26 Mayo 2023
Paggunita kay San Felipe Neri, pari
Biyernes sa Ikapitong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 25, 13b-21/Salmo 102/Juan 21, 15-19
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1700s) Saint Philip Neri in Glory Among Angels by Francesco Conti, as well as the actual work of art itself in the Museum of Fine Arts in Strasbourg, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Bakit si San Felipe Neri ay kinikilala ng Simbahan bilang Santong Pintakasi ng galak at tuwa? Gumagamit siya ng mga naakatawang biro sa kanyang mga pakikipaghalubilo sa mga taong kanyang pinaglilingkuran. Ang laging paksa ng mga nakakatawang biro niyang ito ay walang iba kundi ang kanyang sarili. Ginagawa niyang katawa-tawa ang kanyang sarili sa mga nakakatawang birong ito tungkol sa kanyang sarili. Lagi itong ginagawa ni San Felipe Neri upang paalalahanan ang kanyang sarili na huwag maging mapagmataas at mayabang nang sa gayon ay mapanatili ang kanyang kababaang-loob na tunay ngang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.
Sa pamamagitan ng paggamit ng mga nakakatawang biro tungkol sa kanyang sarili bilang mga paalala para sa kanya na panatilihin ang kanyang kababaang-loob upang manatiling kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos, inihahayag ni San Felipe Neri na ang Panginoong Diyos ang tanging dahilan kung bakit siya puspos ng galak at tuwa. Ang galak at tuwa ni San Felipe Neri ay katulad ng galak at tuwa ng Mahal na Inang si Mariang Birhen noong unang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Hindi kaloob ng mundong ito ang galak at tuwang ito. Bagkus, ito ay biyayang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno.
Nakasentro sa mga Pagbasa para sa araw na ito ang galak at tuwang bigay ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Diretsyahang inilarawan ni Porcio Festo kina Haring Agripa at Berenice na nagsitungo sa Cesarea upang madalaw at mabati nila siya ang natatanging dahilan kung bakit si Apostol San Pablo ay nakabilanggo sa Unang Pagbasa. Kahit inihahatid ni Apostol San Pablo ang galak at tuwang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng Muling Nabuhay na Panginoong Hesukristo, hindi siya tinanggap at binalak litisin at isakdal ng mga punong saserdote at mga matatanda ng bayan ng mga Hudyo sa Herusalem. Iyon nga lamang, dahil sa estado ni Apostol San Pablo bilang isang mamamayan ng Roma, pinanindigan niyang magpalitis sa Emperador dahil iyon ang kanyang karapatan. Sa Salmong Tugunan, buong linaw at lakas na inihayag ng mang-aawit ang dahilan kung bakit ang tanan ay dapat matuwa - ang Panginoong Diyos. Sa Ebanghelyo, ipinagkaloob ng Panginoong Jesus Nazarenong Muling Nabuhay kay Apostol San Pedro ang biyaya ng galak at tuwang nagmumula sa Kanya sa pamamagitan ng pagtatanong nang tatlong ulit sa Kanyang apostol na ito kung Siya ba'y tunay niyang iniibig.
Ipinapaalala sa atin sa araw na ito na walang mali o masamang tumawa, lalung-lalo na kapag ang tanging dahilan ng ating galak at tuwa ay walang iba kundi ang ating Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno. Sa Kanya lamang nagmumula ang tunay na galak at tuwa. Katulad ni San Felipe neri, magalak at matuwa tayo sa Poon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento