Huwebes, Abril 13, 2023

IPAGMALAKI NANG MAY GALAK

15 Abril 2023 
Sabado sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 4, 13-21/Salmo 117/Marcos 16, 9-15 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1475 and 1479) Resurrection of Christ by Giovanni Bellini (circa 1430 –1516), as well as the actual work of art itself from the Gemäldegalerie in Berlin courtesy of the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This work is also in the public domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928. 

Isinasalungguhit ng mga Pagbasa para sa araw na ito na nasa loob sa Walong Araw na Pagdiriwang o Oktaba ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ang dahilan kung bakit ang Simbahan ay nagagalak at nagdiriwang habang itinutuon ang ating mga pansin sa Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno. Muli ngang nabuhay na totoo si Jesus Nazareno. Ito ang pinakamahalagang katotohanan ng ating pananampalataya bilang mga Kristiyano. Kaya lamang naman tayo nabubuklod at tinitipon araw-araw o linggo-linggo bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang si Kristo mismo ang nagtatag sapagkat tunay nga Siyang nabuhay na mag-uli. Ito ang dahilan kung bakit mayroong saysay ang ating pananampalataya bilang Simbahan. Walang saysay o kabuluhan ang lahat ng ito kung ang Panginoong Jesus Nazareno ay hindi nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw, katulad ng Kanyang inihayag nang paulit-ulit sa mga apostol bago magtungo sa Herusalem. 

Dahil ang Poong Jesus Nazareno ay tunay ngang nabuhay na mag-uli, hindi natakot o nasindak sina Apostol San Pedro at Apostol San Juan sa mga babala ng Sanedrin sa kanila sa Unang Pagbasa. Malakas na inihayag ng dalawang apostol na ito: "Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita't narinig" (Mga Gawa 4, 20). Walang babala o banta laban sa kanilang buhay ang makakapigil sa kanila na ipalaganap sa lahat ng mga bansa sa mundo ang Mabuting Balita. Katulad ng kanilang mga kapwa apostol, handa silang ibuwis ang kanilang buhay alang-alang sa Mabuting Balita ng pagliligtas ng Diyos na inihayag Niya sa pamamagitan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Katunayan, ito ang utos ng Panginoong Jesus Nazareno na Muling Nabuhay sa mga apostol sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo. Matapos ang mga isinagawa Niyang pagpapakita sa mga apostol at iba pang mga tagasunod katulad na lamang ni Santa Maria Magdalena sa unang bahagi ng salaysay sa Ebanghelyo, ang mga apostol ay inatasan ng Poong Jesus Nazareno na ipahayag at ipalaganap ang Mabuting Balita sa lahat ng mga bansa sa mundong ito. Inatasan ang mga apostol maging mga saksi o tagapagpatotoo ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay ni Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno.

Ang misyon ng mga apostol ay ipinagpapatuloy ng Simbahan sa kasalukuyan. Hindi mapipigilan ang Simbahan sa pagsasakatuparan ng kanyang pangunahing misyon na ipalaganap sa lahat ng bansa sa daigdig ang Mabuting Balita ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno. Nanatili pa ring tapat ang Simbahan sa misyong ito, sa kabila ng maraming ulit na pag-uusig ng mga lider sa pulitika. Sa paglipas ng panahon, maraming pulitikal na lider ang nagbalak na usigin at pabagsakin ang Simbahan. Iyon nga lamang, ang Simbahan ay nananatili pa ring matatag at patuloy na tumutupad sa misyong ibinigay ni Kristo sa mga apostol. 

Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa Simbahan, tinatawag tayo upang maging mga saksi ng Muling Nabuhay nating Poong Jesus Nazareno. Hindi lamang ito para sa mga pari, mga obispo, mga kardinal, at ng Santo Papa lamang. Ang misyong ito ay para sa lahat ng mga Kristiyano. Marapat lamang ipahayag at ipagmalaki natin nang buong galak ang tanging dahilan kung bakit ang ating pananampalataya bilang Simbahan ay mayroong kabuluhan. Si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, ay ipinako sa Banal na Krus at muling nabuhay sa ikatlong araw. Hindi nanatiling patay sa loob ng libingan ang ating ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Tunay nga Siyang nabuhay na mag-uli at hindi na Siya mamamatay kailanman. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento