Sabado, Mayo 27, 2023

MAHABAGIN AT MAPAGMAHAL KAHIT HINDI KARAPAT-DAPAT ANG KINAHAHABAGAN AT MINAMAHAL

4 Hunyo 2023 
Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos (A) 
Exodo 34, 4b-6. 8-9/Daniel 3/2 Corinto 13, 11-13/Juan 3, 16-18 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1741) The Trinity by Francesco de Mura from ArtDaily.com is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States of America, due to its age. 

Inilaan ng Simbahan ang Linggo kasunod ng Linggo ng Pentekostes para sa maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos. Sa tuwing sasapit ang taunang pagdiriwang ng nasabing Dakilang Kapistahan, tayong lahat na bumubuo sa Simbahan ay binibigyan ng pagkakataon upang talakayin at pagnilayan ang misteryong ito tungkol sa pagkakilanlan ng Panginoong Diyos. Ang Diyos ay iisa lamang, subalit ang tunay at nag-iisang Diyos na ating pinupuri at sinasamba bilang tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo ay binubuo ng Tatlong Persona na walang iba kundi ang Ama, Anak, at Espiritu Santo. Kaya naman, sa tuwing tayo ay mag-aantanda ng Krus sa simula at wakas ng ating mga dasal, ang sinasabi natin ay hindi "Sa MGA Ngalan ng Ama, Anak, at Espiritu Santo" kundi "Sa Ngalan ng Ama . . ." 

Kung magiging prangka tayo, mahirap talagang arukin, unawain, at ipaliwanag ang misteryong ito ng ating pananampalataya. Mayroon pa ngang biro na nagsasabing laging kinakabahan ang mga pari sa tuwing papalapit ng pagsapit ng pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos at sa pagsapit ng mismong pagdiriwang na iyon sapagkat kinakailangan nila itong ipaliwanag. Bagamat isa itong biro lamang, hindi maipagkakailang mahirap itong ipaliwanag nang lubos. Mayroong hangganan ang isipan at pang-unawa ng tao. Hindi kayang unawain at ipaliwanag ng tao ang lahat ng bagay at misteryo. 

Sa kabila ng mga hangganan at limitasyon ng ating mga isipan at pang-unawa bilang mga taong namumuhay sa mundong ito, ipinasiya ng tunay at nag-iisang Diyos na ipakilala ang Kanyang sarili sa atin sa pamamagitan ng Banal na Santatlo. Ang Ama, Anak, at Espiritu Santo ay nagpasiyang magpakilala sa atin bilang Tatlong Personang bumubuo sa kaisa-isang Diyos na ating pinupuri, pinararangalan, pinasasalamatan, dinarakila, niluluwalhati, at sinasamba. Inilahad sa mga Pagbasa para sa araw na ito na inilaan para sa Dakilang Kapistahang ito ang dahilan kung bakit. Sabi ng Diyos sa Kanyang lingkod na hinirang na si Moises na tunay Siyang mapagmahal, maawain, at tapat (Exodo 34, 6). Bagamat tayong lahat ay mga makasalanang may maraming hangganan at limitasyon, ipinasiya pa rin ng Diyos na ipamalas sa atin ang Kaniyang pag-ibig, habag, at awa na tunay nga namang walang hanggan at dakila. Sa Banal na Ebanghelyo para sa araw na ito, muling pinagtuunan ng pansin at isinalungguhit ang dakilang pag-ibig, habag, at awa ng Diyos. Ipinaalala sa atin sa Banal na Ebanghelyo na kusang-loob ang pasiya ng Panginoong Diyos na iligtas ang sangkatauhan dahil tunay ang Kanyang dakilang pag-ibig, habag, at awa ng Panginoong Diyos. Hindi ito isang kathang-isip lamang. Tunay ang dakilang pag-ibig, habag, at awa ng Banal na Santatlo na inihayag sa pamamagitan ng Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Diyos Anak na si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Sa Ikalawang Pagbasa, muling ipinaalala ni Apostol San Pablo sa lahat na ang Diyos ay ang Diyos ng habag, pag-ibig, at kapayapaan (2 Corinto 13, 11). 

Hindi maaaring sabihin ninumang karapat-dapat siyang iligtas ng Panginoong Diyos o kaya naman nararapat lamang magpakilala nang lubusan sa kanya ang Diyos. Ang bawat isa sa atin ay hindi karapat-dapat sa biyaya, pag-ibig, habag, at awa ng Diyos dahil tayong lahat ay pawang mga makasalanang mayroong maraming hangganan at limitasyon. Subalit, sa kabila nito, ipinasiya pa rin ng tunay na Diyos na ipakita sa atin ang Kanyang biyaya, pag-ibig, habag, at awa. Nahayag sa atin ang dakilang biyaya, pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Banal na Santatlo sa pamamagitan ng Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno. 

Ang Diyos ay iisa lamang. Hindi tatlo ang Diyos na ating sinasamba kundi isa. Walang ibang diyos o bathala maliban sa Kanya. Subalit, ang tunay at kaisa-isang Diyos ay binubuo ng Tatlong Persona na walang iba kundi ang Ama, Anak, at Espiritu Santo. Kusang-loob na ipinasiya ng Banal na Santatlo na ipahayag ang dakilang pag-ibig, habag, kagandahang-loob, at awa, dahil sa pag-ibig para sa atin na inihayag sa tanan sa pamamagitan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Bagamat hindi tayo karapat-dapat, nagpakita pa rin sa atin ng tunay at dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ang Banal na Santatlo sa atin. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno mismo ay ang patunay nito. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento