Sabado, Mayo 6, 2023

GALAK NA DULOT NG PATNUBAY

14 Mayo 2023 
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) 
Mga Gawa 8, 5-8. 14-17/Salmo 65/1 Pedro 3, 15-18/Juan 14, 15-21

Tinatalakay sa mga Pagbasa para sa Linggong ito ang galak na kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sabi ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa Linggong ito na sa Kanyang pamamagitan ay ibibigay ng Ama ang Espiritu Santo upang maging Patnubay ng mga apostol at ng Simbahan (Juan 14, 16-18). Bagamat lilisanin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang mundong ito, hindi Niya iiwanan at pababayaang maging ulila ang Kanyang Simbahan. Ang Patnubay na ipinagkaloob ng Ama sa pamamagitan mismo ni Kristo, ang ating Nuestro Padre Jesus Nazareno, na walang iba kundi ang Espiritu Santo ay ang patunay ng pangakong ito. 

Inilarawan sa Unang Pagbasa, Salmong Tugunan, at Ikalawang Pagbasa para sa Misa sa Linggong ito kung paanong ang Simbahan ay ginabayan ng Espiritu Santo noon pa man. Hindi pinabayaan ng Espiritu Santo ang Simbahan kailanman. Ang Simbahan ay lagi Niyang tinulungan, pinatnubayan, at ginabayan. Sa Unang Pagbasa, maliwanag na inilarawan kung paanong ang mga apostol ay tinulungan ng Banal na Espiritu sa kanilang misyon bilang mga pinuno ng Simbahang sumasaksi sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Ang Espiritu Santo ang tumulong kay Apostol San Felipe nang tumungo siya sa Samaria upang mangaral tungkol sa Mabuting Balita ng kaligtasan. Ang Mabuting Balitang ito tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo ay kusang-loob namang tinanggap ng mga taga-Samaria. Sa wakas ng salaysay ng Unang Pagbasa, nang dumating sina Apostol San Pedro at San Juan, bininyagan ang mga taga-Samaria sa Kabanal-banalang Ngalan ni Kristo Hesus at tinanggap nila nang kusang-loob ang Banal na Espiritu (Mga Gawa 8, 16-17). Ang pagtulong ng Espiritu Santo, ang Ikatlong Persona ng Banal na Santatlo, na kusang-loob na ibinigay ng Ama sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno upang maging ating Patnubay ay tinukoy ng unang Santo Papa ng Simbahan na walang iba kundi si Apostol San Pedro sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa noong sinabi niya na mas mainam para sa atin bilang mga Kristiyanong bumubuo sa Simbahan na magdusa dahil gumawa ng mabuti, kung niloloob ito ng Diyos, kaysa magdusa dahil gumawa ng masama (1 Pedro 3, 17). Dahil sa pamamatnubay ng Espiritu Santo, nakakagawa ng mabuti at banal ang mga tapat na deboto at lingkod ng Panginoon. 

Hinihikayat sa Linggong ito na maging bukas sa pamamatnubay ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin ng Ama sa pamamagitan ng Bugtong na Anak Niyang si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Tutulungan, papatnubayan, at gagabayan tayo ng Espiritu Santo sa landas ng buhay upang makamit natin ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit. Tuturuan Niya tayo kung paanong maging banal at kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos nang sa gayon ay matamasa natin sa wakas ng ating pansamantalang pamumuhay at paglalakbay sa mundong ito ang walang hanggang buhay at ligaya sa langit. 

Ang mga salita sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito ay isang paanyaya para sa lahat ng mga tunay na tapat sa Diyos. Inaanyayahan tayo ng mang-aawit ng Salmo para sa Linggong ito na sumigaw at umawit nang may galak sa Panginoon. Magiging taos-puso ang ating pagsigaw at pag-awit ng papuri, parangal, at pagsamba sa Diyos kung magiging bukas tayo sa pamamatnubay ng Espiritu Santo. Tutulungan tayo ng Espiritu Santo na maging taos-puso sa pagsamba, pananalig, at pagsampalataya sa nag-iisang Diyos na tunay at totoo na walang iba kundi ang Banal na Santatlo na binubuo ng Ama, Anak na si Jesus Nazareno, at Espiritu Santo. 

Ninanais nga ba nating mapuspos ng tunay na galak, pag-asa, at pagmamahal para sa Diyos? Nais nga ba nating maging taos-puso ang ating debosyon, pamamanata, pagmamahal, pananampalataya, pananalig, pagpupuri, pasasalamat, at pagsamba sa Diyos? Buksan natin ang ating mga sarili sa pamamatnubay ng Espiritu Santo. Ang bawat isa sa atin na bumubuo sa Simbahan ay laging tutulungan, papatnubayan, at gagabayan ng Banal na Espiritu upang tunay nga tayong maging banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento