12 Mayo 2023
Biyernes sa Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 15, 22-31/Salmo 56/Juan 15, 12-17
Sa Unang Pagbasa, ipinarating sa mga Kristiyano sa Antioquia, sa Siria, at Cilicia ang naging pasiya ng sinaunang konesho ng Simbahan na pinangunahan ng unang Santo Papa ng Simbahan na walang iba kundi si Apostol San Pedro. Ang mga Kristiyanong ito ay mga Hentil. Naakit sila sa Kristiyanismo. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya ng mga Hentil na ito na taos-pusong tanggapin ang pananampalatayang Kristiyanong buong sigasig na ipinangaral at ipinalaganap ng mga apostol at ng iba pa nilang mga kasama sa Simbahan noon at maging bahagi ng Simbahan. Ang pasiya ng Simbahan ay magbigay ng utos at paalala sa mga Kristiyanong Hentil na layuan ang iba't ibang uri ng kasamaan, katulad na lamang ng inilarawan sa gitna ng Unang Pagbasa, at tahakin ang landas ng kabanalan (Mga Gawa 15, 28).
Ang paalalang ito na naging bunga ng idinaos na konseho sa Herusalem na itinampok sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ay hindi lamang para sa mga Hentil na taos-pusong nagpasiyang magpabilang sa Simbahan noon kundi ito ay para sa lahat ng mga Kristiyano sa mga sumunod pang henerasyon, kasama rito ang henerasyon sa kasalukuyan. Ito ang patuloy na ipinapaalala sa atin ng Simbahan araw-araw. Dapat tayong mamuhay nang banal at mabuti. Piliin natin ang kabutihan at kabanalan sa bawat sandali ng ating buhay.
Inilarawan sa pangaral ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ang dahilan kung bakit dapat tayong mamuhay nang banal at mabuti araw-araw. Sa Ebanghelyo, ang pinakamahalagang utos ay inihayag ng Poong Jesus Nazareno sa mga apostol. Malakas Niyang inihayag sa mga apostol ang Kanyang utos na ito: "Mag-ibigan kayo gaya ng pag-ibig Ko sa inyo" (Juan 15, 12). Dahil sa pag-ibig, ibinigay ng Panginoong Jesus Nazareno ang utos na ito. Ito rin ang dahilan kung bakit namatay sa Kabanal-banalang Krus at nabuhay na mag-uli pagsapit ng ikatlong araw para sa atin si Jesus Nazareno na ating mabuti, mahabagin, at mapagmahal na Poong Señor. Bagamat hindi naman Niya ito kinailangang gawin iyon dahil sa ating pagiging makasalanan, kusang-loob pa rin Niya itong ipinasiyang gawin para sa atin dahil tunay Niya tayong iniibig at kinahahabagan. Iyan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Kaya naman, ang palagiang panawagan at paalala ng Simbahan para sa ating lahat ay tahakin ang landas ng kabanalan at kabutihan. Ito ang daan patungong langit. Lagi nating piliin ang kabanalan at ang kabutihan. Ang unang hakbang nito ay ang pagpili sa pag-ibig. Hindi ang romantikong pag-ibig kundi ang pag-ibig gaya ng pag-ibig ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Mahalin ang Diyos at ang kapwa. Kapag pag-ibig ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno ang taos-puso nating ipinasiyang isabuhay at ipalaganap, isinasabuhay natin ang mga salita sa Salmong Tugunan para sa pagdiriwang ng Banal na Misa sa araw na ito ng Biyernes sa loob ng banal na panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay: "Sa gitna ng mga bansa sabihing 'D'yos ay Dakila!'" (Salmo 56, 10a). Malakas nating inihahayag sa pamamagitan ng gawaing ito ang taos-puso at dalisay nating pag-ibig at pagsamba sa Diyos.
Nais ba nating lumalim pa ang ating debosyon sa Poong Jesus Nazareno? Tuparin at sundin nang buong kababaang-loob at nang taos-puso ang Kanyang utos na umibig katulad ng Kanyang pag-ibig para sa atin. Ang Kanyang pag-ibig para sa atin ay ating ipalaganap. Ito ang magpapatunay tunay nga tayong mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ating Panginoong Muling Nabuhay. Mga debotong tunay ngang umiibig, namamanata, sumasampalataya, nananalig, at sumasamba sa Kanya nang taos-puso. Ito ang dapat nating gawing layunin at pagsikapang gawin.
Hindi porket sumasampa sa andas o karo ng Nuestro Padre Jesus Nazareno kapag ilalabas ang Kanyang banal na imahen mula sa Simbahan ng Quiapo para iprusisyon, lalung-lalo na tuwing ika-9 ng Enero man galing Luneta o kaya naman pagsapit ng Biyernes Santo mula sa mismong Basilika, ay nangangahulugang isa na siyang ganap na deboto ng Señor. Walang silbi ang "debosyon" sa Nuestro Padre Jesus Nazareno kung hanggang prusisyon lamang tayo, lalung-lalo na kung wala naman tayong balak tahakin ang daan o ang landas ng kabanalan pagkatapos noon. Ang pagsasama sa mga prusisyon, lalo na sa mga prusisyon ng Nazareno, at ang palagiang pagtanggap sa Katawan at Dugo ng Panginoon sa Banal na Misa, hindi lamang tuwing sasapit ang araw ng Biyernes kundi pati na rin tuwing araw ng Linggo at sa mga araw ng Pistang Pangilin, ay maging daan nawa para sa atin patungo sa pagtahak sa landas o daan patungong langit, ang landas ng kabanalan. Pahintulutan nawa natin ang Poong Jesus Nazareno na dumarating sa atin sa pamamagitan ng tinapay at alak sa Misa na gawin tayong mga banal at mabuting saksi ng Kanyang pag-ibig at habag. Kapag ito ang ating isinagawa, pinatutunayan nating tunay at tapat tayo sa ating debosyon at pamamanata sa Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Bilang mga deboto ng Poong Jesus Nazareno, pahintulutan nawa natin Siya na laging dumarating sa anyo ng tinapay at alak sa Banal na Misa na baguhin tayo at gawin tayong mga banal at mabuting saksi at tagapagpalaganap ng Kanyang pag-ibig at habag. Sa pamamagitan nito, lalo nating binibigyan ng higit na papuri, pasasalamat, parangal, paggalang, at pagsamba ang Panginoong Diyos. Ito ang magpapatunay ng ating tapat na debosyon sa Poong Jesus Nazareno.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento