Lunes, Abril 24, 2023

MGA SALAMIN NG MAPAGPALANG UNANG MANGGAGAWA

1 Mayo 2023 
Paggunita kay San Jose, manggagawa 
Genesis 1, 26-2, 3 (o kaya: Colosas 3, 14-15. 17. 23-24)/Salmo 89/Mateo 13, 54-58 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1640 and 1660), Sagrada Familia en el taller de carpintero by Jerónimo Jacinto de Espinosa  (1600–1680), as well as the actual work of art itself in Museu de Belles Arts de València, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 

"Hindi ba ito ang anak ng karpintero?" (Mateo 13, 55). Ito ang unang tanong binigkas ng mga taong nagtipon-tipon sa sinagogang pinuntahan ng Poong Jesus Nazareno sa Kanyang bayan sa Nazaret sa Ebanghelyo para sa araw na ito na inilaan ng Simbahan para sa paggunita sa isa sa mga pinakadakilang lalaking Santo sa kasamahan ng mga banal sa langit na walang iba kundi si San Jose, ang kabiyak ng puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen at Ama-Amahan ng Panginoong Jesus Nazareno. Subalit, sa araw na ito, pinagtutuunan ng pansin ang kanyang pagiging manggagawa. 

Sa Ebanghelyo para sa araw na ito, ang mga kababayan ng Poong Jesus Nazareno, mga taga-Nazaret o Nazarenong katulad Niya, ay hindi makapaniwala sa Kanya. Oo, katulad nila, taga-Nazaret rin ang Mahal na Poon. Subalit, hindi Siya pinaniwalaan at tinanggap roon. Doon Siya lumaki, sa piling ng Mahal na Inang si Mariang Birhen at ng dakilang patriarkang si San Jose na nagkayod at naghanap-buhay para sa Sagrada Familia (Banal na Pamilya) bilang isang anluwage o karpintero. Iyon nga lamang, kahit ang Panginoong Jesus Nazareno ay kababayan rin nila, hindi nila Siya tinanggap at pinaniwalaan dahil sa kakulangan ng kanilang pananalig at pananampalataya (Mateo 13, 58). Minaliit lamang nila si Jesus Nazareno. 

Tila ipinapahiwatig ng mga tanong binigkas ng mga tao sa Ebanghelyo, ang mga kababayan ni Kristo sa Nazaret, na mababa lamang ang kanilang tingin sa Kanya. Sa paningin at pananaw ng ibang mga Nazareno at Nazarena, hindi espesyal si Hesus na Anak nina Jose at Maria. Hindi Siya ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos o kaya isang propeta man lamang. Katunayan, ipinapahiwatig rin sa Ebanghelyo na hindi nila layuning kumpirmahin ang pagkakilanlan ng Poong Jesus Nazareno ang tanong na binigkas nila. Bagkus, ipinahiwatig na tinanong nila ang nasabing tanong upang laitin si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Lingid sa kanilang kaalaman na ang nilalait at itinatakwil nila ay walang iba kundi ang bukal ng mga biyaya. Ang hanap-buhay o trabaho ay isang biyaya mula sa Kanya. Si San Jose na kilala ng mga taga-Nazaret bilang isang anluwage ay niloob ng Diyos na maghanap-buhay bilang isang anluwage. Anuman ang hanap-buhay ng sinumang tao dito sa mundong ito, maging ng mga naging kababayan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, tanging Siya mismo ang nagkaloob. Hindi nila akalaing mangangaral sa kanilang harapan ang dahilan kung bakit ang lahat ng tao ay biniyayaan ng iba't ibang hanap-buhay o trabaho na walang iba kundi ang Diyos na nagkatawang-tao para sa ikaliligtas ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Katunayan, ang Diyos mismo ang unang manggagawa. Sa Unang Pagbasa, itinampok ang salaysay ng Kanyang paglikha sa tao sa ikaanim na araw. Anim na araw Niyang nilikha ang mundong ito. Nang malugmok ang tao sa kasalanan, agad na bumuo ng plano ang Diyos para sa ikaliligtas ng sangkatauhan. Tinupad Niya ito pagsapit ng takdang panahon sa pamamagitan ng ipinangakong Manunubos na walang iba kundi si Kristo, ang Panginoong Jesus Nazareno, na ayaw tanggapin at kilalanin ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret sa Ebanghelyo.

Gaya ng ipinayo sa atin ni Apostol San Pablo sa alternatibong Unang Pagbasa para sa araw na ito, anuman ang gawin natin, ang ating mga responsibilidad at tungkulin sa hanap-buhay o trabaho, gawin natin ito nang may pagmamahal (Colosas 3, 23). Kung tutuusin, sa pamamagitan ng mga mismong salitang ito, inilarawan at ipinaliwanag rin ni Apostol San Pablo ang dahilan kung bakit ginawa ng Diyos ang iba't ibang mga kahanga-hangang bagay gaya na lamang ng Kanyang paglikha sa mundong ito at ang pagkaloob ng biyaya ng kaligtasan sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno. Kapag kusang-loob tayong gumawa ng mabuti sa hanap-buhay at pati na rin sa labas ng trabaho nang may pagmamahal, ang mga salita sa Salmo ay isinasabuhay at ginagawa nating isang taimtim na panalangin sa Kanya na laging nagpapakita ng Kanyang kabutihan, awa, habag, at pag-ibig na tunay ngang mula lamang sa Kanya: "Poon, kami'y pagpalain at Iyong pagtagumpayin!" (Salmo 89, 17k). Iyan ang ating Diyos. 

Dahil sa Kanyang biyaya, kabutihan, awa, habag, at pag-ibig, ipinasiya ng Diyos na gumawa ng maraming bagay para sa atin. Kusang-loob Niyang nilikha sa loob ng anim na araw ang langit at ang lupa. Ipinagkaloob Niya sa atin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno upang maging ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng tanan. Kaya naman, bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, marapat lamang na maging mga salamin tayo ng kabutihan, habag, pag-ibig, at awa ng Diyos na Siyang unang manggagawa sa bawat sandali ng buhay natin dito sa mundo, sa trabaho man o sa bahay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento