23 Abril 2023
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A)
Mga Gawa 2, 14. 22-33/Salmo 15/1 Pedro 1, 17-21/Lucas 24, 13-35
This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1560 and 1565), The Walk to Emmaus by Lelio Orsi (1508–1587), as well as the actual work of art itself from the National Gallery, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928.
Hindi nagtatapos ang masayang pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Ang masayang pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ay ipinagpapatuloy pa rin ng Inang Simbahan sa loob ng 50 araw na ito ng banal na panahong ito. Matapos man ang 50 araw na ito ng panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, walang makakapigil sa Simbahan sa masasayang pagdiriwang dahil sa Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno. Ito ang katotohanang nagbibigay ng saysay at kabuluhan sa ating pananampalataya bilang Simbahan. Kaya tayo nagkabuklod at nagkakatipon-tipon linggo-linggo sapagkat ang Poong Jesus Nazareno ay tunay ngang nabuhay na mag-uli at hinding-hindi na mamamatay kailanman.
Sa katotohanang ito nakasentro ang pangaral ng unang Santo Papa ng Simbahan na walang iba kundi si Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa. Ito ang dahilan kung bakit mayroong Simbahan. Kung hindi nabuhay na mag-uli si Kristo Hesus, ang ating Panginoon at Manunubos na ipinangako, walang Simbahan. Tayong lahat ay nakabuklod at nagtitipon-tipon bilang Simbahan linggo-linggo dahil lamang kay Kristong Muling Nabuhay. Dahil tunay ngang nabuhay na mag-uli ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, mayroong saysay at kabuluhan ang ating pananampalataya bilang Simbahan. Gaya ng dalawang apostol na nakatagpo ang Mahal na Poong Jesus Nazarenong Muling Nabuhay at naglakbay kasama Niya sa Ebanghelyo, napuspos ng tunay na pag-asa, galak, at pananalig ang ating mga puso at isipan sa katotohanang ito na nagbibigay saysay sa ating pananampalataya bilang Simbahan. Ito ang buong galak nating patotohanan at ipapahayag bilang mga mananampalataya.
Ang Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno ay ang Siya ring dahilan kung bakit buong pag-asa, galak, at pananalig nating masasambit nang taos-puso bilang mga tapat na mananampalatayang sumasaksi sa Kanya ang mga salita sa Salmong Tugunan para sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya sa Linggong ito: "Ituro Mo ang landasin ng buhay kong hahantungin" (Salmo 15, 11a). Kung si Jesus Nazareno ay hindi nabuhay na mag-uli, walang saysay at kabuluhan ang mga salitang ito na isang dalangin ng pananalig at tiwala sa Kanya. Dahil dito, mapalad tayo sapagkat tunay ngang nabuhay na mag-uli ang Poong Jesus Nazareno at patuloy Siyang dumarating sa ating piling sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa upang ibigay sa atin ang Kaniyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo bilang tunay na pagkain at inuming espirituwal na nagbibigay ng buhay na walang hanggan upang patunayan sa atin na hindi ito guni-guni o pekeng balita. Bagkus, tunay nga Siyang nabuhay na mag-uli, gaya ng Kanyang ipinahayag bago Siya dumating sa Herusalem upang tuparin ito.
Nais ng Mahal na Poong Jesus Nazarenong Muling Nabuhay na maging mga tapat na mananampalatayang sumasaksi sa Kanya ang bawat isa sa atin na bumubuo sa nag-iisang Simbahang Siya mismo ang nagtatag. Ang katotohanang ito ay ang mismong dahilan kung bakit tayo nananalig at sumasampalataya sa Kanya bilang Simbahan. Kaya, marapat lamang na maging mga saksi tayo ng Panginoong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng ating mga gawa at salita, gaya ng dalawang apostol na nakatagpo Siya sa daang patungong Emaus sa Ebanghelyo.
Muling nabuhay ang Poong Jesus Nazareno. Ito ang natatanging dahilan kung bakit lagi tayong nagtitipon-tipon linggo bilang Kanyang Simbahang tunay ngang umaasa, sumasamba, nananalig, umiibig, at sumasampalataya sa Kanya nang taos-puso.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento