Miyerkules, Abril 26, 2023

ANG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

7 Mayo 2023 
Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) 
Mga Gawa 6, 1-7/Salmo 32/1 Pedro 2, 4-9/Juan 14, 1-12 

Screenshot: #QuiapoChurch Official - #HolySaturday at the #EasterVigil in the Holy Night of #Easter (April 8, 2023), Quiapo Church YouTube Channel 

"Poon, pag-asa Ka namin, pag-ibig Mo'y aming hiling" (Salmo 32, 22). Nakasentro sa mga salitang ito sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito ang taimtim na pagninilay ng Simbahan sa mismong Linggong ito. Habang patuloy na ipinagdiriwang ng Inang Simbahan nang buong galak ang Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, itinutuon ang ating mga pansin sa Kaniyang katangian bilang bukal ng tunay na pag-asa. Sa Panginoon lamang masusumpungan ang tunay na pag-asa. Dapat lamang tayo umasa sa Kanya.

Sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa, tinalakay ang tema ng pagpapalaganap ng tunay na pag-asang nagmumula lamang kay Kristong Muling Nabuhay. Ito ang ating misyon bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo. Dapat nating ihatid at ipalaganap sa ating kapwa ang tunay na pag-asang kaloob ng Panginoong Muling Nabuhay. Siya ang bukal ng tunay na pag-asa. Dahil una Niya itong ipinagkaloob sa atin, tungkulin naman natin bilang mga Kristiyanong bumubuo sa Kanyang Simbahan na ipalaganap ito sa kapwa, katulad na lamang ng ginawa ng Labindalawa at ng iba pang mga sinaunang Kristiyano sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito. Nararapat lamang natin itong gawin sapagkat gaya ng sabi ni Apostol San Pedro, ang unang Santo Papa ng Simbahan, sa kanyang pangaral na inilahad sa Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito: "Datapwa't kayo ay isang lahing hinirang, mga saserdote ng Hari, isang bansang nakatalaga sa Diyos. Pinili kayo ng Diyos upang maging Kanya at maghayag ng [Kanyang] mga kahanga-hangang gawa" (1 Pedro 2, 9). Ito ang ating misyon bilang Simbahan. 

Ang mga salitang binigkas ng Muling Nabuhay nating Panginoon at Tagapagligtas na si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, sa Ebanghelyo para sa Linggong ito ay naghahatid ng tunay na pag-asa sa atin. Pinatunayan ng Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng Kanyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay ang mga katagang binigkas Niya sa mga apostol sa Banal na Ebanghelyo para sa Linggong ito: "Ako ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay. Walang sinuman ang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan Ko" (Juan 14, 6). Dahil sa Kanyang ginawa para sa atin, wala tayong dahilan upang mangamba, matakot, at mabalisa. Mayroon tayong aaasahan, lalapitan, at matatakbuhan: si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno. Sabi nga ng Poong Jesus Nazareno sa simula ng Ebanghelyo: "Huwag kayong mabalisa" (Juan 14, 1). 

Mapalad tayo sapagkat mayroon tayong maaaring takbuhan, lapitan, at asahan sa lahat ng pagkakataon. Ang Panginoong Jesus Nazareno ay ating mapagkakatiwalaan at maaasahan sa bawat sandali ng ating buhay dito sa lupa. Habang namumuhay at naglalakbay tayo nang pansamantala dito sa mundong ito, haharap tayo sa iba't ibang mga pagsubok sa buhay. Kapag dumating ang mga oras at sandaling iyon na hindi natin matatakasan, huwag nawa nating kalimutan ang katotohanang mayroon tayong maaaring takbuhan at maaasahan. Siya'y walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, na dumating dito sa lupa sa takdang panahon upang ipagkaloob sa atin ang tunay na pag-asang sa Kanya lamang nagmumula sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. 

Ipinapaalala sa atin sa Linggong ito kung saan nagmumula ang biyaya ng tunay na pag-asa. Sa Panginoong Jesus Nazareno lamang nagmumula ang biyayang ito. Bilang mga tumanggap sa biyayang ito, tungkulin nating ipalaganap at ihatid rin ito sa ating kapwa sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento