9 Hunyo 2023
Biyernes ng Ikasiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Tobit 11, 5-17/Salmo 145/Marcos 12, 35-37
Screenshot: QUIAPO CHURCH OFFICIAL - 7PM #OnlineMass 28 May 2023 #PentecostSunday #LinggoNgPentekostes (Quiapo Church Facebook and YouTube)
Sa Unang Pagbasa, inilarawan kung paanong ibinalik ang paningin ni Tobit. Dahil sa kabutihan ng Panginoong Diyos, nanumbalik ang paningin ni Tobit. Inatasan ng Diyos ang Arkanghel na si San Rafael upang ituro sa anak niyang si Tobias kung ano ang dapat gawin para manumbalik ang paningin ng kanyang ama. Sinunod ni Tobias ang mga sinabi sa kanya ng anghel na si San Rafael Arkanghel, at nanumbalik na rin sa wakas ang paningin ni Tobit. Ang himalang ito ay isa sa napakaraming patunay na tunay ngang mabuti ang Diyos. Gumawa Siya ng paraan upang maibalik ang paningin ng Kanyang tapat na lingkod na si Tobit.
Nakasentro sa kabutihan ng Diyos ang pangaral ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa Biyernes na ito. Bagamat Siya ang pinakadakila sa lahat, ang Diyos ay nagpasiyang mapabilang sa angkan ni Haring David na Kanyang lingkod sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Kabanal-banalang Santatlo na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno. Kahit hindi mandatoryo itong gawin, kusang-loob pa rin Niya itong ipinasiyang isagawa alang-alang sa atin dahil tunay nga Siyang mabuti, maawain, mahabagin, at mapagmahal.
Gaya ng nasusulat sa Salmong Tugunan para sa araw na ito ng Biyernes, "Kalul'wa ko, 'yong purihin ang Panginoong butihin" (Salmo 145, 1). Tunay ngang mabuti ang Diyos. Ito ang ipinasiya Niyang ipakita sa atin. Bagamat hindi tayo karapat-dapat sa pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, kabutihan, habag, at awa ng Diyos dahil sa ating mga kasalanang hindi na mabilang ng ating mga daliri, ipinasiya pa rin Niya itong ipakita sa atin. Hindi Niya ito ipinagkakait sa atin.
Marahil paulit-ulit na nating naririnig ang mga katagang "Mabuti ang Diyos." Subalit, ito ang katotohanan. Kaya tayo nabubuhay at naglalakbay sa mundong ito, kahit sa loob lamang ng pansamantalang panahon, dahil sa kabutihan ng Diyos. Nakakasaksi tayo ng mga kahanga-hangang gawa ng Diyos dahil sa Kanyang kabutihan. Tayo rin ay niloob Niyang maging bahagi ng tunay na Simbahang itinatag mismo ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo dahil sa Kanyang kabutihan para sa atin.
Tunay ngang mabuti ang Diyos. Huwag nating kakalimutan ang katotohanang ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento