Sabado, Abril 15, 2023

HINDI MABIBIGO ANG DIYOS KAILANMAN

21 Abril 2023 
Biyernes sa Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 5, 34-42/Salmo 26/Juan 6, 1-15 

This illustration is from a collection of illustrations from Sweet Publishing courtesy of FreeBibleimages (https://www.freebibleimages.org/) which are made available for free download under a Creative Commons Attribution-ShareAlike 3.0 Unported (CC BY-SA 3.0) license. 

Laging magtatagumpay ang Diyos sa pagtupad Niya sa anumang Kanyang loobin. Sa temang ito nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Hindi nabigo ang Diyos sa tuwing Kanyang tutuparin at ipangyayari ang anumang Kanyang loobin at naisin kailanman. Kung mayroong mga pagkakataong nakakaranas ng kabiguan ang bawat tao sa kanilang mga plano, hindi iyon ang nararanasan sa Diyos. Tagumpay ang laging nakakamit ng Diyos sa tuwing natutupad at napangyayari Niya mismo ang Kanyang mga plano at kalooban. 

Ang katotohanang ito ay ang tanging dahilan kung bakit ang Pariseong ginagalang ng buong bayan na si Gamaliel ay nakiusap sa mga bumubuo sa Sanedrin na pabayaan na lamang ang mga apostol at huwag na silang pakialaman at usigin pa sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa para sa araw na ito. Binabalaan pa nga niya sila na kung kalooban nga ito ng Panginoong Diyos, maaaring lumitaw na Siya mismo ang buong higpit at lakas nilang tinututulan at nilalabanan (Mga Gawa 5, 39). Sa katotohanan ring ito nakasentro ang tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Ang Panginoong Jesus Nazareno ay nagpakain ng limang libong katao sa Ebanghelyo. Sa unang bahagi pa lamang ng salaysay sa Ebanghelyo, inihayag na alam na ng Poong Jesus Nazareno kung ano ang Kanyang gagawin bilang tugon sa pangangailangan ng lahat ng mga taong nagkatipon roon (Juan 6, 6). Iyon ang nangyari. Alang-alang sa mga taong naroroon, pinarami ng Panginoong Jesus Nazareno ang limang tinapay at dalawang isda para sa mga tao. 

Kaya naman, inaanyayahan tayo ng Simbahan sa araw na ito na gawin nating taos-pusong panalangin ang mga salita sa Salmong Tugunan para sa araw na ito: "Ang tanging aking mithii'y Panginoo'y makapiling" (Salmo 26, 4ab). Sabi rin sa berso para sa Aleluya sa araw na ito na halaw sa mga salita ng Panginoong Jesus Nazareno sa ilang kung saan tatlong ulit Siyang tinukso ng demonyong si Satanas: "Ang tao ay nabubuhay sa Salita ng Maykapal na pagkaing Kanyang bigay" (Mateo 4, 4b). Tayong lahat ay pinaalalahanan sa araw na ito na hindi mabibigo ang Diyos kailanman. Ang Diyos ay laging magtatagumpay sa tuwing ang anumang Kanyang kalooban at naisin ay Kanyang tinutupad at ipinangyayari. Ito ang dapat nating hangarin at naisin bilang mga Kristiyano. Maging mga tunay na kapanig ng Panginoong Diyos. 

Hindi mabibigo ang Panginoong Diyos kailanman. Lagi Siya magtatagumpay sa lahat ng pagkakataon. Sa Kanya lamang tayo dapat manalig at umasa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento