Biyernes, Abril 14, 2023

TUNAY NGANG MAAWAIN AT MAHABAGIN ANG PANGINOON

16 Abril 2023 
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) 
Linggo ng Mabathalang Awa 
Mga Gawa 2, 42-47/Salmo 117/1 Pedro 1, 3-9/Juan 20, 19-31 

This faithful photographic reproduction of the painting of the Divine Mercy [c. 1930s; After Adolf Hyła (1897–1965)], as well as the work of art itself, is in the Public Domain because the copyright of this image has expired in the European Union since it was published more than 70 years ago without a public claim of authorship (anonymous or pseudonymous) and no subsequent claim of authorship was made 70 years following its publication. 

Ang Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ay inilaan ng Simbahan para sa maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Mabathalang Awa. Inutos ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno kay Santa Faustina sa isa sa Kanyang mga pagpapakita sa nasabing madre na ngayon ay kabilang na sa hanay ng mga banal sa langit na ilaan ang Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay para sa isang napakahalagang Dakilang Kapistahan: ang Linggo ng Mabathalang Awa. Ninanais ni Jesus Nazareno na nabuhay na mag-uli na makilala Siya ng tanan bilang Panginoong tunay na maawain, mahabagin, at mapagmahal. Kaya naman, ang Linggong ito ay ipinagdiriwang ng Simbahan nang buong galak bilang pagsunod sa utos, hangarin, at hiling ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno patungkol sa misteryo ng dakila Niyang awa na isinalamin ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. 

Napapanahon at naaangkop ang mga Pagbasa para sa Linggong ito sa maringal na pagdiriwang ng Linggo ng Mabathalang Awa sapagkat ang mga ito ay nakasentro sa misteryo ng Dakilang Awa ng Panginoong Diyos. Sa pamamagitan nito, tayong lahat ay muling pinaaalalahanan ng Simbahan na tunay ngang mahabagin at maawain ang Diyos. Hindi kasintigas ng bato ang Puso ng Diyos. Bagkus, ang Kanyang Puso ay tunay ngang puspos ng pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa atin sa kabila ng ating mga kasalanan. Tandaan, hindi tayo maliligtas kung hindi lamang dahil sa habag at awa ng Diyos para sa atin. Kung ang Panginoon ay walang habag at awa, wala tayong kaligtasan at kalayaan. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang pagdami ng bilang ng mga taong kusang-loob na tumanggap sa pananampalatayang Kristiyano at magpabilang sa Simbahang itinatag mismo ni Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na Muling Nabuhay. Nangyari ang lahat ng ito dahil sa habag at awa ng Diyos. Ang bilang mga taong kusang-loob na nagpasiyang tanggapin ang pananampalatayang Kristiyano at maging kaanib at bahagi ng Simbahan ay hindi naganap dahil sa mga apostol. Bagkus, nangyari iyon dahil sa habag at awa ng Panginoong Diyos. Dahil sa habag at awa ng Panginoon, patuloy Siyang kumilos mula sa langit upang tulungan ang Kanyang Simbahan. Mga instrumento lamang ng Panginoon ang mga apostol. 

Isinentro ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro ang kanyang pangaral at mensahe sa Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito sa habag at awa ng Diyos. Muli niyang ipinaalala sa lahat ng mga Kristiyano na inihahayag ng Diyos sa tanan ang Kanyang habag at awa para sa atin sa pamamagitan ng mga kahanga-hanga Niyang gawa. Ang pinakadakila Niyang gawa sa lahat ay walang iba kundi ang kusang-loob na pagligtas sa tanan sa pamamagitan ng ipinangakong Nazarenong Mesiyas at Manunubos na si Kristo Hesus. 

Tampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito ang ilan sa mga sandaling ipinasiya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na Muling Nabuhay na ipakita sa mga apostol ang Kanyang habag at awa sa pamamagitan ng Kanyang mga isinagawang pagpapakita sa kanila, lalung-lalo na kay Apostol Santo Tomas sa huling bahagi ng nasabing salaysay. Bagamat hindi sila karapat-dapat dahil buong takot nilang iniwan si Jesus Nazareno sa Hetsemani noong gabing ipinagkanulo Siya ni Hudas Iskariote, kusang-loob pa ring ipinasiya ng Panginoong Jesus Nazareno na Muling Nabuhay na magpakita ng habag at awa sa kanila. Kapayapaan ang Kanyang hatid sa kanila. 

Bilang tugon sa ginawang pagtupad ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa kanyang tila malakas at mahigpit na kondisyon, inihayag ni Apostol Santo Tomas ang mga salitang ito: "Panginoon ko at Diyos ko!" (Juan 20, 28). Ang mga salitang ito ay sinambit niya bilang pasasalamat sa pagtulong sa kanya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dahil sa Poong Jesus Nazareno, nagbago ang kanyang pagdududa. Hindi duda ang naghari sa kanyang puso kundi pananalig at pagtitiwala sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Nangyari lamang ito dahil sa habag at awa ng Poong Señor. 

"Hesus, ako ay nananalig sa Iyo!" Ito ang mga salitang nakasulat sa ibaba ng bawat larawan ng Mabathalang Awa. Ang mga salitang ito ay iniutos ng Panginoong Jesus Nazareno na Muling Nabuhay kay Santa Faustina na isulat sa ibaba ng bawat imahen o larawan ng Mabathalang Awa. Tunay ngang naaangkop at napapanahon ang mga salitang ito sapagkat ipinapaalala ng mga salitang ito sa atin kung sino nga ba talaga ang dapat nating pagkatiwalaan at panaligan. Katulad ng mga apostol, lalung-lalo na rin si Apostol Santo Tomas, ang mga sinaunang Kristiyano at ang mga sumunod sa kanila bilang mga kaanib ng Simbahan, at ni Santa Faustina, manalig tayo sa Poong Jesus Nazareno na Muling Nabuhay, ang Panginoon at Hari ng Banal na Awa.

Gaya ng isinambit ng mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito na inilaan para sa Dakilang Kapistahan ng Dakilang Awa ng Panginoon: "Butihing Poo'y purihin, pag-ibig N'ya'y walang maliw" (Salmo 117, 1). Ito ang dapat nating gawin nang buong pananalig sa tunay na Panginoon at Hari ng Awa na walang iba kundi si Jesus Nazareno na Muling Nabuhay. Maipahayag nawa natin sa bawat sandali ng ating buhay sa mundong ito ang taos-puso nating pananalig at pananampalataya sa Kanya na puspos ng habag at awa para sa atin.

Mapalad tayo dahil mayroon tayong Diyos na tunay ngang mahabagin at maawain sa lahat. Ipinahayag ito sa pamamagitan ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno. Kaya naman, marapat lamang na ialay natin sa Kanya nang bukal sa ating mga kalooban at isipan ang ating taos-pusong pananampalataya, pag-asa, pananalig, at pagsamba sa Kanya bilang Panginoon at Hari ng Banal na Awa. 

Poong Jesus Nazareno, Hari ng Awa, kami ay nananalig sa Iyo! 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1610 and 1615), The Doubting Thomas which is attributed to Abraham Janssens I (1575–1632), as well as the work of art itself from the collection from Hampel Fine Arts Auctions in Munich, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento