Huwebes, Hunyo 22, 2023

WALANG MALIW NA TULONG AT SAKLOLO

27 Hunyo 2023 
Kapistahan ng Ina ng Laging Saklolo 
Isaias 7, 10-17/Salmo 71/Pahayag 12, 1-6. 10/Juan 19, 25-27 


Ina ng Laging Saklolo. Ang titulong ito ay ang pangunahing paksang pinagtutuunan ng pansin ng Simbahan sa araw na ito sapagkat ang mismong araw na ito ay inilaan para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa ilalim ng titulong ito. Sa pamamagitan ng titulong ito ng Mahal na Ina, ipinapaalala sa atin ng Simbahan na lagi tayong tinutulungan at sinasaklolohan ng Panginoong Diyos. Dahil dito, kinikilala ng Simbahan ang Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Laging Saklolo. Tayong lahat ay tinutulungan at sinasaklolohan ng Mahal na Inang si Maria dahil ito ang kalooban ng Diyos. 

Hindi tayo tinutulungan at sinasaklolohan ang Mahal na Inang si Mariang Birhen sa pamamagitan ng kanyang mga sariling kakayahan. Naisin man niya itong gawin para sa atin, batid ni Maria na wala siyang magagawa gamit ang sarili niyang kakayahan. Bagkus, ang titulo ni Maria bilang Ina ng Laging Saklolo ay nakaugat at nakaugnay sa tulong at saklolo ng Diyos. Ang titulong "Ina ng Laging Saklolo" ay isang napakalinaw na larawan ng pagiging instrumento ng Diyos ng Mahal na Inang si Mariang Birhen upang maipabot Niya sa atin ang Kanyang tulong at saklolo. 

Ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay kilala natin bilang Ina ng Laging Saklolo dahil nakaugnay at nakaugat ang kanyang pagtulong sa atin sa tulong ng Diyos. Isa siyang daluyan ng pagtulong ng Diyos. Sa pamamagitan niya, ibinubuhos sa atin ng Panginoong Diyos ang Kanyang pagtulong at pagsaklolo sa atin. Ito ang nais bigyan ng pansin sa mga Pagbasa para sa araw na ito na inilaan para sa pagdiriwang ng isang napakahalagang Kapistahan. Ang pahayag ng Panginoong Diyos na inilahad ng Kanyang hinirang na propeta na si Propeta Isaias sa Unang Pagbasa ay nakatuon sa biyaya ng Kanyang tulong, saklolo, at pagliligtas. Sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ang Poong Jesus Nazareno, na isisilang ng isang dalaga na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria, ililigtas ng Diyos ang sangkatauhan. Tinupad ng Diyos ang pangakong ito pagsapit ng panahong itinakda Niya. Nakasentro rin sa temang ang pangitaing nakita ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa. Ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay daluyan ng pagtulong at pagsaklolo ng Diyos sapagkat siya ang nagsilang sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi si Jesus Nazareno na maghahati sa lahat ng mga bansa (Pahayag 12, 5). Sa Ebanghelyo, ipinagkatiwala ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Mahal na Inang si Mariang Birhen at si Apostol San Juan na kumakatawan sa Kanyang Simbahan sa mga sandaling yaon sa pangangalaga ng isa't isa. Tayong lahat ay binigyan ng isa pang dagdag na daluyan ng biyaya, habag, at saklolo ng Panginoong Diyos sa oras na yaon sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria na ating Ina ng Laging Saklolo. 

Gaya ng nasasaad sa Rito ng Pagbabasbas sa Banal na Misa na pinangungunahan ng mga Obispo: "Ang tumutulong sa atin ay ang Panginoon na may gawa ng langit at lupa" (Salmo 124, 8). Ito ang nais ipaalala sa atin ng titulo ng Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Laging Saklolo. Ang Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Laging Saklolo ay nagpapaalala sa atin na mayroon tayong Diyos na laging handang tumulong at sumaklolo sa atin. Katunayan, hinirang at inatasan siya ng Panginoong Diyos upang tulungan at saklolohan rin tayo. Dahil dito, kinikilala rin natin si Maria bilang Mahal na Ina ng Laging Saklolo. 

Bilang mga Katolikong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahan na itinatag mismo ni Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, tunay nga tayong mapalad sapagkat mayroon tayong Diyos na laging handang tumulong at sumaklolo sa atin. Katunayan, Siya nga mismo ang humihirang at umaatas ng maraming banal na tao upang magsilbing mga paalala ng katotohanang ito. Isa na rito ay ang Birheng Maria, ang Mahal na Ina ng Laging Saklolo. Ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay kinikilala at pinararangalan natin bilang Ina ng Laging Saklolo dahil siya'y niloob ng Diyos na maging daluyan at instrumento ng Kanyang walang maliw na pagtulong at pagsaklolo sa atin. Dahil sa paghirang at pag-atas sa kanya ng Diyos, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay ating pinararangalan at kinikilala bilang ating Mahal na Ina ng Laging Saklolo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento