5 Mayo 2023
Biyernes sa Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 11, 26-33/Salmo 2/Juan 14, 1-6
Screenshot: #QuiapoChurch Official - #HolySaturday at the #EasterVigil in the Holy Night of #Easter (April 8, 2023), Quiapo Church YouTube Channel
Daan, Katotohanan, at Buhay. Ito si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan, ang Poong Jesus Nazareno ay ang daan, katotohanan, at buhay na ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Siya ang daan patungo sa Amang nasa langit, ang katotohanang kaloob ng Diyos, at ang buhay ng lahat ng mga tapat na nananalig at sumasampalataya sa Kanya. Ito ang patunay na si Jesus Nazareno mismo ay ang pinakadakilang biyayang kaloob sa atin ng Ama. Kahit hindi karapat-dapat tayo sa biyayang ito na si Jesus Nazareno dahil sa ating pagiging makasalanan, niloob at minarapat pa rin ng Amang nasa langit na ipagkaloob sa tanan ang biyaya ng Kanyang pagliligtas na dumating sa mundong ito sa panahong Kanyang itinakda sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, ang Kanyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo.
Nakasentro sa pinakadakilang biyayang kaloob ng Diyos sa atin na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang Daan, Katotohanan, at Buhay, ang pangaral ni Apostol San Pablo sa mga taga-Antioquia sa Unang Pagbasa para sa araw na ito. Malakas at buong kalinawang inihayag ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa mga taga-Antioquia sa Unang Pagbasa na ang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno ay katuparan ng pangako ng Diyos na isang patunay ng Kanyang walang hanggan at dakilang katapatan. Bagamat hindi tayo tapat sa Kanya dahil sa ating mga kasalanan laban sa Kanya na talaga namang hindi na mabilang dahil sa sobrang dami ng mga ito, ipinasiya pa rin ng Panginoong Diyos na maging tapat sa atin. Ang patunay nito ay si Kristo Hesus mismo. Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa araw na ito: "Anak ng Diyos kailanman sa simula pa lamang sumilang" (Salmo 2, 7). Si Jesus Nazareno ay ang pinakadakilang biyaya.
Ipinagkaloob sa atin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno dahil sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos para sa atin. Kung iaalay natin sa Kanya nang taos-puso ang ating katapatan, pananalig, pananampalataya, pagmamahal, at pagsamba sa Kanya, at papatunayan natin ito araw-araw sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa, matatamasa natin ang biyaya ng kaligtasan at buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit magpakailanman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento