang ikatlong araw, nabuhay Siyang mag-uli, tulad ng Kanyang sinabi. Dahil sa Krus na Banal at Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, tayong lahat ay Kanyang iniligtas mula sa kasalanan at kamatayan. Nang isagawa Niya ito, pinatunayan rin ng Poong Jesus Nazareno ang Kanyang pagkakilanlan bilang tunay na Diyos at tunay na tao. Alang-alang sa atin, ipinasiya ng tunay na Diyos na maging taong totoo upang iligtas tayo mula sa pagkaalipin sa ilalim ng mga puwersa ng kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Ang Krus na Banal at ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno ay ang pinakadakilang gawa ng Diyos. Gaya ng nasasaad sa Salmo para sa araw na ito, ang lahat ng mga gawa ng Diyos ay nararapat lamang ipaalam at ibalita sa lahat (Salmo 104, 1). Sa lahat ng mga dakilang bagay na ginawa ng Diyos, ang pinakadakilang gawa ng Diyos ay walang iba kundi ang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay ni Jesus Nazareno. Bakit? Sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo, iniligtas tayo ng Diyos mula sa kasalanan at kamatayan. Bagamat hindi tayo karapat-dapat sa biyaya ng pagliligtas ng Panginoong Diyos, ipinasiya pa rin Niyang ipagkaloob ang biyayang ito sa atin dahil sa Kanyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob. Noong isinagawa ito ng Diyos, pinatunayan rin Niyang Siya lamang ang tunay at nag-iisang Diyos na dapat sambahin. Tanging Siya lamang ang Diyos na nakagawa nito. 

Dahil sa pinakadakilang gawa ng Diyos, ang Krus at Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, inihayag ng mga apostol at ng mga sumunod sa kanila ang Mabuting Balita. Sa Unang Pagbasa, inihatid sa isang lalaking ipinanganak na lumpo ang Mabuting Balita sa pamamagitan ng pagpapagaling sa kanya. Nakalakad siya dahil inihatid at ipinakilala siya ni Apostol San Pedro kay Jesus Nazareno (Mga Gawa 3, 6). Gaya ng sabi ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro, hindi siya ang dahilan kung bakit gumaling ang lalaking lumpo kundi ang Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno (Mga Gawa 3, 12). Isa lamang siyang instrumento ni Kristong Muling Nabuhay. Sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito, inihayag ng dalawang apostol na naglakbay patungong Emaus ang Mabuting Balita tungkol sa Muling Pagkabuhay ni Jesus Nazareno na nagpakita sa kanila. Ang Poong Jesus Nazareno ay tunay ngang nabuhay na mag-uli. 

Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at kaisa-isang Simbahang itinatag ng maawain, mahabagin, at mapagmahal nating Panginoong Jesus Nazareno, nararapat lamang natin Siyang parangalan at pasalamatan nang buong galak dahil Siya mismo ang may gawa ng pinakadakilang bagay. Nararapat rin lamang nating ipamalita sa tanan ang Mabuting Balitang ito. Ito ang dahilan kung bakit lagi tayong nagkakatipon bilang Simbahan. Ang bumuo at bumuklod sa atin bilang mga Kristiyanong bumubuo sa Simbahan ay walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Oo, namatay Siya sa Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo na kilala rin sa tawag na Golgota noong unang Biyernes Santo. Subalit, hindi Siya nanatiling patay sa loob ng libingan. Bagkus, nang sumapit ang ikatlong araw, muli Siyang nabuhay bilang pagtupad sa Kanyang ipinangako. Ito ang tanging dahilan kung bakit tayo nananalig at sumasampalataya sa Kanya. Dahil ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay tunay ngang nabuhay na mag-uli, mayroong saysay at kabuluhan ang ating pinaniniwalaan, pinananaligan, at sinasampalatayanan bilang Kanyang Simbahan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento