30 Abril 2023
Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A)
Linggo ng Mabuting Pastol
Mga Gawa 2, 14a. 36-41/Salmo 22/1 Pedro 2, 20b-25/Juan 10, 1-10
This faithful photographic reproduction of the painting of the Good Shepherd by Bernhard Plockhorst (1825–1907), as well as the actual work of art itself, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer because of its age (This was originally published before 1923 in the UK and the US).
Subalit, sa Ebanghelyo para sa pagdiriwang ng Banal na Misa sa Linggong ito, hindi inilahad ang mismong pahayag ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno kung saan diretsyahan Niyang ipinakilala ang Kanyang sarili bilang Mabuting Pastol. Bagamat ang mga salitang binigkas ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay bahagi pa rin ng Kanyang pangaral tungkol sa Kanyang pagkakilanlan, misyon, at tungkulin bilang tunay at kaisa-isang Mabuting Pastol na kaloob ng Amang nasa langit sa sangkatauhan, hindi mababasa o mapapakinggan ang mismong bahagi ng pangaral Niyang ito kung saan malakas Niyang inihayag sa mga tao na tanging Siya mismo ang Mabuting Pastol (Juan 10, 11). Ang maririnig lamang natin sa Banal na Ebanghelyo ay ang Kaniyang ginawang pagpapakilala ng sarili Niya bilang pintuang daraanan ng lahat ng mga tupang kabilang sa Kanyang kawan (Juan 10, 9).
Kakaiba ito. Paano magiging Mabuting Pastol ang mismong pintuan ng mga tupa? Sa unang tingin, mukhang mahirap unawain kung paano magagampanan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno nang sabay-sabay ang dalawang tungkuling ito. Ang pastol ng mga tupang kabilang sa kawan ng Diyos, ang Mabuting Pastol, ay Siya ring pintuang dinaraanan ng mga tupa?! Mahirap itong unawain sa unang tingin, lalung-lalo na para sa mga pinakamatalinong tao dito sa lupa. Kahit ang mga pinakamatalinong tao sa lupa, tiyak na mapapataas ang kanilang mga kilay at mapapakamot ng ulo sapagkat napakahirap naman talagang unawain at arukin ang mga salitang ito na malakas na binigkas ni Kristo.
Ang Pintuan ay ang Mabuting Pastol? Talagang mahirap unawain ang paliwanag at lohikang ito ng Poong Jesus Nazareno, lalung-lalo na kapag ginamit natin ang lohika ng mundong ito. Kaya naman, ipinaliwanag ng Poong Jesus Nazareno kung paanong magkarugtong at magkaugnay ang dalawang tungkuling ito. Malakas na winika ng Panginoong Jesus Nazareno sa Kaniyang ginawang pagpapakilala ng sarili na inilahad sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo: "Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan Ko'y maliligtas. Papasok siya't lalabas ,at makatatagpo ng pastulan. . . Naparito Ako upang ang mga tupa'y magkaroon ng buhay - isang buhay na ganap at kasiya-siya" (Juan 10, 9-10). Ito ang dahilan kung bakit ang Pintuan at ang Mabuting Pastol ay iisa lamang. Ang Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno ay ang pinto at ang daan patungo sa walang hanggang buhay na ganap at kasiya-siya. Bilang tunay na Mabuting Pastol na Siya ring tunay na pintuang dinaraanan ng mga tupa, inaakay ng ating Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ang Kanyang kawan tungo sa biyaya ng buhay na walang hanggan.
Nakasentro sa katotohanang ito tungkol sa pagkakilanlang ito ng Poong Señor ang mga pangaral ng unang Santo Papa ng Simbahan na walang iba kundi Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito. Malakas niyang sinabi sa Unang Pagbasa na kusang-loob na ipinagkaloob ng Amang nasa langit ang Kanyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi si Jesus Nazareno upang maging ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng tanan (Mga Gawa 2, 36). Sa Ikalawang Pagbasa, isinentro ni Apostol San Pedro sa espesipikong titulo ng Mahal na Poong Señor Jesus Nazarenong Muling Nabuhay, na walang iba kundi ang titulong Mabuting Pastol, ang kanyang pangaral. Siya lamang ang dahilan kung bakit nagkaroon ng biyaya ng kaligtasan para sa atin. Ipinasiya ni Jesus Nazareno, ang Mabuting Pastol, na bigyan tayo ng kaligtasan at kalayaan. Ito'y ginawa Niya nang kusang-loob dahil sa Kaniyang tunay na dakilang kagandahang-loob, pag-ibig, habag, at awa para sa atin.
Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag mismo ng Mabuting Pastol na si Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ano nga ba'ng dapat nating gawin? Dapat tayong tumugon sa Kanyang tinig na tumatawag sa atin pabalik sa Kanya nang may pananalig at pananampalataya, gaya na lamang ng mga taong nagpasiyang maging bahagi ng Kanyang Simbahan pagkatapos ng pangaral ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro na nakasentro sa dakilang biyaya ng kaligtasang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng ating Mabuting Pastol na si Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, sa Unang Pagbasa. Sa kusang-loob na pagtubos ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno, ang Kanyang Bugtong na Anak, na inilarawan sa pangangaral ni Apostol San Pedro naakit ang mga tao sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito. Kapag ipinasiya natin itong gawin at tularan, magiging bukal sa ating mga kalooban ang pagbigkas sa mga salitang inilahad sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Pastol ko'y Panginoong Diyos, hindi ako magdarahop" (Salmo 22, 1). Ito ay dahil bilang Kanyang kawan, ang lahat ng bagay ay dapat nating ipagkatiwala sa Kanya. Pinatunayan Niya ito noong ipinasiya Niya tayong iligtas sa pamamagitan ng Banal na Krus at ang maluwalhating Muling Pagkabuhay. Hindi tayo aakayin ng Mabuting Pastol na si Jesus Nazareno, ang ating Poong Mesiyas at Manunubos, tungo sa kapahamakan kundi sa kaligtasan at buhay na walang hanggan sa tunay na pastulan na walang iba kundi ang Kanyang piling sa langit magpakailanman.
Mapalad tayo dahil ang pintuan at daan patungo sa kaligtasan at buhay na walang hanggan ay ang mismong Mabuting Pastol na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno. Tayong lahat ay hindi Niya aakayin at dadalhin sa kapahamakan. Bagkus, tayong lahat na bumubuo sa Kanyang kawan ay dadalhin at aakayin Niya patungo sa kaligtasan at buhay na walang hanggan. Dahil dito, marapat lamang na ihandog sa Kanya nang bukal sa ating mga loobin ang ating pananalig at pananampalataya sa Kanya. Ang ating pananalig at pananampalataya sa Kanya na tunay at tapat ay ating mapapatunayan sa pamamagitan ng pakikinig at pagsunod sa Kanyang tinig na tumatawag sa atin pabalik sa Kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento