Biyernes, Abril 21, 2023

NAIS NIYA TAYONG GAWING KANYANG MGA SAKSI

28 Abril 2023 
Biyernes sa Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 9, 1-20/Salmo 116/Juan 6, 52-59 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1540 and 1545), Conversion of Saul by Andrea Schiavone (1510-1563), as well as the actual work of art itself from the Pinacoteca Querini Stampalia courtesy of the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 

Ang kaganapang isinalaysay sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ay isang patunay na tunay ngang nabuhay na mag-uli ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa daan patungong Damasco, nakatagpo ni Saulo na taga-Tarso ang Poong Jesus Nazarenong Muling Nabuhay. Matapos ang karanasang ito kung saan nakatagpo at nakausap niya si Kristo Hesus na Muling Nabuhay nang harap-harapan sa daang patungo sa isang bayang tinatawag na Damasco, at matapos hindi makakita sa loob ng tatlong araw at gabi bago dumating si Ananias na sugo ng Panginoong Hesukristo, si Saulo na taga-Tarso ay nagbagong-buhay. Tuluyan na niyang tinalikuran ang pagiging isang taga-usig ng mga sinaunang Kristiyano at naging saksi ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno. Iyan ang biyayang kaloob ng Muling Nabuhay na si Jesus Nazareno. 

Taimtim na tinatalakay at pinagninilayan ng Simbahan sa araw na ito ang biyaya ng isang bagong buhay na kaloob sa atin ng Mahal na Poong Jesus Nazarenong Muling Nabuhay. Habang namumuhay at naglalakbay tayo sa mundong ito, patuloy tayong binibigyan at inaalok ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na tanggapin at yakapin ang biyaya ng bagong buhay na Kanyang kaloob sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. Ito ang biyayang dulot Niya sa atin sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal. Bagamat hindi tayo karapat-dapat, ipinasiya pa rin Niya itong kamtin para sa atin dahil sa Kanyang pag-ibig, grasya, kagandahang-loob, habag, at awa para sa atin. Nakamit Niya ito sa pamamagitan ng Banal na Krus at Muling Pagkabuhay. Iyan ang ating Poong Señor na si Jesus Nazareno. 

Katulad ng Kanyang ginawa para kay Saulo na taga-Tarso na mas kilala natin ngayon bilang si Apostol San Pablo sa Unang Pagbasa, ito ang patuloy Niyang ginagawa para sa atin, lalung-lalo na sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa. Sa salaysay sa Banal na Ebanghelyo, inihayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa madla na Siya mismo ang tunay na pagkain at inuming mula sa langit na nagkakaloob ng buhay na walang hanggan (Juan 6, 54-55). Hindi tumitigil sa paggawa nito si Jesus Nazareno. Lagi pa rin Siya dumarating sa ating piling upang ibigay sa atin ang tunay na pagkain at inuming nagbibigay-buhay na walang iba kundi ang Kaniyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa. Hindi nagsasawa sa paggawa nito araw-araw si Jesus Nazareno dahil nais Niya tayong baguhin at gawing banal. Kapag ginawa Niya tayong banal, magiging marapat tayong isakatuparan ang misyong Kanyang ibinibigay sa lahat ng mga Kristiyano na inilahad sa Salmo para sa araw na ito na halaw naman sa mga salitang binigkas Niya sa mga apostol matapos Siyang mabuhay na mag-uli nang maluwalhati sa ikatlong araw: "Humayo't dalhin sa tanan Mabuting Balitang aral" (Marcos 16, 15). Nais ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na gawin tayong mga autentiko Niyang saksi. 

Binibigyan tayo ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ng pagkakataong maging mga banal, tapat, at maaasahang mananampalatayang sumasaksi sa Kanya nang taos-puso. Ang pagkakataong ito na isa ring panibagong pagkakilanlan para sa atin na dulot ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay ay atin bang tatanggapin? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento