Huwebes, Mayo 18, 2023

IBUBUKAS BA NATIN ANG ATING MGA SARILI SA ESPIRITU SANTO?

28 Mayo 2023 
Linggo ng Pentekostes (A) 
Mga Gawa 2, 1-11/Salmo 103/1 Corinto 12, 3b-7. 12-13/Juan 20, 19-23

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1750s) Pentecost by Josef Ignaz Mildorfer  (1719–1775), as well as the actual work of art itself from the Hungarian National Gallery through the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and origins where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 

Ang Linggong ito ay isang napakahalagang araw para sa Simbahan. Buong galak na ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito, Linggo, 50 araw makalipas ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang kanyang kaarawan. Ito ay walang iba kundi ang Dakilang Kapistahan ng Penekostes. Sa araw na ito, ginugunita ng Simbahan ang katuparan ng pangakong binigkas ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa mga apostol bago Siya umakyat sa langit. Matapos ang pag-akyat sa langit ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno, ang mga apostoles ay bumalik sa Herusalem upang hintayin ang pagdating ng Espiritu Santo. Sa araw ng Pentekostes, natupad ang pangako ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa kanila. Mula noong pumanaog sa kanila ang Espiritu Santo sa araw ng Pentekostes, hindi sila natakot na magpatotoo tungkol kay Kristo Hesus sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Ipinagpapatuloy ng Simbahan ang misyong ito sa kasalukuyan. 

Isinentro ni Apostol San Pablo ang kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa para sa maringal na pagdiriwang ng Simbahan sa Linggong ito ang pagtulong ng Espiritu Santo sa Simbahan. Siya ang nagkakaloob ng iba't ibang biyaya sa atin (1 Corinto 12, 4). Dahil sa mga biyayang ipinagkakaloob sa atin ng Espiritu Santo, mayroon tayong lakas at pananalig na ipagmalaki si Hesus sa tanan bilang tunay nating Panginoon at Tagapagligtas, katulad ng sabi ni Apostol San Pablo sa simula ng Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito (1 Corinto 12, 3b). Malakas nating ipinagmamalaki ang Poong Jesus Nazareno bilang tunay nating Panginoon at Manunubos dahil pinapatnubayan at ginagabayan ng Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang tumutulong sa ating lahat upang maging malakas at tunay ang ating pananalig at pagsaksi kay Jesus Nazareno. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay ang kaganapang ginugunita sa araw na ito na siya ring kilala bilang kaarawan ng Simbahan, ang pagpanaog ng Espiritu Santo sa mga apostol noong araw ng Pentekostes. Ang sandaling ito ay nagdulot at naghatid ng isang malaki at napakahalagang pagbabago sa mga apostol. Mula sa pagiging mga duwag, sila'y naging mga magigiting na saksi ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay nagpakita sa mga apostol upang ihatid sa kanila ang Kanyang kapayapaan at ang Espiritu Santo (Juan 20, 22-23). 

Tinanggap ng mga apostol nang buong kababaang-loob ang pamamamatnubay, gabay, at tulong ng Espiritu Santo, gaya ng ibinilin sa kanila ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Dahil sa Espiritu Santo, nagbago sila. Nagkaroon sila ng lakas ng loob na ipagmalaki at ipakilala sa lahat ang Panginoong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na dapat lamang panaligan, sampalatayanan, at sambahin ng lahat. Tayo rin ba ay magbubukas ng ating mga sarili sa patnubay, gabay, at pagtulong ng Espiritu Santo katulad ng mga apostol? Ibubukas ba natin ang mga sarili natin sa mga biyayang Kaniyang kaloob? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento