29 Mayo 2023
Paggunita sa Mahal na Birheng Mariang Ina ng Simbahan
Genesis 3, 9-15. 20 (o kaya: Mga Gawa 1, 12-14)/Salmo 87/Juan 19, 25-34
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 16th century) Madonna in Glory by Bernardino Campi (1520–1591), as well as the actual painting itself from an unidentified location, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or less, including the United States, due to its age.
Pinagninilayan ng Simbahan sa araw na ito ang pagiging kaloob ni Maria. Isa siyang kaloob sa Simbahan. Ang katotohanang ito ay maliwanag na ipinapahiwatig ng titulo at gampaning "Ina ng Simbahan." Dahil sa pag-ibig, habag, at kagandahang-loob ng Diyos, niloob Niyang maging bahagi tayo ng Kanyang pamilya. Nahayag ito sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, habang nakabayubay sa Banal na Krus sa bundok ng Kalbaryo, ay nagpakita ng pag-ibig, habag, at kagandahang-loob sa Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang kusang-loob na paghabilin sa kanya sa Mahal na Inang si Mariang Birhen. Ang Apostol na si San Juan ang kumatawan sa Simbahan sa mga sandaling yaon.
Inilahad sa Unang Pagbasa ang pangakong binitiwan ng Panginoong Diyos matapos malugmok ang tao sa kasalanan sapagkat sinuway nina Adan at Eba ang Kanyang utos na huwag kainin ang ipinagbabawal na bunga. Ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay darating sa pamamagitan ng isang babae. Sa Ebanghelyo, ipinakilala ang babaeng yaon. Ang babaeng yaon ay walang iba kundi ang Mahal na Inang si Mariang Birhen na nagsilang sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos na nakabayubay sa Krus na si Jesus Nazareno. Sa alternatibong Unang Pagbasa, ang Mahal na Birheng Maria ay taimtim na nanalangin kasama ang mga apostol habang hinihintay ang pagdating ng Espiritu Santo. Katulad ng nasasaad sa Salmong Tugunan para sa araw na ito, ang katotohanang ito ay isang mabuti at magandang balita para sa atin bilang Simbahan (Salmo 87, 3). Ang Ina ng Diyos ay ang atin ring Ina.
Ang Ina ng Diyos ay Ina rin ng Simbahan. Ito ang katotohanang nais ipaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito. Nangyari ito dahil sa pag-ibig, habag, at kagandahang-loob ng Diyos para sa atin na nahayag sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Si Mariang Birhen ay ang ating Ina dahil hindi siya ipinagdamot ni Jesus Nazareno mula sa atin. Kusang-loob Niyang ibinilang tayo sa Kaniyang pamilya. Dahil sa Kaniyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob Niya, ibinilang tayo ng Poong Jesus Nazareno bilang Kanyang mga kapamilya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento