Huwebes, Mayo 11, 2023

KAHIT SINO, MAAARING MAGING BANAL

15 Mayo 2023 
Paggunita kay San Isidro Labrador, magsasaka (para sa buong Pilipinas) 
Mga Gawa 16, 11-15/Salmo 149/Juan 15, 26-16, 4a 


Marahil marami ang mga magugulat kapag nalaman nilang hindi naman isa sa mga pintakasi ng Pilipinas si San Isidro Labrador. Tiyak na pamilyar para sa marami sa atin ang pangalang "San Isidro Labrador." Iyon nga lamang, tiyak na hindi alam ng marami na hindi naman siya isa sa mga Santong pintakasi para sa Pilipinas. Katunayan, kung babasahin natin ang Leksyonaryo para sa Misa at kapag dumating tayo sa bahagi kung saan inilahad ang mga Pagbasa para sa 15 Mayo na matatagpuan sa bahaging tinatawag na "Hanay ng mga Banal," katulad na lamang ng iba pang mga Santo at Santa ng Simbahan, mapapansin nating nakasulat sa tabi ng pangalan ng banal na pagdiriwang sa araw na ito (15 Mayo), "Paggunita kay San Isidro, magsasaka," ang mga salitang "Para sa Pilipinas." Ito ay kahit hindi naman siya pintakasi ng bansa. 

Sa totoo lamang, masasabi nating si San Isidro Labrador ay tunay ngang malapit sa puso ng maraming mga Pilipinong Katoliko, lalo na yaong mga magsasaka. Bagamat nagmula siya sa ibang bansa, Espanya, naiuugnay ng maraming mga Pilipino ang kanilang mga puso at sarili kay San Isidro Labrador. Katulad ng marami sa atin, hindi isinilang sa isang mayamang pamilya si San Isidro Labrador. Ipinanganak si San Isidro Labrador sa isang mahirap o dukhang pamilya. Ang kanyang hanap-buhay o trabaho ay pagsasaka. Lagi siyang tumutungo sa bukid upang magsaka. Naging mahirap ang buhay para kay San Isidro Labrador. Subalit, sa kabila ng mga hirap sa buhay sa daigdig, ipinasiya pa rin ni San Isidro Labrador na maging banal sa paningin ng Diyos. 

Muling ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa pamamagitan ng Santong ginugunita sa araw na ito, si San Isidro Labrador, na kahit sino ay maaaring mapabilang sa hanay at kasamahan ng mga banal sa langit. Ang pagiging banal ay hindi lamang para sa mga pari, obispo, madre, at Santo Papa. Pati mga layko, maaaring maging banal. Bukod pa riyan, hindi lamang para sa mga mayayaman ang pagiging banal. Ang magsasakang si San Isidro Labrador ang patunay nito. Mayaman man o mahirap, maaaring maging banal at kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay ang pagtanggap ng isang babaeng mula sa Tiatira na nagngangalang Lydia sa pananampalatayang ipinangangaral nina Apostol San Pablo. Bagamat maraming mga sinaunang Kristiyano ang inuusig noon, kusang-loob pa ring ipinasiya ni Lydia na tanggapin ang pananampalatayang Kristiyano at mapabilang sa tunay na Simbahang itinatag mismo ng Muling Nabuhay na si Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, si Hesus ay patuloy na nangaral sa Kanyang mga alagad tungkol sa pagtulong ng Espiritu Santo sa kanilang misyon at tungkulin bilang Kanyang Simbahan. Tutulungan ng Espiritu Santo ang mga apostol na maging tapat sa kanilang misyon at banal bilang mga saksi ng Poong Jesus Nazareno sa kabila ng mga paghihirap at pag-uusig na kanilang haharapin at titiisin. Hindi lamang papatnubayan at gagabayan ng Espiritu Santo ang mga apostol sa tuwing ang Poong Jesus Nazareno ay kanilang ipapakilala sa mga tao sa iba't ibang bahagi ng mundong ito sa pamamagitan ng kanilang mga pangaral tungkol sa Banal na Ebanghelyo, kundi bibigyan rin Niya sila ng lakas na manatiling tapat sa Kanya bilang pagsasabuhay ng kanilang mga ipinangangaral. Sa pamamagitan nito, ang Panginoon ay mapupuspos ng galak dahil ipinasiya ng mga apostol at ng mga henerasyong sumunod sa kanila bilang bahagi ng Kaniyang Simbahan na manatiling tapat sa kanilang paglilingkod at pagsamba sa Kanya hanggang wakas sa pamamagitan ng pagiging banal, katulad na lamang ng inilarawan sa Salmong Tugunan para sa araw na ito. 

Ang pagiging banal ay para sa lahat. Ito ang paalala ng Simbahan para sa atin sa pamamagitan ng pagtatampok sa halimbawa ni San Isidro Labrador sa araw na ito. Hindi kinakailangang mayaman ang isang tao upang makarating sa langit. Kailangan lamang niyang tanggapin ang biyaya ng kaligtasang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ito ang ipinasiyang gawin ni San Isidro Labrador sa bawat sandali ng kanyang buhay dito sa mundong ito bilang isang magsasaka. Habang patuloy tayong nagsusumikap sa mga trabaho at hanap-buhay upang mapaganda ang ating buhay sa lupa, huwag nating kalimutang piliin ang kabanalan sa bawat sandali ng ating buhay upang ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa langit ay matamasa natin sa wakas ng ating buhay dito sa mundong ito. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento