2 Hunyo 2023
Biyernes ng Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Paggunita kina San Marcelino at San Pedro, mga martir
Sirak 44, 1. 9-13/Salmo 149/Marcos 11, 11-26
Mahaba-haba ang tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Katunayan, mayroong tatlong bahagi ang salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito ng Biyernes na inilaan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Nuestro Padre Jesus Nazareno. Itinampok sa unang bahagi ng Ebanghelyo ang pagsumpa ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa isang puno ng igos na walang bunga. Bagamat hindi pa panahon ng igos noong mga araw na yaon, ang nasabing puno ng igos na madahon ay isinumpa pa rin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, ang mga nagtitinda ng kalapati, nagpapalit ng salapi, at mga namimili ay pinalayas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno mula sa Templo. Sa ikatlo at huling bahagi ng Mabuting Balita, natagpuang wala nang buhay ang puno ng igos na isinumpa ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa unang bahagi ng Mabuting Balita.
Isang napakahalagang detalye sa salaysay sa Ebanghelyo ang panahon kung kailan ang puno ng igos ay isinumpa ni Jesus Nazareno. Nabanggit ito sa unang bahagi pa lamang ng salaysay sa Mabuting Balita. Maliwanag na binanggit sa unang bahagi ng salaysay sa Ebanghelyo na hindi pa panahon ng igos sa araw at sandaling isinumpa ng Poong Jesus Nazareno ang puno ng igos (Marcos 11, 13). Kaya, maaari rin nating tanungin, bakit naman ito ipinasiyang gawin ng Panginoong Jesus Nazareno? Bakit mukhang nawalan o naubusan ng pasensya ang Mahal na Poong Jesus Nazareno? Hindi ba Niya ito batid? Kung tutuusin, maaari na lamang Siya magtungo sa ibang pook o lugar upang makahanap ng igos o anumang pagkain. Parang isang maliit na bagay lang naman ito. Bakit Niya itong ginawang problema?
Oo, maaaring magsitungo ang Nuestro Padre Jesus Nazareno sa ibang lugar o pook upang makahanap ng ibang makakain. Subalit, ito ay higit pa sa pagkain. Bagkus, ito ay tungkol sa oras ng Panginoong Diyos. Ang oras ng Diyos ay iba sa oras ng tao. Huwag nating kakalimutan, hindi inaaasahan ng mga tao na si Jesus Nazareno ay ang mismong Mesiyas at Manunubos na ipinangakong ipagkakaloob ng Diyos sa takdang panahon. Inaaasahan nga nilang darating si Kristo, ngunit hindi nila akalaing si Jesus Nazareno ay ang Kristo. Bukod pa riyan, ang Poong Jesus Nazareno lamang ay ang tanging nakakaalam kung ano ang mangyayari sa Kanya sa mga susunod na araw sa lungsod ng Herusalem. Walang ibang tao ang nakakaalam, liban kay Jesus Nazareno.
Darating at dadalaw sa atin ang Panginoong Jesus Nazareno sa mga sandali at oras na hindi natin aasahan (Mateo 24, 44; Marcos 13, 35). Hindi lamang iyan tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagdating bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon kundi ito ay tungkol rin sa Kanyang palagiang pagdalaw sa bawat sandali ng ating buhay. Ang oras at sandaling dadalaw sa ating buhay ang Panginoong Jesus Nazareno ay hindi mahuhulaan ninuman. Ito ang ipinapaalala Niya sa lahat sa pamamagitan ng puno ng igos na Kanyang isinumpa.
Sa Unang Pagbasa, pinarangalan ang mga naging tapat sa Panginoong Diyos habang namumuhay sila sa lupa. Ang punong ito ay isinalungguhit rin sa Salmong Tugunan para sa araw na ito. Kinalulugdan ng Diyos ang mga hinirang Niyang tapat sa Kanya. Ito ang nais ipaalala sa atin ng Panginoong Jesus Nazareno sa araw na ito. Nais Niya tayong maging tapat sa Kanya nang taos-puso. Habang namumuhay pa tayo dito sa mundong ito, patuloy Niya tayong binibigyan ng pagkakataon upang maging banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin.
Hindi maliit na bagay ang ginawa ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa puno ng igos sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Ipinapaalala sa atin na darating Siya sa mga oras at sandaling hindi natin inaaasahan. Pagdating ng oras ng Kanyang pagdalaw sa atin, o kaya naman sa oras ng Kanyang muling pagdating bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon, ano ang Kanyang makikita sa ating mga puso?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento